Keempee de Leon details emotional reconciliation with dad Joey
Keempee: “’Sorry po.’ Sabi ko, ‘Dy, sorry sa lahat, patawarin mo ako.’”
Nangyari ang pagbabati ng mag-ama nang sadyain ni Keempee ang ama sa set ng Eat Bulaga! sa TV5 noong June 15, 2024, isang araw bago ang Father’s Day.
Pero lilipas muna ang ilang buwan bago tuluyang humingi ng sorry si Keempee sa ama.
Ang hinanakit na binitbit ni Keempee ay may kinalaman sa pagkakatanggal niya sa longest-running noontime show noong 2015.
Bukod sa ama, nag-sorry rin daw siya sa ilang staff members ng Eat Bulaga!
Idinetalye ni Keempee ang emosyunal na paghingi niya ng tawad sa ama nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang miyembro ng media sa presscon ng upcoming GMA-7 afternoon series na Prinsesa ng City Jail.
Ang presscon ng teleseryeng pinagbibidahan nina Sofia Pablo at Allen Ansay ay naganap sa GMA Studio 7 nitong Martes, January 7, 2025.
Ito rin ang pagbabalik ni Keempee de Leon sa GMA-7. Magsisimulang umere ang Prinsesa ng City Jail sa January 13.
The cast of Prinsesa ng City Jail.
Photo/s: @gmaregionaltv on Instagram
KEEMPEE MADE THE FIRST MOVE to RECONCILE with joey
Lahad ni Keempee sa ilang miyembro ng press, siya ang gumawa ng unang hakbang para makipagbati kay Joey.
Last year lang ng Father’s Day, talagang sinadya ko talaga siya sa Eat Bulaga!, na… humility ba? Ako na yung nagpakumbaba?
“Although alam ko may kasalanan din ako dahil magulang is magulang, e. Bali-baliktarin mo man yan. Kahit sino may kasalanan, magulang mo pa rin, e.
“More than five years. Kasi na-depress din ako. Alam niyo naman yun dahil sa work din… nawala tayo sa Bulaga.
“So, partly lahat yun talagang nag-pile up sa akin. Nagkulong ako sa bahay. Hindi ako lumalabas.
“Hindi ako nagpakita sa pamilya ko. Kahit malapit kami ng ate ko [Chenee de Leon], hindi ako nagpapakita. Wala. As in walang connection…
KEEMPEE ON BEING SACKED FROM EAT BULAGA!
Noong 2016, isiniwalat ni Keempee na tinanggal siya sa Eat Bulaga! matapos ang tinatayang 14 years na pagiging bahagi ng programa
At sa mga sumunod na interview niya, naging vocal si Keempee sa pagsasabing dumanas siya ng depresyon at nagkaroon ng drinking problem.
Consistent si Keempee sa pagsasabing hindi siya binigyan ng dahilan kung bakit siya tinanggal sa noontime show.
Saad niya sa Prinsesa ng City Jail interview, “Dumating ako sa point na talagang yung galit ko sa trabaho, sa tao, yung mga nagtanggal sa akin…
“Kasi I was left hanging, e. Wala akong idea kung bakit ako nawala. Humihingi ako ng sagot, wala.
“So, nandun talaga yung… yun talaga yung nag-down talaga sa akin.”
WHAT LED KEEMPEE TO APOLOGIZE
Pag-amin ni Keempee, nakatulong nang malaki para maresolba ang conflict sa sarili dahil sa kanyang pananampalataya.
“Until such time dumating na… kasi alam niyo naman, born-again Christian ako. So, yun yung realization.
“Sinarili ko muna yung buhay ko na… na-realize ko na pina-realize ng Diyos sa akin, ‘Ano ba yung pagkakamali? Ano ba yung tamang ginawa mo?’”
Ilang years daw siyang “nagkulong.”
Ang napagtanto raw niya ay naging mataas ang kanyang pride.
“Kailangan tanggalin ko yung pride na ‘yon,” paliwanag ng aktor.
“Kumbaga, yan yung isa sa pinakamakasalanang ugali ng tao na ayaw ng Diyos, e. So, tinanggal ko yun.
“Kinain ko talaga yung pride ko… Sabi ko, ‘Lord, ako rin yung nahihirapan, e.’”
Nangibabaw rin daw ang pagnanais na huwag nang pahirapan ang kalooban ng ama.
“Siyempre may edad na rin si Daddy. So, ayokong mas mahirapan pa yung kalooban niya.
“Sabi ko, ‘If it’s Your will.’ Sabi ko, ‘Gagawin ko ito for You, not for me and for my dad.”
VISITING EAT BULAGA!
Itinaon daw ni Keempee ang pagbisita sa Eat Bulaga! studio noong Father’s Day celebration, June 15, 2024, Sabado.
Halo-halo raw ang nararamdaman ni Keempee noon na muling magpapakita sa noontime show matapos ang may limang taon.
