Carlos Yulo on worsening family rift: “Basta ako, alam ko po sa sarili ko, sa puso ko na napatawad ko na sila and inamin ko sa sarili ko na nagkamali ako. Kinarma na ako kasi mali nga naman na sagutin mo sila ng ganun, na… siyempre emosyonal ka na po, e. Gusto mo ipaglaban yung sarili mo and yung relationship niyo.”
PHOTO/S: Screen grab from Toni Gonzaga Studio YouTube
“Alam ko yung ginawa ko, malinis yung konsensiya ko.”
Ito ang bahagi ng pahayag ni two-time Paris Olympics gold medalist Carlos Yulo nang ipagtanggol ang sarili laban sa batikos na ipinupukol sa kanya ng publiko.
Kaugnay pa rin ito ng kontrobersiyal at pinag-uusapang alitan nila ng kanyang sariling pamilya, partikular na sa ina niyang si Angelica Yulo.
Samu’t saring paratang at batikos ang nakukuha ni Carlos mula nang sumambulat sa publiko ang pananabla at pagdedeadma umano niya sa kanyang pamilya, at mas piliin at ipagtanggol ang nobyang si Chloe San Jose.
Sa panayam ni Carlos, kilala rin sa palayaw niyang Caloy, sa vlog sa YouTube ni Toni Gonzaga nitong Linggo, September 22, 2024, isa-isa nitong sinagot ang mga tanong hinggil sa kasalukuyang relasyon niya sa kanyang pamilya at kung paano niya hinarap ang kaliwa’t kanang akusasyon laban sa kanya.
Kasama ni Carlos sa nasabing panayam si Chloe, na kagaya ng Olympic champion ay nakasuot din ng kulay blue na damit.
Photo/s: Screengrab @ToniGonzagaStudio on YouTube
Naging interesado ang publiko sa personal na buhay ni Carlos mula nang manalo siya ng dalawang gintong medalya sa Paris Olympics noong August 2024.
Ayon kay Carlos, bukod sa nakuhang medalya ay ipinagpapasalamat niya ang mga taong tunay na nagbunyi sa kanyang pagkapanalo.
Ngunit kakambal nito ang mga panghuhusga sa kanya dahil sa hidwaan nila ng inang si Angelica.
Saad ng Pinoy Olympic champion: “Sa mga nagko-congratulate sa akin, talagang nagpapasalamat po talaga ako. Grateful ako na sine-celebrate nila iyong panalo ko.
“Sa mga taong nanghuhusga, kilala ko naman po kasi yung sarili ko. Alam ko kung ano yung ginawa ko.
“Malinis yung konsensiya ko. Hindi naman nila ako kilala. Hindi naman nila nakita kung paano ako nag-training.
“So, lahat po talaga, hindi ako natatamaan, hindi tumutusok at all [yung mga masasakit nilang sinasabi].
“Magma-matter pa po ba yon, kung alam mo sa sarili mo na wala kang ginawa [na masama]?”
Dagdag pa ni Carlos, alam niya sa kaibuturan ng kanyang puso kung gaano siya naging mabuting anak noon sa kanyang mga magulang, na nawawalang-bahala raw ngayon dahil sa away nilang mag-ina.
Aniya, “Alam yon ni Lord. Kahit gaano pa ako kagaling na tao sa gymnastics, kahit gaano pa ako naghirap sa mga preparation ko, kung hindi ako mabuting tao, hindi ako ibe-bless ni Lord nang ganun.”
CARLOS REFLECTS ON PAST MISTAKES
Sundot na tanong ni Toni, “Ganito na lang ang gagawin natin para kahit papaano magkaroon ng konting linaw. Kasi, we are hearing one side of the story, but you are not sharing your side of the story. Bakit?”
Ang pinapatungkulan ni Toni ay ang madalas na pagsasalita at pag-iingay ng pamilya ni Carlos tungkol sa kanilang pinagdaraanan.
Sa lahat ng nangyari, isang beses lang nagsalita si Carlos para ipagtanggol ang sarili at ang nobyang si Chloe.
Bagamat ilang beses ding nagsalita at nag-post ang kasintahan niyang si Chloe para sagutin ang mga paratang laban sa kanila ni Carlos.
