Lily Monteverde, Regal matriarch and showbiz icon, dies at 84 /d

mother lily death

Nagluluksa ang Philippine showbiz industry dahil sa pagpanaw ng movie producer at showbiz icon na si Lily Monteverde ngayong Linggo ng umaga, Agosto 4, 2024.

Mas kilala ng lahat sa tawag na “Mother Lily,” pumanaw ang Regal Films matriarch sa Medical City, Pasig City.

Siya ay magdiriwang sana ng kanyang 85th birthday sa August 19.

Kinumpirma ng isa sa mga anak ni Mother Lily, si UP Fighting Maroons head coach Goldwin Monteverde, ang malungkot na balita sa pamamagitan ng text message nito sa GMA News.

Si Mother Lily ay binawian ng buhay matapos lamang ang anim na araw mula nang pumanaw ang kanyang asawa na si Leonardo “Father Remy” Monteverde noong Hulyo 29, 2024.

Inihatid si Father Remy sa kanyang huling hantungan sa Heritage Park, Taguig City, noong Sabado ng tanghali, Agosto 3, 2024.

Kinabukasan, ang kanya namang kabiyak ang pumanaw.

Naulila ni Mother Lily ang kanyang mga anak na sina Winston, Sherida, Roselle, Dondon, at Goldwin.

MOTHER LILY’S LEGACY IN PHILIPPINE SHOWBIZ

Hindi matatawaran ang mga kontribusyon ni Mother Lily sa industriya ng pelikula at telebisyon.

Nag-umpisa ang Regal Films noong Agosto 1962 nang manghiram si Mother Lily ng sampung libong piso mula sa kanyang kapatid na si Jessie Yu para makuha niya ang karapatang ipalabas sa mga sinehan sa Pilipinas ang foreign movie na All Mine To Give (1957).

all mine to give poster

Hindi nagkamali ang pulso at pakiramdam ni Mother Lily dahil pinilahan sa takilya ang pelikula.

Kumita siya ng kalahating milyong piso at mula noon, nagkasunud-sunod na ang mga proyekto ng Regal Films.

Ang unang pelikulang iprinodyus ng Regal Films ay ang Araw-Araw, Gabi-Gabi, na ang kuwento ay inspirasyon mula sa All Mine To Give.

Si Charito Solis ang bida sa Araw-Araw, Gabi-Gabi, at si Didith Reyes naman ang kumanta ng theme song ng pelikulang ipinalabas sa mga sinehan noong Setyember 21, 1975.

Pinilahan din ito ng mga manonood.

araw-araw gabi-gabi poster

FROM MOVIE FAN TO MOVIE PRODUCER

Ipinagmamalaki ni Mother Lily ang pagiging movie fan, ang pagtakas niya sa school para pumunta sa Sampaguita Pictures studios, at ang pag-akyat niya sa bakod para makita ang kanyang mga paboritong artista.

Nang maging producer si Mother Lily ng Regal Films, nakabili siya ng lupa at bahay sa Valencia St., Quezon City, na katapat na katapat ng Sampaguita Pictures studios.

Naging kaibigan din niya ang mga producer ng Sampaguita Pictures.

Ilan sa critically-acclaimed films ng Regal Films ay ang Manila By Night, Sister Stella L., Scorpio Nights, Relasyon, at Broken Marriage.

regal films movies

Siya rin ang responsable sa popularidad ng Mano Po at Shake, Rattle & Roll franchises.

mano po shake rattle & roll

Photo/s: Regal Films

Maraming mga artista ang pinasikat ng film company ni Mother Lily.

Kabilang dito sina Maricel Soriano, Dina Bonnevie, Gabby Concepcion, William Martinez, Rio Locsin, Alma Moreno, Snooky Serna, Ruffa Gutierrez, Richard Gomez, at Manilyn Reynes.

Gumawa rin ng pelikula sa Regal Films ang mga respetadong aktor na sina Fernando Poe Jr., Susan Roces, Dolphy, Vilma Santos, Nora Aunor, Phillip Salvador, Eddie Garcia, Christopher de Leon, Nida Blanca, at Charito Solis.

May kasabihan sa showbiz na hindi kumpleto ang acting career ng mga artista kapag hindi nila naranasang makatrabaho si Mother Lily at magkaroon ng proyekto sa Regal Films.

MESSAGES OF SYMPATHY

Hindi pa man naglalabas ng opisyal na pahayag ang pamilya ni Mother Lily ay marami na ang nagpaabot ng kanilang pagdadalamhati, sa pamamagitan ng social media.

Kabilang sa mga unang nag-post ng mensahe ay ang inaanak sa binyag ni Mother Lily na si Senator Grace Poe.

Mensahe ng senadora sa kanyang Facebook post, kalakip ang mga larawan kasama ni Mother Lily: “I’m so sorry and sad to hear about Mother Lily’s passing.

“My Ninang Mother always believed in me and assured me whenever I doubted myself. She has helped so many and she will never be forgotten. She was, and will always be, a Titan in the Philippine movie industry.

“Our deepest sympathies and condolences to her family and loved one.”

Si Senator Grace Poe ay anak ng mga yumaong King and Queen of Philippine Movies na sina Fernando Poe Jr. at Susan Roces, na parehong malapit kay Mother Lily.

Related Posts

Our Privacy policy

https://morenews247.com - © 2025 News