Vice Ganda thanks SB19 for waving their talent fee and for brainstorming with her team. She says, “Sumasama sila sa meeting. At pinapahiram nila yung kanta nila mismo. May music session kami. Yung kanta naming huli, original na kanta ng SB19. Sabi nila, gusto niyo irelyric namin para sumwak sa concept?”
PHOTO/S: Screengrab from ABS-CBN YouTube
Madamdamin ang “Magpasikat” performance nina Vice Ganda, Karylle, at Ryan Bang ngayong taon.
Ipinakita na ngayong Lunes, October 21, 2024 ang pinaghandaang performance ng tatlong It’s Showtime hosts para sa 15th anniversary ng kanilang noontime show.
Sa naturang “Magpasikat” performance, itinampok nina Vice, Karylle, at Ryan ang mga nakakaiyak na kuwento sa kanilang buhay, kasabay ng pagkanta at pagsayaw.
Marami rin silang kasamang surprise guests, tulad ng P-pop Kings na SB19 at ang double-gold Olympic gymnast na si Carlos Yulo.
Photo/s: Screengrab from ABS-CBN YouTube
WHAT IS MAGPASIKAT?
Ang “Magpasikat” week ay ang espesyal na anniversary celebration ng It’s Showtime, kung saan naglalaban ang mga host sa pamamagitan ng iba’t ibang klase ng pagtatanghal.
Hinahati ang mga host sa iba’t ibang grupo, at nagbubunutan sila kung anong araw nila ipakikita ang kanilang performance.
Ngayon taon ay narito ang grupo at schedule ng mga host:
Ngayong Lunes ay ang grupo nina Vice, Karylle at Ryan
Bukas, Martes, ay ang grupo nina Ogie Alcasid, Kim Chiu, Lassy Marquez, at MC Muah Calaquian
Sa Miyerkules ay sina Vhong Navarro, Ion Perez, Amy Perez, at Darren Espanto
Sa Huwebes naman tampok ang grupo nina Anne Curtis, Jugs Jugueta, at Teddy Corpuz
At sa Biyernes naman sina Jhong Hilario, Cianne Dominguez, at Jackie Gonzaga
Ang mga host mismo ang nagde-decide kung ano ang kanilang gagawin. Walang limit o kategorya ang mga performance, basta’t kayang gawin ng mga host.
Matatandaang marami-rami na ring “Magpasikat” performance ang tumatak sa mga nakaraang taon, tulad ng pagsabit ni Anne sa tabi ng mataas na building noong 2016; reverse theme song performance nina Karylle, Jugs at Teddy noong 2013; at ang parkour performance nina Jhong, Kim, at Ion noong 2023.
Dahil sa hirap at komplikasyon ng mga performance ay matagal itong pinaghahandaan ng mga host. Ngayong taon nga ay halos two months na silang nagpa-practice.
May premyo rin para sa chosen charity ang grupong mananalo sa “Magpasikat.” Sa ngayon ay PHP300,000 ang handog na premyo.
Nag-iimbita rin ang show ng mga iba’t ibang personalidad para magsilbing hurado.
Sa “Magpasikat 2024” ay sina Rory Quintos, Donny Pangilinan, Gabbi Garcia, Alice Dixson, at Freddie M. Garcia ang mga hurado.
VICE, KARYLLE, AND RYAN magpasikat PERFORMance
Ang tema ng “Magpasikat” performance nina Vice, Karylle at Ryan ay hope, o pag-asa.
Bago ang bawat performance ng tatlo ay ipinakitang nag-uusap-usap sila tungkol sa mga panahong nawalan sila ng pag-asa.
Una si Karylle, na ibinunyag ang naranasang kalungkutan dahil sa pagpanaw ng kanyang ama noong Agosto.
First time daw ang magaganap niyang “Magpasikat” performance na hindi mapapanood ng yumaong mahal sa buhay.
“Gusto ko malaman niya na sobra-sobra ko siyang mahal. Sana marinig pa rin niya yung kantang ginawa ko para sa kanya.”
Matapos nito ay ipinakita ang performance ni Karylle, kung saan nakabitin siya na tila anghel, habang kumakanta ng original composition para sa ama.
Karylle dons an angel costume for her “Magpasikat” performance
Photo/s: Screengrab from GMA YouTube
Naluha pa ang singer at theater actress nang awitin ang mga linyang, “I can’t say that I loved you enough but I loved you so much.”
Habang nagtatanghal si Karylle ay ipinapakita sa screens sa likod ang mga larawan nila ng kanyang yumaong tatay.
Pagkatapos nito ay ikinuwento naman ni Ryan ang mga naranasang kalungkutan noong siya ay grade school, dahil sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang.
Umiiyak si Ryan habang kinukuwento ang divorce ng Korean parents na bunsod ng palaging pag-aaway ng mga ito.
“Hindi sinagot yung prayer ko kay God. Nawala yung hope ko doon,” pahayag ng TV host.