Paliwanag ng two-time Olympic gold medalist: “Personal po kasi masyado, e. Like, hindi na rin po para malaman ng tao, ng buong sambayanan yung nangyari.”
Photo/s: Screengrab @ToniGonzagaStudio on YouTube
Sapat na raw kay Carlos ang pagsasalita niya noon tungkol sa alitan nila ng kanyang ina, na kalaunan ay napagtanto niyang sa maling paraan niya ito ginawa kaya siya “nakarma.”
Saad niya, “Basta ako, alam ko po sa sarili ko, sa puso ko na napatawad ko na sila and inamin ko sa sarili ko na nagkamali ako.
“Kinarma na ako kasi mali nga naman na sagutin mo sila nang ganun, na… siyempre emosyunal ka na po, e. Gusto mo ipaglaban yung sarili mo and yung relationship niyo.
“Alam ko kung ano yung mali ko, tinanggap ko yun, ipinagdasal ko yun kay Lord, humingi ako ng tawad.”
Pero sa huling pananalita ni Carlos, tila isinasara na niya ang posibilidad na magkaayos sila ng kanyang pamilya dahil mas pagutuunan na raw niya ng pansin ang sarili at ang relasyon nila ni Chloe.
Sabi ni Carlos, “Magpo-focus na ako ngayon sa sarili ko ngayon and sa relationship namin ni Chloe.
“Nag-move on kami, nag-focus sa Olympics.”
THE YULO FAMILY CONFLICT
Nagsimulang matuon ang atensiyon ng publiko sa gusot sa pamilyang Yulo isang araw matapos manalo ng unang medalyang ginto ni Carlos sa Paris Olympics 2024 men’s gymnastics floor exercise noong August 3.
Kinabukasan, August 4, nagbigay ng panayam ang kanyang ina na si Angelica sa media upang bigyang linaw ang unti-unti nang nalalantad na hidwaan nila ng anak.
Ayon sa haka-haka ay hindi maayos ang relasyon ng dalawa dahil sa usapin ng pera.
May mga netizen na nag-akusang “mukhang pera” si Angelica at naghahabol umano ito sa perang kinikita ng anak bilang atleta para sa national team.
May mga nagsabi pang winaldas umano ng pamilya ni Carlos ang perang galing sa mga kumpetisyong sinalihan nito nang walang pahintulot mula sa 24-anyos na atleta.
Sa pagsisiyasat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ay lumalabas na February 2023 pa nang huling nagkaroon ng ugnayan ang mag-ina, at least sa social media.
Naganap ang pagpapa-interbyu sa media ng ina ni Carlos noong August 4, kunsaan dio ay ipinagtanggol niya ang sarili laban sa mga malisyosong akusasyong kumakalat online partikular na ang umano’y pagkamkam niya sa perang kinikita ng anak.
Ayon kay Angelica, bagamat hawak niya ang bank passbook ng anak ay hindi niya ito kailanman inangkin at itinuring na sariling pera niya.
Sa salaysay ni Angelica ay tila nagkaroon ng insidente kung saan nagpagawa ng affidavit of loss si Carlos para makakuha ito ng bagong kopya ng passbook.
Lahad niya, “Since hawak ko yung passbook niya, nagpasa siya ng affidavit of loss. Got it notarized tapos pinasa niya sa BDO.
“So siyempre, sa kanya lang nakapangalan yun. Kaya may right talaga siya na kunin yung pera niya.
“Kaya lang kasi, hindi ko in-expect sa ganung paraan. Kasi binigyan ko pa siya ng benefit of the doubt na kukunin niya sa amin [ang passbook] nang maayos na [paraan]. Ibibigay naman namin.”
Dagdag pa niya, “As far as I remember, December 2022, nagpunta kami ng bank o nag-update pa kami ng signature niya.
“Ngayon, kung ako after ako sa pera niya, that time kasi alam ko iba na yung feeling ko.
“That time, sana sinabi ko sa kanya mag-joint account kami. Pero never kong sinabi. Hindi ko ginawa.
“So, ang sa akin is alam ko pinaghirapan niya yun. Gastusin niya sa paraan kung saan siya masaya.
“Kasi, at the end of the day, lahat naman ang pinaghirapan niya dapat siya lang talaga yung makikinabang.”