“Saturday pa yun… ninenerbiyos ako. Yung hindi ako makababa ng kotse, e.”
Puspusan daw ang pagdarasal ni Keempee na magkaroon siya ng lakas ng loob.
Isa pa sa pinangangambahan niya noon ay baka biglang magalit si Joey sa kanya.
“Kilala ko si Daddy pag nagalit, e. Pero hindi naman siya mambubunganga pag nandiyan mga tao. Well, depende naman sa mood niya.
“Pero yung sabi ko, kung sakaling bulyawan, pagalitan ako, tatanggapin ko. Kumbaga, kasalanan ko, aaminin ko na ‘to. It’s about humility. Pakumbaba talaga.”
Nang bumaba siya sa kotse at nagpakita sa staff, nagulat daw ang lahat.
“Yung staff, talagang… isipin mo, 2015 huling nagkita-kita kami.
“Talagang naglakas-loob ako. Kumbaga, kung sino man ang may kasalanan o ano, hindi ko na inisip yun, e.
“Ang sa akin lang, binati ko lahat. Parang sa puso ko, pinatawad ko na lahat. Nag-sorry ako sa iba, even lalo sa daddy ko…”
Nagulat din daw ang ama ni Keempee na si Joey.
Ayon kay Keempee, kitang-kita sa mukha ni Joey na hindi ito naka-react agad.
“Nilapitan ko. Niyakap ko siya. Sabi ko, ‘Happy Father’s Day.’
“Sabi ko, ‘Sinadya lang talaga kita, e. Kasi, nandito lang ako sa area.’’
“Parang hindi siya makapaniwala na nandoon ako. Kasi, four years, five years kami hindi nagkita.”
Nang mag-sink in daw kay Joey na naroon si Keempee, inusisa pa raw ng veteran TV host-comedian ang anak kung may ipu-promote ito kaya bumisita.
“Sabi niya, ‘Oh, may promo ka ba dito? Ba’t nandito ka? May po-promote…’
“Sabi ko, ‘Sinadya lang talaga kita. Sabi ko, ‘Happy Father’s Day.’
“Tapos niyakap ko siya. Sabi ko, ‘Wala, na-miss na kita.’
“So, doon na lang. Wala na kami pinag-usapan na… Wala naman kami pinag-usapan na problema.
“Kaswal. Alam mo si Daddy, di ba? Daddy kasi ayaw niya ng problema. Gusto niya masaya lang lagi.
“Pero ako kasi yung type na, hindi ko kaya. Transparent ako. Kung anong makikita ko sa yo, sasabihin ko.”
Sa pagkakataon daw na iyon ay pinili ni Keempee na mas isipin ang muling pagkikita nilang mag-ama matapos ang maraming taon.
RECONNECTING WITH HIS FATHER, BUT…
Binigyan pa raw ng tour ni Joey si Keempee sa kanilang bagong studio. Noong mga panahong iyon ay umeere na ang Eat Bulaga! sa TV5.
Unti-unti raw naramdaman ni Keempee ang panunumbalik ng relasyon nilang mag-ama.
“So, nandun ulit yung connection namin. Sabi ko, ‘At least kahit papano, Lord, medyo okay, okay na…’”
Nang magpaalam na sila sa isa’t isa, masaya raw ang naging pakiramdam ni Keempee subalit alam niyang may kulang pa.
“Nung pasakay na lang siya [Joey], sabi niya, ‘O, kita na lang tayo ulit.’”
Sagot daw ni Keempee, “Okay, Dy.”
Patuloy niya, “Ako naman, yung tuwa ko na, ‘Salamat po na, at least, okay kami.’
“Pero alam mo yung medyo… hindi painful yung pakiramdam mo. Kasi yung hindi ko pa masabi talagang ‘Sorry, ‘Dy.’ So, hinayaan ko lang.”
Niyakap daw ni Keempee ang ama na sumagot naman na, “Okay tayo.”
Sundot ni Keempee, “Pero alam kong mabigat pa rin sa kanya.”
Sa kabila nito ay sinikap nilang mag-ama na huwag nang pag-usapan pa ang hinanakit nila sa isa’t isa noong mga oras na iyon.
“Pero ako, gusto ko pa yung i-cherish yung time na mag-usap pa rin kami,” ani Keempee.
Lumipas daw ang ilang buwan bago sila muling nagkita ng mag-ama.
At nang muling magkita, dito na humingi ng tawad si Keempee.
Naging madamdamin daw ang tagpong iyon.
KEEMPEE SAYS SORRY TO JOEY
Ilang buwan pagkatapos niyang bumisita sa Eat Bulaga! set, pagsapit ng September 2024, dumalo si Keempee sa birthday ng misis ni Joey na si Eileen Macapagal.
“First time kong makaapak ulit sa bahay niya sa Green Meadows,” banggit ni Keempee, na anak ni Joey sa veteran actress na si Daria Ramirez.