Pagpapatuloy ni Ryan, sinubukan daw niyang pag-ayusin ang kanyang mga magulang kamakailan lamang, noong ipakilala niya ang kanyang fiancée na si Paola Huyong.
“Sobrang saya ko, nakita ko si Mommy tumatawa sa joke ng daddy ko,” ani Ryan.
Hiling din ni Ryan na mabuo ang kanyang pamilya sa darating niyang kasal.
“May nakikita ako na may posibilidad pala, may asa, yung hope ko.”
Pagkatapos nito ay ipinakita ang interpretative dance performance ni Ryan sa kantang “Beautiful Life” ng Korean artist na si Crush.
Nakasuot ang komedyante ng hanbok, o traditional Korean outfit, habang nakatapak sa isang uneven platform na tila tumutumba-tumba.
Sa magkabilang-tabi ni Ryan ay may dalawang performers na pilit niyang inaabot, habang umaarte siyang naghihinagpis.
Performance of Ryan Bang (center)
Photo/s: Screengrab from GMA YouTube
VICE ON HOPE
Sa parte naman ni Vice ay ikinuwento niya ang dahilan ng pag-iyak niya sa “Mini Miss U” segment noong Agosto 2023.
Bumuhos ang luha ng TV host dahil sa madamdaming tula ng batang contestant na si Eury.
Kuwento ni Vice, hindi niya napigilan ang pag-iyak dahil napagod siya sa mga isyung ibinabato sa kanya noong panahon na iyon.
“Sabay-sabay yung suntok, yung tadyak. Parang pinagtulungan ako. Parang pinagtulung-tulungan talaga ako. Bugbog na bugbog ako nung oras na iyan,” saad niya.
Matatandaang noong Agosto 2023 din pumutok ang isyu ng pagtutol ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa “cake licking” issue ni Vice at ng asawa niyang si Ion.
Pagpapatuloy ni Vice, kaya siya napagod ay hindi siya tumigil sa paglaban.
“Kaya pagod na pagod ako kasi lumalaban ako para sa sarili ko, para kay Ion, para sa Showtime kasi may mga taong naghahangad ng masama sa programang ito, e,” sabi niya.
Pero dahil daw sa naramdaman niyang pagmamahal mula sa co-hosts at audience matapos ang emosyonal na “Mini Miss U” segment ay bumalik ang kanyang pag-asa.
“Naramdaman ko na, ay, may kasama ako. Yung hope, binubulungan ako na, ‘Don’t panic, we will be ok.’”
Matapos nito ay nagsimula na ang performance ni Vice. Nakasuot siya ng maikling dress na pula, at tila may mga kalmot-kalmot sa braso at hita.
Una ay sinayaw ni Vice ang “Rise” ni Katy Perry, kasama ang ilang mga dancer na tila kinakalaban siya.
Matapos nito ay ipinakitang tila gumagapang-gapang sa sahig si Vice habang may mga voiceover ng mga kritisismong sinabi ng madla tungkol kanya at sa kanilang programa.
Pero malalagpasan ni Vice ang naturang mga voiceover at ipinakitang tumayo siya nang matapang.
Vice Ganda flanked by Karylle and Ryan Bang
Photo/s: Screengrab from ABS-CBN YouTube
sb19, carlos yulo as SURPRISE GUESTS
Matapos ang performance ni Vice ay sinamahan siya nina Karylle at Ryan sa entablado habang umaawit siya ng bagong kanta tungkol sa pag-asa, sa tono ng kantang “Liham” ng SB19.
Dito na rin ipinakilala ang ilan sa surprise guests.
Una na nga rito ang SB19, na nagkuwento tungkol sa kanilang journey sa music industry.
“Looking ahead, we hope to continue getting stronger, and be a voice for those feeling lost or unheard,” pahayag ni Pablo ng SB19.
L-R: SB19 Pablo, Vice Ganda, and SB19 Josh
Photo/s: Screengrab from ABS-CBN YouTube
Nagtilian ang audience ng tumapak sa entablado ang nasabing P-pop kings.
Itinuloy rin ng SB19 ang nakaka-touch na kanta ni Vice.
SB19 members Justin and Stell
Photo/s: Screengrab from ABS-CBN YouTube
Mula namang nagsigawan ang audience nang ipakilala si Carlos Yulo, na ikinuwento ang pinagdaanan niya sa Olympics.
“Sana maibahagi ko ang kaalaman ko sa mga susunod na henerasyon na mga batang nangangarap,” sabi ng elite athlete.
Nagpakita rin si Carlos ng gymnastics skills niya sa stage.
Olympic gold medalist Carlos Yulo guest at Magkapasikat in It’s Showtime
Photo/s: Screengrab from ABS-CBN YouTube
MORE STORIES OF HOPE
Matapos ang SB19 at si Carlos ay may mga lumabas pa sa entablado para magbigay ng kuwento tungkol sa pag-asa.
Una na diyan si Awra Briguela, na ikinuwento ang pagbangon niya mula sa kinasangkutang kontrobersiya noong July 2023.