Sa katunayan daw ay nakuha ni Carlos nang walang bawas ang pera niya sa kanyang BDO account, patunay na hindi ito pinagkainteresan ni Angelica at ng mga kapamilya ng atleta.
Saad niya, “Nakuha naman ni Caloy nang buung-buo sa BDO yung pera niya na nagkakahalaga ng PHP11 million. So, nakuha niya yun.”
Pagdating naman sa isa pang bank account ni Carlos sa Land Bank of the Philippines, kaya raw patunayan ni Angelica kung saan ginastos ang mga perang kinuha galing dun.
Salaysay niya, “Maraming withdrawals sa Land Bank niya na ATM. So, hawak ko yung ATM niya na dun pumapasok yung allowance niya from 2013 to 2022.”
Ang tinutukoy ni Angelica ay ang allowance na natatanggap ni Carlos mula sa Philippine Sports Commission (PSC) bilang atleta na kabilang sa national team.
“Pero during that time, noong mga 2013 to 2014, ang sinasahod niya from PSC is PHP5,000 lang.
“Then, after a year, naging PHP8,000. After a year ulit, naging PHP10,000, until December 2019 kasi nanalo na siya noon.
“Tumaas yung allowance niya noong nag-qualify siya sa [Tokyo] Olympics ng 2020.
“Pero may mga withdrawals talaga doon na meron naman akong proof kung saan napunta.
“May mga malalaking amount talaga kasi pumasok talaga siya sa Gymnastics Association of the Philippines way back 2020 na nagkakahalaga siya ng PHPP488,000.”
Dagdag pa niya: “Meron akong proof, nandito sa phone ko, nasa akin.
“Meron mga resibo din na kinuhanan ko siya ng BDO Life niya, na nabayaran ko na siya bago pa mag-advance payment. Even the Sun Life na dalawa yung insurance niya.”
Iniisip lamang daw ni Angelica ang kinabukasan ni Carlos para kung sakaling mangailangan ito sa hinaharap ay meron itong mapagkukunan.
“Meron din akong resibo ng mga yun and yung [BDO] passbook na hawak ko na nandun pa yung PHP11 million.
“Kasi hindi ko naman siya mawi-withdraw kasi kay Caloy lang siya nakapangalan” diin ni Angelica.
Bukod sa usaping pera, lumabas din na hindi gusto ni Angelica ang girlfriend ni Carlos na si Chloe.
Dito ay tinanong si Angelica kung ano kaya sa palagay niya ang naging mitsa ng hindi nila pagkakaunawaan ng anak.
Sagot niya, “Ang naging mitsa lang naman talaga ever since yung babae talaga. Lalong lumaki [ang hidwaan].”
Tila ang tinutukoy na babae ni Angelica ay ang Filipino-Australian vlogger na girlfriend ni Carlos na si Chloe.
Pakiramdam ni Angelica ay nilalayo ni Chloe si Carlos sa pamilya nito.
Sabi ni Angelica, “Oo, alam ko, gusto nilang magkasama. Gusto niyang makasama si Caloy, gusto rin siyang makasama ni Caloy.
“Pero siyempre, kasi pamilya kami. Kumbaga, parang matagal din namin siyang hindi nakasama. Because of pandemic, di ba?
“So siyempre, kung siya gusto rin siyang makasama nung girl, how much more kami na pamilya niya na gusto rin siyang makasama?
“Even yung mga kapatid niya kasi talagang medyo nalulungkot lang kasi sobrang close silang magkakapatid.”
Sa huli ay idiniin ni Angelica: “Wala kaming ninakaw, wala kaming ginalaw na pera niya. Siguro meron portion na hindi man lang sabihin mong aaray yung bulsa niya.”
CARLOS YULO BREAKS SILENCE ON ISSUE
Dalawang araw makalipas manalo ni Carlos ng second gold sa Paris Olympics noong August 6, 2024, nag-post ito ng video sa TikTok.
Inisa-isa niyang sinagot sagutin ang mga pahayag ng kanyang ina laban sa kanya at sa girlfriend niyang si Chloe.
Unang sinagot ni Carlos ang tungkol sa usapin ng pera buhat sa allowance at kinikita niya bilang atleta para sa national team..
Kaugnay ito ng akusasyon ng ilang netizens na “mukhang pera” ang ina ni Carlos at naghahabol umano ito sa perang kinikita niya.
May mga nagsabi pang winaldas umano ng pamilya ni Carlos ang perang galing sa mga kumpetisyong sinalihan nito nang walang pahintulot, dahilan para sumama ang loob ng atleta.
Bagay na una nang itinanggi ni Angelica.
Ngunit ayon kay Carlos, hindi lang PHP70,000 ang perang nakuha ng kanyang ina mula bank account niya.
Sa tantiya ng Olympic champion, aabot ito ng mahigit isandaang libo na hindi man lang daw ipinaalam sa kanya ng ina nang pumasok ito sa bank account niya.
Pahayag ni Carlos: “Unang-una po, yung seventy [thousand] na incentive na sinasabi niya from World Championships 2021 po.
“Unang-una po, 2022 [World Championships] po yon.
“At hindi lang po seventy [thousand] yung na-receive ko po doon.
“Alam ko, six digits po yon dahil dalawa po yung nakuha kong medalya.
“After nun, mga bandang December, umuwi ako sa Pilipinas. Nagkikita kami ng mama ko at hindi niya sa akin sinasabi na na-receive niya na pala yung incentives ko from World Championships.
“Hindi ko pa po malalaman na na-receive niya na pala yung incentives ko [from World Championships] kung hindi ko pa hinanap.”
Wala naman daw kaso kay Carlos kung nagastos ng kanyang pamilya ang cash incentives niya. Ang gusto lang daw niya ay agad ipinaalam sa kanya ang perang pumapasok sa bank account niya, at kung gagastusin man, saan ito ginamit ng kanyang ina.
Saad niya: “Never ko na po na-receive yung incentives ko po na yun, at never ko na rin naman po na hiningi yun sa kanila.
“Binigay ko na at wala na po yun sa akin. Ang sa akin lang naman, gusto ko malaman kung saan napunta yung incentives ko po na yan.
“Yung principle po kasi dito, wala po sa liit o laki ng amount po na incentives po na ginalaw niya, kundi po sa pagtago at paggalaw niya nang wala ko pong consent, yung pina-point ko po sa kanya.”
Dinepensahen din niya ang nobyang si Chloe laban sa ina.
Paliwanag dito ni Carlos, “Yung about sa red flag daw po si Chloe na sinabi ng mama ko, hinusgahan niya po agad si Chloe sa pananamit at sa pag-akto po niya.
“Magkaiba po [kami] ng kinalakihan.
“Unang-una po, lumaki si Chloe sa Australia. At ayun yung kinagisnan niyang culture na ibang-iba po talaga sa Pilipinas — kung paano tayo gumalaw, magsalita o manamit po.”
Hindi rin daw totoo ang iniisip ni Angelica na huhuthutan lamang ng pera ni Chloe si Carlos kaya ito nakipagrelasyon sa anak.
Depensa ni Carlos, “Yung about po sa ‘mauubos yung anak ko’ na sabi rin po ng mama ko, unang-una po, si Chloe po ay may sariling income.
“Lahat po ng nakikita niyang gamit o yung pagta-travel niya kung saan-saan ay galing po yon sa pinagpaguran niya po.
“Bakit naman po ako mauubos? Gaya nga po ng sinabi ko, si Chloe po ay may sariling income and lahat po ng bank accounts ko ay nasa mama ko.
“May mga instances nga na si Chloe pa yung sumasalo sa akin that time.
“Bukod kasi sa incentives, nasa kanya [Angelica] rin yung bank account ko na pinapasukan ng monthly allowances sa pagdyi-gymnastics ko.”
Ayon pa kay Carlos, kung tutuusin ay hindi raw si Chloe ang dapat pag-isipan ng masama kundi ang sarili niyang ina na makailang beses daw nahuli ng atleta na nagwi-withdraw ng pera sa kanyang bank account nang walang pasabi sa kanya.
ANGELICA APOLOGIZES TO SON CARLOS
August 7, si Angelica naman ang nagpatawag ng presscon para tuldukan na ang hindi mahintong sagutan at siraan nila ng anak sa social media.
Dito, mangiyak-ngiyak na humingi ng tawad si Angelica kay Carlos sa lahat ng nasabi nito na nakasama sa imahe ng kanyang anak.
Narito ang full statement ni Angelica:
“Magandang umaga,
“Muli ako po si Mrs. Angelica Yulo, ang nanay ni Carlos Yulo. Ako po ay narito para ipahayag ang aking huling pananalita, hinggil sa girian namin sa aming pamilya, at nang panig ng anak ko kasama ang kanyang gf na si Ms. Chloe San Jose.
“Umabot na kasi ito sa nakaka-alarmang sitwasyon dahil buong sambayanan, alam na at nakaabang na sa mga susunod na salita ng bawat isa kung kailan dapat ang ganitong hindi pagkakaunawaan, naway nanatili lamang pribado at inayos sa personal na paraan.
“Hindi ako perpektong ina at alam ng Diyos na hindi ka din perpektong anak at walang perpektong pamilya.
“Walang ibang hangad ang isang ina kundi ang ikabubuti ng kanyang anak at sa bawat miyembro ng pamilya. Sa paraan mang marahas, maingay, sanay maunawaan mo na ang intensiyon ko ay malinis.
“Ako ay isang ina na nasaktan dahil ang mabait na anak na pinalaki ko ng maayos at mabuting tao ay hindi na nakikinig sa mga paggabay ng magulang. Kung mali na naging mapagpuna ako sa nobya mo, humihingi ako ng patawad, dahil nanay lang ako na nag-aalala.
“Matanda ka na, kaya mo nang magdesisyon para sa sarili mo. Bukas ang aming pintuan sa tahanan, may pera o wala, kung nanaisin mong bumalik sa amin.
“Hindi na pwedeng bawiin ang nasabi na. Ang amin lang, handa ako at ang papa mo mag-usap tayo ng bukas ang loob, na may pag-unawa anumang oras na handa ka, pag uwi mo upang maayos ito.
“Hindi kailangan ng ibang tao na malaman ang mga alitan dahil hindi nila alam ang buong kwento at hindi nila ito lubos na nauunawaan. Gayunpamamn, humihingi ako ng patawad sa iyo at sa sambayanan sa mga nasabi ko sa interbyu.
“Pagod at puyat ako sa kapapanood sa iyo nung mga panahon na yon, di makatulog sa tuwa kahit tapos na ang iyong laban. Hindi ako makapag-isip ng mabuti nung nirapido ako ng mga tanong ng mga reporter tungkol sa mga bagay na tayo na lamang ang nag-ayos.
“Patawad, anak.
“Naiintindihan ko na maaaring tingnan ng iba na kaya lamang ako nagsasalita ngayon ay dahil sa iyong tagumpay at kasaganaan. Ako ay nagsasalita para ilagay na sa katahimikan ang issue.
“Bukas ang pintuan para pag usapan ng personal na walang galit. Hindi man humantong sa pagkabuo ng pamilya naway, maipanatili natin ang respeto sa isat isa at sa dignidad ng pamilya.
“Kung hindi man tayo magkaayos, sana sa pagdating ng panahon, maunawaan ang laging aking panig, intensyon, at hindi ang ingay. Ang pamilya iisa lang yan, at laging anjan lang para sa isa’t isa, sa kabila ng aumang pagsubok o alitan. Itoy pilit nating unawain hanggang wala na tayo maisip kundi ang mag ayos…siguro.
“At sa sambayanan, sana ay ipagdiwang na lang natin ang tagumpay ng anak ko. Gumagawa ang anak ko ng kasaysayan para sa ating bansa. Lahat tayo ay magpapasalamat kay Caloy para sa karangalan, iuuwi para sa bayan.
“Sana pagkatapos ng panayam na ito, titigil na ang lahat at mananahimik na ang bawat partido. Ang mga sugat ay kusa namang maghihilom sa paglipas ng panahon. Pero pipilin naming humilom kami sa probado at mapayapang pamamaraan.
“Caloy, congratulations sa iyong tagumpay. Mahal kita, mahal ka naming lahat.”
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay nanatili pa ring hindi ayos ang pamilyang Yulo.
Bagama’t humupa na ang sagutan nila sa social media ay may manaka-naka pa ring pagpaparinig ang kampo nina Angelica kay Carlos na ang sumasagot naman ay ang nobya niyang si Chloe