Ipinapatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang production team ng TV5 noontime show na E.A.T. kasunod ng ginawang pagmumura ng isa sa hosts na si Wally Bayola.
Nakatakda ang pagharap ng E.A.T. producers sa tanggapan ng MTRCB sa darating na Lunes, August 14, 2023.
Ang notice to appear na inilabas ng MTRCB sa E.A.T. ay inilathala sa Facebook page ng ahensiya ngayong Biyernes, August 11, 2023, dakong 3:30 ng hapon.
Nakaagaw ng atensiyon sa netizens ang narinig na pagmumura ni Wally sa “Sugod Bahay Mga Kapatid” segment ng E.A.T. kahapon, August 10.
Ang chair ng MTRCB ay si Lala Sotto-Antonio ay anak ni Senator Tito Sotto na isa sa pillar hosts ng E.A.T.
Bahagi ng official statement ng MTRCB, “Nilabag ng naturang eksena ang Section 2 (B), Chapter IV of the Implementing Rules and Regulations of Presidential Decree No. 1986 (PD No. 1986).
Pagpapatuloy ng MTRCB memo, “Itinakda ang pagdinig sa ika-14 ng Agosto 2023, Lunes, sa MTRCB Offices sa Timog Avenue, Quezon City.
“Ipinaalala ng MTRCB na anumang paglabag sa PD No. 1986 at sa mga Patakaran at Regulasyon nito na namamahala sa mga pelikula, mga programa sa telebisyon, at kaugnay na promotional materials nito ay parurusahan ng suspensyon o kanselasyon ng mga permiso at/o lisensya na inisyu ng Board at/o ng pagpapataw ng multa, at iba pang uri ng administratibong parusa.”
Samantala, nakapaloob sa Section 2 (B), Chapter IV ang sumusunod: “LANGUAGE — Very mild and mild SWEAR words only. Use of a strong expletive in a sexual context and successive use of such expletives will not be allowed.”
Kaugnay ng isyung ito, ngayong Biyernes ay humingi ng paumanhin ang E.A.T hosts kaugnay ng nagawa ni Wally.
Sa pagsisimula ng “Sugod Bahay Kapatid” segment ng noontime show, kaagad na nagbigay ng pahayag si Jose Manalo.
Bahagi ng kanyang pahayag: “Kaya naman po nandito kami ngayon para ituwid po natin yung nagawang hindi nagustuhan o narinig ng bawat isa sa atin, kaya dapat po tayong nakikinig.
“Hindi lang yan, nagpapakumbaba po. Pinakaimportante yung magpakumbaba po tayo bagamat hindi naman natin sinasadya ang mga bagay na ‘to.
“At yung isa nating kasama natin na Dabarguards, nakapagsalita, na hindi rin naman niya ito sinasadya. Kaya aayusin po natin ito.”
Bahagi naman ng pahayag ni Wally: “Ako po ay may nabitawang salita na hindi ko po dapat sinasabi. Nagkamali po ako dun.
“At ako po ay humihingi ng paumanhin at pang-unawa ninyong lahat. Pasensiya na po. Pasensiya na po sa lahat.
IT’S SHOWTIME GIVEN NOTICE TO APPEAR BY MTRCB
Ilang linggo na ang nakalilipas, binigyan din ng Notice to Appear ng MTRCB ang pamunuan ng Kapamilya noontime show na It’s Showtime.
May kinalaman ito sa pagsimot nina Vice Ganda at Ion Perez ng icing ng cake gamit ang daliri sa segment nilang “Isip Bata,” kung saan may mga menor de edad na bahagi ng segment noong July 25, 2023.
Naging kontrobersiyal ang isyu at pinuna ng iba ang MTRCB na inakusahang may kinikilingan.
Dagdag diro, ikinatuwiran ng supporters ng It’s Showtime na hindi rin umano disente ang ginawang pagpupog ng halik ni Tito sa misis na si Helen Gamboa sa E.A.T. episode noong July 29, 2023.
Pero nanindigan si MTRCB Chair Lala sa isang separate interview na nilabag ng It’s Showtime ang “Section 3 of Presidential Decree No. 1986 and Its Implementing Rules and Regulations.”
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Bukod pa rito, maraming beses na raw nilang na-call out ang It’s Showtime dahil sa iba pang paglabag, tulad ng nip slip na nangyari kay Regine Tolentino.
Sinabi rin ni Lala na walang paglabag na ginawa ang kanyang mga magulang na sina Tito at Helen sa halikan nila sa E.A.T., at sinabing naging halimbawa pa ang kanyang mga magulang sa mga mag-asawa.