“Unti-unti kong ibinabangon ang sarili ko mula sa pagkakalugmok. Bumalik ako sa pag-aaral. At sa pamamagitang nito, sana muling lumiwanag ang minsang dumilim na kinabukasan ko. Kumakapit ako sa pag-asa,” saad ng young comedienne.
Awra Briguela
Photo/s: Screengrab from ABS-CBN YouTube
Sumunod naman si Amy, na nag-aalaga ng inang may Alzheimer’s disease.
Tapos nito ay si Roy, isang ama na nalulong sa bisyo ng sugal.
Next sina Melvin at Faith, na 12 years nang mag-asawa ngunit wala pang anak.
Nandun din ang mga batang magkapatid na sina Nicole at Benjie, na nagkuwento ng hiling nilang umuwi na ang inang anim na taong OFW sa Dubai.
Bumuhos ang emosyon nang sorpresang lumabas sa stage ang nanay ng dalawa. Puno ng iyakan ang eksena ng pamilya, na mahigpit ang pagyayakapan sa gitna ng stage.
Dito na nagtapos ang “Magpasikat” performance nina Vice, Karylle, at Ryan.
VICE GANDA ON KEEPING THE FAITH
Pagkatapos ng performance ay umakyat sa entablado ang iba pang It’s Showtime hosts para kumustahin sina Vice.
Pambungad ni Anne, nakakaiyak daw ang naganap na “Magpasikat” performance.
“Everyone in this room can agree that we were all brought to tears, and it was such a beautiful reminder of hope,” saad ni Anne.
Tinanong din ni Anne kung paano nabuo ang concept na napanood.
Kuwento ni Vice, naisip nila ang makabagbag-damdaming number dahil nga sa kalungkutang pinadaraanan ni Karylle.
“Nananahimik lang ako sa dressing room, sabi ko, ano ba yung kailangan nating lahat ngayon? Kasi siyempre yung entertainment, we get to give that every day to the audience. Yung patawa, ang dali-dali lang nating ibigay,” sabi ni Vice.
Paliwanag ni Vice, naisip niyang dapat ang ibigay nila ay ang bagay na may halaga at kabuluhan.
Aniya, “Something that has an internal value. Yung may mas kabuluhan na siya.
“Dahil sa gulo ng paligid, kailangan nating makakuha ng kabuluhan.
“So, ano ba yung kailangan natin? Yung hope ang kailangan natin araw-araw.”
Naramdaman niya raw na ang pag-asa ang kailangan ni Karylle sa panahong iyon.
Ikinuwento rin ni Vice ang sinasabi niya sa mga co-host at staff ng show na nag-iisip ng kahihinatnan nito.
Matatandaang may mga sabi-sabing di na magtatagal ang noontime show sa Kapuso network.
“Ryan is still very young, and every day he asks me, parang, ‘Saan tayo papunta, Mommy? Mommy, anong mangyayari sa Showtime? Mommy, may Showtime pa ba next month? May Showtime pa ba after December?”
Ang sagot daw ni Vice kay Ryan at sa mga staff niya ay magkaroon lang ng pag-asa.
“Let’s just keep on hoping. Kasi nga may nabasa ako, what does the Bible say about hope. ‘Hope is a confident expectation and its strength lies in its faithfulness.’
“So, kahit hindi na natin alam, umasa lang tayo, kumapit lang tayo sa pag-asa kasi Siya, faithful Siya sa pangako sa atin, e. May pinangako sa atin si Lord na palagi Niya tayong ise-save.”
VICE GANDA THANKS SPECIAL GUESTS
Bago matapos ang “Magpasikat” segment ay pinasalamatan nina Vice, Karylle, at Ryan ang ilan sa special guests nila.
Special mention si Awra, na sinabihan ni Vice na “full of humility.”
Nagpasalamat naman si Awra sa manager sa paniniwala nito sa kanya.
Saad niya, “I’m doing really, really better for myself this time, and gusto ko pong bumawi talaga sa sarili ko sa mga bagay na nagawa kong di ko deserve.
“And this time, ayoko na pong ma-disappoint yung mga taong totoong nagtitiwala at nagmamahal sa akin.”
Pinasalamatan din ni Vice ang SB19, lalo na’t hindi tumanggap ng bayad ang P-pop group para sa performance.
Sagot naman ni Josh, na-touch daw sila sa performance nina Vice.
“Binigyan niyo rin po kami ng hope at pag-asa na puwede naming i-look forward,” saad ng SB19 member.
SB19 members Ken, Pablo, and Josh
Photo/s: Screengrab from ABS-CBN YouTube
Next naman si Carlos, na suot-suot ang dalawa niyang gold medals sa stage. Nagpasalamat ang Olympian sa opportunity to be on the It’s Showtime stage.
“Ikaw po ito lahat, Lord,” saad niya.
Bukas, Martes, ay sina Ogie Alcasid, Kim Chiu, Lassy Marquez, at MC Muah Calaquian naman ang magpe-perform sa “Magpasikat.”