Forty-year-old Lynell Eugenio (left) died on the spot after he was allegedly shot four times by former actor John Wayne Sace (right), Monday night, October 28, 2024, in Barangay Sagad, Pasig City.
PHOTO/S: Facebook
Puno ng galit ang pahayag ng panganay ni Lynell Eugenio laban sa dating aktor na si John Wayne Sace.
Si Lynell ang 40-anyos na binaril at napaslang umano ni John Wayne, 35, sa insidenteng naganap sa Barangay Sagad, Pasig City, noong Lunes ng gabi, Oktubre 28, 2024.
“Sana mabulok na siya sa bilangguan at wala nang labasan para hindi na po siya makaperhuwisyo sa ibang mga tao.
“Papatay lang po ulit yan kapag umuwi siya dito,” mabigat na pahayag ni Cristel Regina Eugenio, ang panganay na anak ni Lynell, sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Martes ng gabi, Oktubre 29.
John Wayne Sace being arrested by Pasic City Police after allegedly shooting to death victim Lynell Eugenio.
Photo/s: Screengrab from GMA-7 YouTube
Labis ang pagdadalamhati ng 20-anyos na si Cristel sa pagpanaw ng ama, na wala umanong kalaban-laban dahil patalikod umano itong binaril ni John Wayne.
Salaysay ng anak ni Lynell: “Pulang-pula po ang mata ng suspect nang magkita sila ni Papa.
“Lasing na lasing po at bangag na bangag ang hitsura ni John Wayne.Parang nakatira na siya ng shabu nung time na yon.
“Patalikod pong binaril ni John Wayne ang papa ko. Niratrat niya ang tatay ko, limang putok ng baril.
“Pero apat po ang tumama dahil yung isang bala, pader ang tinamaan.”
Ilang beses humingi ng paumanhin si Cristel habang kausap ng PEP.ph dahil lutang daw ang kanyang pakiramdam at nahihirapan siyang tanggaping wala na ang tatay niya.
Lalo na’t malapit daw si John Wayne sa nasira niyang ama.
Himutok ni Cristel: “Sinasabi ng suspect na binaril niya si Papa dahil pinagpaplanuhan siya.
“Hindi naman po totoo yon kasi higit pa sa aming magkapatid ang turing sa kanya. Literal na magkadikit sila dahil magkababata po talaga sila.
“Ipinanganak po ako ng nanay ko na sila na ang magkasama. Magkapitbahay po sila sa Barangay Sagad.
“Sobrang solid po ng turing ni Papa sa kanya.
“Halos makalimutan kami ni Papa para lang sabayan siya sa lahat. Para lang maipakita ni Papa na totoong kaibigan siya ni John Wayne.”
THE SAD NEWS ABOUT HER FATHER’S DEATH
Paano nalaman ni Cristel ang malungkot na balita tungkol sa pagkamatay ng kanyang tatay?
Lahad niya, “Naka-duty po ako sa Fire and Rescue Department ng Pasig City nang makatanggap ako ng tawag na patay na ang papa ko.
“Pagdating ko sa crime site, nadatnan ko na nakahandusay na si Papa sa eskinita. Nakadapa siya, as in wala nang buhay.”
Si Cristel ay naglilingkod bilang fire fighter at medic sa siyudad ng Pasig.
Marami raw ang nakasaksi sa pagbaril ni John Wayne sa kanyang ama, ngunit hindi umano makalapit ang mga ito dahil sa hawak na baril ng dating aktor.
“Marami ang nakakita na si John Wayne ang bumaril kay Papa.
“Mga nag-iinuman sila pero hindi sila makalapit dahil may baril na dala si John Wayne. Baka po sila ang madamay kapag nakialam po sila.”
Mariing kinontra ni Cristel ang pahayag ni John Wayne na binaril niya si Lynell dahil pinagpaplanuhan siya nito.
“Ang sabi po ni John Wayne sa mga interbyu, pinagpaplanuhan siya ni Papa kaya inunahan niya.
“Paano siya uunahan, e, patalikod niyang tinirada ang tatay ko? Tinraydor niya.”
May mensahe ring ipinarating anak ang biktima kay John Wayne.
Sabi ni Cristel: “Isa lang ang masasabi ko sa kanya, mabulok na siya sa kulungan! Pagsisihan niya lahat!
“Ilalaban po namin ito. Walang areglo-areglo.
“Buhay ang kinuha niya sa amin. Hindi lang ang buhay ko ang kanyang sinira, sinira din niya ang buhay ng 14-year-old brother ko.
“Huwag na po siyang lumabas sa bilangguan kasi marami pa siyang mapapatay rito sa labas!
“Sa totoo lang, siya lang po ang perhuwisyo sa barangay namin. Siya lang din ang may baril sa Barangay Sagad!”
Dagdag niya, “Lumong-lumo po ako sa sarili ko kasi balewala yung pinag-aralan ko sa pagiging medic kasi hindi ko natulungan ang tatay ko.
“Sabi ko, para saan pa yung inaral ko, hindi ko na-apply sa papa ko.”