Noong Biyernes, September 11, na-pack up ang taping nina Dingdong Dantes sa Descendants of the Sun, pero hindi rin pala nakadiretso ng uwi ang aktor dahil kailangan pa rin niyang mag-isolate ng ilang araw.
Ang kuwento ni Marian Rivera nang nakatsikahan namin sa virtual mediacon niya noong Sabado, September 12, pinag-swab test uli si Dingdong pagkatapos ng taping.
Bahagi iyon ng safety protocols sa taping na kailangang sundin.
After three days ay lalabas ang resulta, at kapag negative ang lumabas, puwede na siyang makauwi sa kaniyang tahanan.
“Kailangan kasi talagang magpa-test muna siya para makasiguro na wala siyang dala sa bahay, para safe naman, kasi kawawa ang mga bata.
“Siguro, Tuesday lunch, dito na siya,” pakli ni Marian.
Hindi na binanggit ni Marian kung saan naka-quarantine ang asawa, pero maaaring miss na miss na sila kaya pinapapunta na raw sila roon.
“Tinawagan nga niya ako, sabi niya, ‘Puntahan niyo ako dito.’
“‘Ha? Nag-quarantine ka pa ‘tapos pinapupunta mo kami diyan?’
“Sabi ko, ‘Magtiis ka na lang. Nakatiis ka na ng madaming araw, magtiis ka pa ng tatlong araw.’
“Mas maigi na iyung maingat kami kasi, di ba, mahirap, e. Sa panahon ngayon, hindi puwedeng bara-bara. Kailangan, palaging sigurado na okay bago umuwi ng bahay,” sabi pa niya.
Masayang ibinahagi ng GMA Prime-time Queen na malaki talaga ang nagawa ng quarantine sa pagsasama nila ni Dingdong.
Dito nila napagtantong compatible sila sa isa’t isa.
“Very thankful kami ni Dong na never kaming nag-away, at lalong tumibay ang pagmamahal namin, na nagkikita kami araw-araw, naglalambingan kami araw-araw, masaya kami araw-araw.
“Parehas kaming busy…may ginagawa siya. Siguro, maganda rin kasi na kahit nasa bahay, may espasyo pa rin kami, ‘tapos may time kaming together.
“Siyempre, kahit nasa loob ng bahay, lahat ay natatakot sa pandemya.
“Pero kung titingnan mo sa kabilang banda, siguro, ito iyong time namin na magkaroon talaga ng quality time.
“Kasi parehas kaming busy palagi, lalo na si Dong na parang araw-araw wala sa bahay, may taping, may meeting, may kailangang conference.
“Itong pandemya lang talaga na magkasama kami na solid araw-araw.
“Kaya very thankful ako na very compatible pala talaga kami sa isa’t isa,” saad ni Marian.
Speaking of parallel dynamics ng ganyang relasyon during the pandemic, nakapanayam ko si GMA Films President Annette Gozon at ang asawang si Shintaro Valdes.
Nakakatulong daw talaga na may mga “me time” silang dalawa—si Shintaro sa kanyang outdoor activities; si Annette sa bahay ng parents niya dahil tuloy ang trabaho.
Pagkatapos, parang usual discourse nila ang mga naganap sa araw nila at may kani-kanyang accomplishments sa ibang fields, kaya maraming bagong natutunan.
Ganoon din sina Gelli de Belen at Ariel Rivera, kahit magkasama sila sa bahay, sa Canada man o dito sa Quezon City, may mga sari-sariling interes ang dalawa na inaatupag. Kaya mas nagiging exciting ang pagsasama.
Again, nate-test talaga ang tatag ng mga relasyon during this pandemic.
And both couples that I’ve talked to said that they’ve never prayed so hard sa Diyos for guidance ngayong apektado tayo ng Coronavirus.
Sa panahon ng pandemya, natanto ng maraming showbiz couples kung ano ang mas mahalaga.
Ang young actor at young actress na napabalitang hiwalay, nagsama muli sa ilalim ng iisang bubong. Nasumpungan nila na kailangan nila ang pag-ibig ng isa’t isa.
Meron ding young actor at young actress na ayaw aminin noon ang totoong estado ng kanilang relasyon dahil ibang young actor ang ka-love team ng young actress.
Level up na ang kanilang romansa, at balitang may biyaya sa kanilang pagmamahalan.
Initsapuwera ng tisay na sexy star ang sexy project na pagbibidahan niya, kaya pinalitan siya ng morenang aktres.
Priority ng tisay na sexy star ang ikaliligaya ng dakilang actor-politician.
Ang actor at lover na gay director, lalong tumamis ang pagsintang pururot. Sadyang wagi ang kanilang pag-irog, na pinagtibay ng mga pagsubok.