Paulo Avelino, hanga sa kanyang ‘Fan Girl’ co-star na si Charlie Dizon
MAYNILA — Hanga si Paulo Avelino sa kasamahan niya sa pelikulang “Fan Girl” na si Charlie Dizon.
Sa “We Rise Together” nitong Biyernes, sinabi ni Avelino na naging matapang si Dizon na tanggapin ang kanilang pelikula na idinirehe ni Antoinette Jadaone.
“I am proud of Charlie, I am proud of her. Kumbaga kung sinasabi ni Direk Tonet sa akin na matapang ako for accepting it, mas matapang actually ‘yung fan girl na tatanggap nito, especially Charlie is also in the same industry as everyone,” ani Avelino
“Hopefully mag-work itong pelikula para mas makilala siya dahil kumbaga naniniwala ako kay Charlie at sa talent niya,” dagdag ni Avelino.
Sa programa, nagbahagi rin si Avelino ng detalye tungkol sa kanilang pelikula na isa sa 10 opisyal na kalahok sa parating Metro Manila Film Festival (MMFF).
“Parang lahat naman tayo ay mayroong iniidolo o hinahangaan whether it’s someone you see on TV. Like what Tonet always says parang ‘yung pag-iidolo natin hanggang saan ba ‘yung extent. Kumbaga alam ba natin saan ang limit, kung sumusobra na ba tayo sa pag-idolo sa isang tao. Hanggang saan? Minsan ‘yung mga iniidolo natin nakikita natin sa likod ng persona na ipinapakita nila sa iyo mamahalin mo pa rin ba sila o tatanggapin mo pa rin ba sila?”
Samantala, kung hanga si Avelino kay Dizon, aminado naman ang aktor na wala sa personalidad niya ang maging “fan boy.”
“Hindi kasi ako ganoon na tao eh. Pero siguro kung magpa-fan boy ako mas sa mga filmmaker, mga directors, mga artsy people,” ani Avelino.
Nang tanungin kung wala man lang siyang crush, sagot ng aktor: “Ano kasi kahit gaano kaganda ang tao mas gusto ko na nakikilala. Parang doon ko nagiging crush kapag nakilala ko na ‘yung tao.”
Dagdag ng aktor: “Mas nai-in love ako actually sa personality ng isang tao more than ‘yung itsura at saka ‘yung kaseksihan, it comes after. Parang kapag nakikita mo, oo maganda siya pero hindi naman kami jibe so what’s the use?”