Chloe San Jose fires back at Ai-Ai Delas Alas

Chloe San Jose’s (left) alleged reaction to Ai-Ai delas Alas’s (right) breakup with husband Gerald Sibayan goes viral.
PHOTO/S: Chloe San Jose/Ai-Ai Delas Alas on Instagram

Usap-usapan ngayon online ang reaksiyon ng content creator na si Chloe San Jose sa hiwalayan ng mag-asawang Ai-Ai delas Alas at Gerald Sibayan.

Sa kumakalat na screenshots sa Facebook at Reddit, makikita at mababasa ang pag-share ni Chloe ng balita online patungkol sa naging payo noon Ai-Ai sa kanya.

Ito kaugnay ng paninisi ng netizens kay Chloe sa gulo ng pamilya ng nobyo niyang si two-time Paris Olympic gold medalist na si Carlos Yulo.

Noong September 12, 2024, sa pamamagitan ng live video, ay nagbigay ng payo si Ai-Ai kay Chloe sa pakikipagrelasyon, partikular na ang tamang pakikitungo at pagrespeto nito sa ina ni Carlos na si Angelica Yulo.

Ito ay sa gitna ng pasaringan nina Chloe at Angelica makaraang mailantad sa publiko na hindi boto si Angelica kay Chloe para sa anak niyang si Carlos.

Ayon kay Ai-Ai, nakikita at nababasa niya sa social media ang pasaringan ng dalawa. Labis daw niya itong ikinakalungkot dahil bilang isa ring ina ay ramdam niya kung gaano nasasaktan ang ina ni Carlos.

Pahayag noon ni Ai-Ai kay Chloe: “Kasi nanay yan, e. Kung wala yung nanay niya, wala kang darling ngayon. Kaya, girl, huwag mo siyang aawayin.

“Tsaka hindi ka pa asawa, girl. Girlfriend ka pa lang.

“Kapag asawa ka na, puwede na. Pero kapag girlfriend pa lang girl, huwag mo munang awayin.

“Kasi alam mo naman ang mga mommy, di ba? Isa yan sa mga way na magiging harmonious ang inyong relationship.”

Chloe San Jose: “BACK TO YOU MAMANG”

Makalipas ang ilang buwan, binalikan ni Chloe ang artikulong nailathala tungkol sa naging payo noon sa kanya ni Ai-Ai sa pamamagitan ng pagsi-share nito sa kanyang Facebook account nitong Martes, November 12, 2024.

Ginawa ito ni Chloe matapos isapuliko ni Ai-Ai na hiwalay na sila ng kanyang asawang si Gerald Sibayan.

Mababasang caption ni Chloe sa kanyang shared post (published as is): “Back to you mamang, hindi para pagtawanan ang sitwasyon mo pero ang ginagawa mo sa iba ay babalik din sa’yo ng 10x ‍—it’s just the universe’s law.”

Chloe San Jose fires back at Ai-Ai Delas Alas

Photo/s: Screengrab @Facebook

BINI members talk about their fashion styles in this fun Q&A session | PEP Exclusives

Sa comments section ng shared post ay ibinahagi pa ni Chloe ang screenshoot ng artikulong inilathala ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na may titulong “AI-AI DELAS ALAS TO CELEBRATE 60TH BIRTHDAY WITH A BROKEN HEART.”

Caption niya rito ay crying with tissue emoji.

Chloe San Jose fires back at Ai-Ai Delas Alas

Photo/s: Screengrab @Facebook

CHLOE SAN JOSE’S FANS REACT

Dahil sa matapang at direktang post na ito ni Chloe, marami sa kanyang fans ang ngayo’y nagdadalawang-isip kung ang nobya nga ba ni Carlos ang mismong nagpost nito.

Lalo pa’t talamak daw ngayon ang panggagaya ng ilan sa social media para mapalabas na lehitimo ang mga ipinu-post ng gusto nilang gayahing celebrity o social media influencer.

Sa pagsisiyasat ng PEP.ph sa screenshot ng umano’y naging pagbuwelta ni Chloe kay Ai-Ai ay makikitang may “blue check” ang kanyang profile. Nangangahulugang verified account ito.

Ngunit kung titingnan sa kanyang mismong Facebook account, as of November 13 ay wala naman siyang ipinost na ganito.

Ayon sa Reddit, naka-“friends of friends” daw ang post na ito ni Chloe kaya’ hindi makita ng mga hindi niya friend at pina-follow sa Facebook.

AI-AI-GERALD BREAKUP

Sa mismong ika-60 kaarawan ni Ai-Ai noong November 11, kinumpirma ng Comedy Queen ang masalimuot na kinahantungan ng sampung taon nilang relasyon bilang mag-asawa ni Gerald.

Nangyari ito nang makapayam siya ni Boy Abunda sa Fast Talk With Boy Abunda.

Ayon kay Ai-Ai, nakipaghiwalay sa kanya si Gerald via text message habang ito ay nasa Amerika at siya naman ay nasa Pilipinas.

Katuwiran umano ni Gerald, gusto niyang magkaroon ng anak at hindi na siya masaya sa piling ni Ai-Ai.

Mula noon, hindi na sila nagkita o nagkausap nang personal.

Nang bumalik si Ai-Ai sa tahanan nila sa Amerika ni Gerald noong Oktubre 27, wala na rin ang kanyang estranged husband, na karelasyon niya sa loob ng sampung taon.

Ikinasal sina Ai-Ai at Gerald noong 2017 pagkatapos ng tatlong taong relasyon bilang magkasintahan.

“Oo, hiwalay na kami. Sinabi niya na gusto niya magkaanak, hindi na siya happy,” pagbabahagi ni Ai-Ai kay Boy.

“Medyo confused ako, shocked.

“‘Bakit ngayong oras na ito? Sana hinintay mo muna akong makauwi sa Amerika.’ Maraming bakit.”

Pagpapatuloy ni Ai-Ai, “In fairness, wala naman talaga kaming pinag-aawayan.

“Actually, sa buong [panahon] ng pagsasama namin, bilang sa daliri yung… discussion nga, e, hindi away. So, parang nagulat ako.

“Why ngayon? Anong meron sa October? Anong meron sa araw na ito? Bakit madaling-araw dito [sa Pilipinas]?

“Sumasagot ako sa chat niya, pero nag-sink sa akin nung umaga na.

“Siyempre, initial reaction ng asawa, nagalit muna ako. Sini-sink ko muna, ano ba itong nangyari?”