Kinailangan pa raw magpasundo ni Keempee sa pamangkin na salubungin siya sa labas ng bahay dahil sa matinding nerbiyos.
“Parang outsider yung feeling ko, alam mo yun? Parang, sige, sabi ko, ‘Bahala na.’”
Pagpasok niya sa bahay ay unang nagbatian ang mag-ama.
Lahad ni Keempee: “Total silence. Yumakap na lang ako sa Tita Eileen ko.
“Nag-sorry ako… sa kapatid ko, kapatid ko si Jocas, umiiyak…
“Sabi ko, ‘Ba’t ka umiiyak?’ Sabi niya, ‘Tagal mo nawala, e.’
“So, na-feel ko ulit na at home ako… na yung welcome ulit ako.
“So, yung forgiveness ng family, nandun pa rin. So okay, lahat. Brothers ko, lahat…”
Sa isang punto ng selebrasyon, niyaya raw ni Joey si Keempee na tingnan ang isang kuwarto sa bahay.
Pagpasok sa kuwarto, kuwento ni Keempee, “Tapos inakbayan niya akong ganyan. Umiyak na ako.
“Doon na ako umiyak na talagang, parang bata, hagulgol ako, hagulgol. ‘Sorry po.’
“Napa-po nga ako, e. ‘Sorry po.’
“Sabi ko, ‘Dy, sorry sa lahat, patawarin mo ako.’
“Pati siya umiyak na rin, naghahagulgulan na kami…
“Doon ko naramdaman, sabi ko, ‘Eto kami nung tatay ko. Ito yung relasyon namin talaga, yung close kami.’
“Naramdaman ko ulit yung father-and-son relationship.
“Sa akin, yung iyak ko is more of joy. And yung peace na nagkapatawaran kami.”
Mas napaluha raw si Keempee sa sumunod na pahayag ng ama.
“Naiyak ako lalo nung sabi niya, ‘Hindi ko nga alam nasan ka? Kamusta ka? Kung ano bang kinakain mo? Ano nangyari? O anong pakiramdam mo?’”
Habang nagkukuwento si Keempee ay naging emosyunal na rin siya.
Naisip daw ni Keempee na maiksi ang buhay at may edad na rin ang ama.
“Masaya lang ako. Naiiyak ako kasi masaya. Naging okay kami, lahat,” sambit niya.
Sa gitna ng pagbabati nila ng ama, naisip daw ni Keempee na kailangan nilang bumawi sa isa’t isa.
May inabot din daw na envelope si Joey kay Keempee.
“Nag-abot siya sa akin ng envelope. Alam na natin, cash yun, di ba?” sabi ni Keempee.
Pero tumanggi raw si Keempee na tanggapin ito.
“Sabi ko, ‘Dy, okay pa ako. Thank you. Okay pa ako.’
“Sabi ko, ‘Ayos lang ako. Nakaka-survive pa ako. Hindi ko kailangan yan.’
“Sabi ko, ‘Mas kailangan ko yung tayo.’ Sabi ko, ‘Gusto ko maging okay na tayo.’”
Paliwanag ni Keempee, “Hindi na importante sa akin kung ano yung ibigay. Kasi wala na sa akin yun, e.
“Yung relasyon yung wala. So, yun ang importante lang sa akin.”
Humahagulgol daw si Keempee habang sinasabi ito sa ama.
“Nakayakap ako sa kanya. Sabi niya, ‘Okay lang.’ Ayokong bumitaw. Sorry pa rin ako nang sorry.”
Pag-amin ni Keempee, “Nahirapan din talaga ako sa tagal kong inipon. Apat o limang taon.
“Pagdating talaga kay Daddy, sa pamilya, emosyunal talaga ako.
“Dun ko naramdaman lalo ang pamilya. Kung gaano kaimportante yung pamilya.”
Nag-iyakan daw ang mag-ama.
“Sabi ko lang, ‘Dy, mahal kita. Anumang mangyari, mahal kita. Sorry na lang talaga.’ Yun na lang nasabi ko, sorry.”
keempee spends HOLIDAYS with dad joey
Marami raw natutunan si Keempee sa karanasang ito.
“Yung pagkakamali ko pinairal ko kasi talaga yung pride,” pag-amin niya.
Tinanggap na rin daw ni Keempee sa sarili ang pagkakatanggal niya sa Eat Bulaga! kahit hindi niya nalaman ang dahilan.
“So, may nagsabi lang sa akin na may mga bagay talaga tayong tanong na minsan walang sagot.
“So, inisip ko na lang, parang graduation talaga. Okay na yon, napatawad ko na yun.
“So, nung nag-usap kami ni Daddy, okay na yon. Kaya thankful ako sa family ko na, at least, naging okay kami. We patched things up.
“And pinagdasal ko rin talaga na nangyari yon.”
Pahabol pa ni Keempee, “Masaya ang Christmas at New Year.
“Tomorrow [January 8] magkikita kami ulit.”