Ipinatawag ng pamunuan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang authorized representative ng It’s Showtime dahil sa mga eksenang ipinalabas sa Kapamilya noontime show noong July 25, 2023.
Napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na may kinalaman ito sa eksenang ginawa nina Vice Ganda at Ion Perez sa “Isip Bata” segment ng show.
Ang “Isip Bata” ay game show kunsaan may general information questions na kailangang sagutin ang players. Ang sagot sa questions ay hango sa survey mula sa mga bata.
May partisipasyon din sa segment na iyon ang resident kiddie mainstays ng It’s Showtime.
Ayon sa impormasyong nakarating sa PEP.ph, ang agenda sa ipinatawag na hearing ng MTRCB ay “Violation of Section 3 of Presidential Decree No. 1986 and Its Implementing Rules and Regulations.”
Sinasabing nakatanggap ng “numerous complaints” ang MTRCB dahil sa “indecent act/s” na ipinalabas sa live telecast ng show noong July 25.
Itinakda ang hearing nitong 10 a.m. ng Lunes, July 31, 2023, sa opisina ng MTRCB sa Timog Avenue, Quezon City, na kalapit ng ABS-CBN
THE “ISIP BATA” PORTION IN QUESTION
Noong July 25, napanood sa “Isip Bata” ang portion kunsaan tinanong kung anong pagkain ang masarap simutin gamit ang daliri. Ilan sa choices noon ay tsokolate, chichirya, at cake.
May eksena kunsaan ide-demo ng hosts ang choices na pagpipilian ng contestants. Si Jugs Jugueta ang nag-demo para sa tsokolate at si Ryan Bang para sa chichirya.
Si Ion ang nakatokang mag-demo para sa cake.
Bahagyang nagtuksuhan ang hosts sa paglapit ni Ion kay Vice dahil real-life partners ang dalawa.
Nagpakita pa ng bahagyang kilig si Vice sa maiksing eksenang ibinigay sa kanila ni Ion.
Pero mabilis ding nauwi sa alaskahan nang asarin ni Jhong Hilario si Vice na “Goldilocks” dahil sa blonde at curly hair ni Vice noong araw na iyon.
SOCIAL MEDIA PERSONALITY WHO COMPLAINED ABOUT VICE AND ION’S SCENE
Una nang naiulat ang mainit na pagkondena ng social media personality na si Rendon Labador ang ipinalabas na eksena nina Vice at Ion noong July 25.
Binigyan ni Rendon ng ibang kahulugan ang may landing pagkain nina Vice at Ion ng cake icing sa “Isip Bata” segment.
Naniniwala si Rendon na hindi akma para sa isang noontime show ang inasal ng dalawa na nagdiriwang ng monthsary nang araw na iyon.
Gumamit si Rendon ng hindi magagandang salita sa pagtuligsa niya sa portion na iyon, pati na sa paghamon niya sa MTRCB na sitahin o bigyan ng warning ang It’s Showtime.