Ikinuwento ni Sanya Lopez ang kanyang humble beginnings noong nagsisimula pa lamang siya sa mundo ng showbiz, kabilang na ang experience niya noon nang palabasin siya ng artista sa tent.
Sa programang ‘Fast Talk with Boy Abunda’ nilahad ni Sanya ang pagiging extra niya noon na talent. Naranasan pa nga raw niya na mangudngod sa isang serye.
“Dumating pa ako sa point na naging extra ako ni Bianca (Umali), with Ashley Ortega,” sabi ni Sanya na ang tinutukoy ay ang series na ‘Wish I May’ noong 2016.
“May muntik-muntikan daw, si Ashley din naman po ‘yun, kontrabida mo (Bianca) roon si Ashley. Kailangang ingudngod doon tapos ikaw ‘yung nasa CR. Okay naman sa akin Tito Boy,” kwento ni Sanya.
Binahagi nga rin ni Sanya ang experience niya nang palabasin sa isang tent ng artista.
“Napalabas po ako ng tent kasi hindi raw ako artista. For artista raw po ‘yun. Tapos sabi ko, ‘Sige po.’
“Happy ako that time pero naisip ko lang Tito Boy, kung hindi siguro nangyari sa akin ‘yun tapos ganito ‘yung mga blessings na ibinibigay ni Lord sa akin, baka ang laki-laki ng ulo ko, sobra,” saad pa ng aktres.
Ayon pa sa ‘Pulang Araw’ star, dahil sa mga experience niyang ito ay mas na-appreciate niya raw ang lahat ng kanyang mga nakakasama sa showbiz.
“Artista man o hindi, dapat isa lang ‘yung pagrespeto mo sa kanila,” aniya.
“Kasi we can never tell. Bilog ang mundo. So hindi natin alam na siya na ‘yung susunod, siya ‘yung makakasama mo.
“You have to be nice to everyone. Be kind talaga and respect them. Kahit ano pa ‘yung estado nila sa life,” sabi pa ni Sanya.