Apektado ang E.A.T. sa isyu ng pagpapatawag ng Movie and Television Review and Classfication Board (MTRCB) sa pamunuan ng It’s Showtime nitong Lunes ng umaga, July 31, 2021.
Ipinatawag ng MTRCB ang mga kinatawan ng It’s Showtime para magpaliwanag tungkol sa inireklamong paglabag umano ng mga host ng noontime program ng Kapamilya Channel at GTV sa Section 3 of Presidential Decree No.1986 and Its Implementing Rules and Regulations.
Nakatanggap ang MTRCB ng mga reklamo mula sa “concerned citizens” tungkol sa inasal ng real-life couple na sina Vice Ganda at Ion Perez sa July 25, 2023 episode ng It’s Showtime.
Kaugnay ito sa alegasyong malisyoso o hindi disenteng pagkain ng dalawa ng cake icing, gamit ang kanilang mga daliri, sa harap ng mga menor de edad na bata sa “Isip-Bata” segment ng programa.
Kabilang ang kontrobersiyal na social media personality na si Rendon Labrador sa mga nagmaktol at nagkondena sa ginawa nina Vice at Ion. Kasama siya sa mga kumalampag sa MTRCB para aksyunan ang tinawag niyang “kabastusan” umano ng dalawa.
Naganap sa opisina ng MTRCB ang pagdinig sa reklamo ng “concerned citizens” ngayong Lunes ng umaga. Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, isa lamang ang nangyari sa July 25 episode sa marami nang sumbong na natatanggap ng naturang government agency laban sa It’s Showtime.
Nadamay ang E.A.T. sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng katapat nilang noontime program dahil kinukuwestiyon ng mga tagapagtanggol ng It’s Showtime at iba pang netizens ang pagpupog ng halik ni Tito Sotto sa asawa nitong si Helen Gamboa sa National Dabarkads Day celebration ng kanilang programa sa TV5 noong Sabado, July 29, 2023.
Dalawang beses na pinupog ng halik ni Tito si Helen sa leeg nito sa segment na “Babala! ‘Wag Kayong Ganuuun.”
Una, nang ipakilala si Helen bilang bisita ng E.A.T. at, pangalawa, matapos kantahin ni Helen ang Miley Cyrus hit song na “I Can Buy Myself Flowers.”
“Relax lang po,” sabi naman ni Ryzza Mae Dizon.
“Ang galing, injured pa yan, ha? Sa lagay na yan!” natatawang saad naman ni Vic Sotto.
Sundot ni Joey de Leon, “To, sabi ni Ciara, lagot ka raw sa MTRCB dahil over-kissing.”
Tawa naman nang tawa si Ciara Sotto, bunsong anak nina Tito at Helen, nang makunan ng TV camera.
Ang anak nina Tito at Helen na si Lala Sotto-Antonio ang current MTRCB Chair.
Maging patas si Sotto-Antonio ang apela ng netizens at ipatawag din niya ang pamunuan ng E.A.T. para magpaliwanag sa inasal ng ama niya dahil hindi rin umano tamang mapanood sa national TV ang eksenang ginawa ng dating Senate President.
Narito ang ilang komento ng netizens: