JC de Vera fondly recalls being offended by Alex Gonzaga’s (right) unexpected question about his shades during their Lokomoko days.
PHOTO/S: Alex Gonzaga on Instagram
Sa halos dalawang dekadang pananatili ng Kapamilya actor na si JC de Vera sa showbiz industry ay halos napagdaanan na raw niya lahat.
Mula sa paglipat ng iba’t ibang istasyon, pagpapalit ng ka-loveteam, at pakikipagtrabaho sa iba’t ibang celebrity, crew, at staff.
Ang pagbabalik-tanaw na ito ni JC ay nangyari nang makapanayam siya ng comedian-TV host na si Stanley Chi sa One News PH noong November 15, 2024.
Photo/s: Screengrab One News PH on YouTube
Kabilang sa mga napag-usapan nila ay ang ugali ng mga nakatrabaho ng aktor sa tagal niya sa industriya.
Taong 2003 nang pasukin ni JC ang showbiz nang mapabilang siya sa youth-oriented show ng GMA-7 na Click.
Tumagal ng halos pitong taon ang pananatili ni JC sa GMA-7, hanggang sa lisanin niya ito noong 2010.
Noong March 2010, pumirma siya ng three-year non-exclusive contract si JC sa TV5.
Nang matapos ang kanyang kontrata sa TV5 ay lumipat naman siya sa ABS-CBN, na hanggang ngayon ay kanyang home studio.
JC DE VERA’S ENCOUNTER WITH ALEX GONZAGA
Dahil usapang karanasan, naitanong ni Stanley kay JC kung mayroon na ba siyang naging co-star na may “attitude.”
Bagay na hindi naman naitanggi ni JC nang sumagot siyang “mayroon.”
Saad niya, “Mayroon, pero eto naman, nakakatawang pag-a-attitude yon.”
Pagbabalik-tanaw ni JC, may hindi siya makakalimutang karanasan nang lumipat siya sa TV5 at makatrabaho ang actress-vlogger na si Alex Gonzaga.
Kuwento ng aktor, “Yung bagong lipat ako dito [sa TV5], may ginagawa kami nun, yung Lokomoko, yung gag show, tapos…
“Sige, pangalanan ko na.
“First time kong makilala si Alex Gonzaga.
“Hindi ko siya kilala personally, pero since makakasama ko siya sa isang show, nakilala ko na siya.”
Dahil kakikilala lang nila ni Alex, hindi raw sukat-akalain ni JC na diretsahan siyang tatanungin ng aktres tungkol sa suot niya noong shades.
Pagbabahagi ni JC: “Yung first few taping days namin dun, e, nag-out-of-town shoot kami. So, naka-shades ako na pula, Oakley [ang brand], naaalala ko pa, hindi ko talaga makalimutan.
“Tapos tinanong niya ako, ‘JC, original ba yang shades mo?’
“Natawa ako kasi hindi ko alam kung maiinis ba ako o maaasar ako sa kanya.
“Pero definitely, na-offend ako.
“Pero alam ko namang hindi niya mini-mean kasi, yun nga, hindi naman kami talaga magkakilala pa o close.
“Hindi ko rin alam kung intentionally ba niyang gustong punahin kung totoo ba yung shades ko o fake.
“Sumagot lang ako na, ‘Orig to!’ Pero alam mo yung awkward moment na parang [iniisip ko], ‘Anong isasagot ko sa yo? Bago lang ako dito tapos tatanungin mo ako nag ganyan. Parang, mukha ba akong nagsusuot ng fake?’”
Aminado si JC na na-offend at nasaktan siya sa ginawa ni Alex, bagamat alam naman daw niyang ito ang paraan ng aktres para makausap siya.
Aniya, “Parang siguro, mga ten minutes to fifteen minutes, parang na-hurt ako, e, na tinanong niya ako nang ganun… nagulat ako, e.
“Pero inisip ko na lang na baka ayon yung way niya for being friendly.”
Ganunpaman, matapos daw ang araw na iyon ay hindi na nagtanim ng sama ng loob si JC kay Alex.
Sa katunayan, maayos daw silang magkaibigan ngayon.
Nakangiting sabi ni JC, “After naman nun, gumawa pa kami ng project together ni Alex, yung comedy din [so okay kami].”
Ang tinutukoy niyang comedy film ay ang pinagbidahan nila ni Alex noong 2022—ang The Entitled.