Vice Ganda’s Joke: Risking Anne Curtis’s Deal?
“We can see ung kaba ni Anne.”
Anne Curtis apologized profusely on air after saying the tagline of an ad campaign by a fast food company. That company happens to be the rival of another brand endorsed by Anne.
PHOTO/S: It’s Showtime
Usap-usapan sa X ang pagbibiro ni Vice Ganda sa aktres na si Anne Curtis sa “EXpecially For You” segment ng It’s Showtime nitong Sabado, January 20, 2024.
“Sabihin mo nga, ‘Nice, ganda,'” dare ni Vice kay Anne
Inulit naman ni Anne ang salita bago nito napagtanto ang implikasyon ng salitang kanyang sinabi.
Ang linyang “Nice Ganda” ay ang tagline ng fast food chain McDonald’s sa latest ad campaign para sa chicken menu nito sa Pilipinas.
Si Vice ang endorser at ang mukha ng kampanyang ito.
Sa kabilang banda naman ay si Anne ang endorser ng local fast food brand na Jollibee.
Kabilang sa iniindorso ni Anne para sa nasabing brand ay ang chicken product nito.
Masasabing fierce rivals ang dalawa sa larangan ng fast food business dito sa Pilipinas.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
“PASENSYA NA PO KAYO”
Kita ang gulat sa mukha ni Anne matapos siyang lansihin ni Vice na sabihin ang tagline.
Bagama’t nakangiti at natatawa ay hindi maikakaila ang pag-aalala ni Anne sa nagawa dahilan para agad itong humingi ng dispensa live on air.
“Ay, bad yun sa akin,” sabi ni Anne.
“Naisahan ka, naisahan ka,” hirit ng kanilang co-host na si Vhong Navarro kay Anne.
Dagdag ni Vhong habang tinuturo ang tawang-tawa na si Vice, “Ang galing nito.”
Sagot ni Anne, “Sorry po. Pasensya na po kayo, hindi ko sinasadya yun.”
“Bakit ka nag-sorry. Maganda lang naman yung… wala ka namang sinabing masama,” dugtong ni Vice.
Buwelta ni Anne, “Ikaw, ‘pag nawalan ako ng kontrata. Pasensya na po kayo. Hindi ko po sinasadya. Lapse of judgment, sorry.”
Sabi pa ni Anne kay Vice, “‘Pag ako nawalan bayaran mo yun…”
“Imposible, imposible,” assurance ni Vice kay Anne.
“Kasi ‘pag siningil ako doon ng ano,” turan ni Anne, bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha at boses nito.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
“Sitwasyon ang pinag-uusapan natin. Situational ito,” depensa ni Vice, meaning na ang kuwento at kalagayan ng contestants ng segment ang kanilang tinatalakay.
“Sige, sige. Tapos for sure trending ito, kakalat na naman ‘to,” himutok ni Anne.
“Baka makatanggap ako ng warning, girl.”
GOING VIRAL
At katulad nga ng sinabi ni Anne ay naging trending nga ang naging palitan nila ni Vice sa It’s Showtime.
Sa social media platform na X (dating Twitter) ay nag-trend ang “Anne,” “Vice,” at ang kanilang iniendorsong fast food brands.
Sa opinyon ng ilang nakapanood, nalagay sa alanganin si Anne sa kumpanyang iniindorso nito na isang popular fast food restaurant.
“I am with Anne Curtis on this one. It’s a job and she wants to honor the contract. Be careful na lang po next time Vice Ganda as this is not funny. We can see ung kaba ni Anne,” komento ng isang netizen.
“Love the accountability from Anne. But Vice jeopardizing his coworker/friend’s job was plain inconsiderate, rude, and unprofessional,” himutok ng isa ring nakapanood ng video.
Pinuri naman ng isang netizen ang pagiging “professional” ng aktres bagama’t “ramdam mo yung pikon ni Anne.”
Ganito rin ang obserbasyon ng isa pang netizen at sinabing, “Queen thing.. Anne owning the mistake (kahit na na trick ni Meme)… so pro pa rin kahit halatang worried.”
Samantala, kapansin-pansin na agad na nag-upload si Anne sa kanyang Instagram account ng video na kung saan ay makikita itong kumakain ng produkto ng iniindorsong fast food chain sa dressing room.
Kuha ang video sa London nang magpunta ang aktres doon para sa pictorial ng isang magazine.
Hindi naman maiwasan na biruin si Anne sa comments section ng kanyang followers.
Sa palagay kasi nila ay paraan ito ni Anne para makabawi sa naging pagkakamali sa It’s Showtime ng araw na iyon.
“Bawing bawi po! Ramdam namin pag-aalala mo kanina at pati how well you handled it,” komento ng isang follower ng aktres sa Instagram.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
“She had to act fast to keep that contract sealed and secured love it,” puna ng isa pang netizen.
“Okay lang wala kami narinig,” sabi sa isang comment sa post ni Anne.
ANNE SAYS ALL IS WELL
Ngayong umaga ng Linggo, January 21, siniguro naman ni Anne na all is well sa pagitan nila ni Vice.
“Morning everyone. Guys, kalma. No need for such negative energy. Vice and I are fine. It was a lapse of judgment on both sides.
“At least we can move forward and be keyrfuul. Ganyan ang biriun backstage but syempre dapat iba pag on air.
“Kaya kalma. It’s a beautiful day.”
Sabay humirit si Anne ng tagline ng ineendorsong fast food brand.