Sa presscon ng That Boy In The Dark na launching movie ni Joaquin Domagoso ay nagbigay ng reaksyon si Lotlot de Leon sa gusot na namamagitan ngayon sa ina niyang si Nora Aunor at kapatid na si Matet de Leon na nag-ugat lang sa pagbebenta ng kani-kanyang gourmet tuyo. Aniya, wala daw siyang kinampihan sa dalawa.
Si Lotlot ay isa sa cast members ng That Boy In The Dark kung saan kasama din sina Glydel Mercado at Aneeza Gutierrez. The film is directed by Adolf Alix at ipapalabas na sa mga sinehan simula sa January 8, 2023.
“Alam mo naman pagdating sa ganyan wala namang panalo, di ba? Wala… walang panalo diyan.
“I guess it’s just a matter of looking at the bigger picture. Alam mo may dahilan ang lahat. I guess that’s how I like to look at it na lang and I hope that eventually maayos ang mga dapat maayos,” simulang reaksyon ng award-winning actress.
Dahil wala siyang kinampihan ay nilinaw din ni Lotlot na hindi rin daw siya pumagitna sa away ng dalawa niyang kapamilya.
“Ganito na lang, wala akong mga kapatid na masasama ang ugali. Lahat ng mga kapatid ko whether si Ian, si Matet, si Kiko, si Kenneth, lahat yan sobrang magaganda ang puso. Kasi si mommy din ang nagtuturo sa kanila na magkaroon ng magandang puso.
“So, whatever good that we all have in us because it was taught to us also and we saw it from our parents. And yung mga kapatid ko lahat sila they’re all good people. They’re all willing to sacrifice for love,” pahayag pa niya.
Patuloy pa ni Lotlot, “Si Ian, kinakain niya ang pride niyan maipakita lang sa iyo na mahal ka niya. Si Matet, kahit banyo lilinisan niya maiparamdam lang niya sa ‘yo na mahal ka niya.
“Si Kiko ganun din. Kung may kailangan kang ipagawa sa kanya, or kahit na all he can do is offer to listen to whatever you want to say, he will listen. Si Kenneth, yung tipo na pag may inutos ka, walang hindi yan. Yes lang lagi yan.
“Ganyan ang mga kapatid ko. Although iba-iba kaming lahat ng ugali pero lahat kami pare-parehong magmahal. And I just hope na… sabi ko nga, wala namang panalo sa ganyan, eh, lalo na kung yung mga salitang nabibitawan maybe out of pain or gusto mo lang mag-release ng hinaing o sama ng loob. Kahit sino naman ganun, eh, nangyayari sa atin lahat yon.”
Naniniwala rin si Lotlot na pasasaan ba at maaayos din ang problemang namamagitan kina Matet at sa kanilang ina.
“Kami namang anak ng mommy, lahat naman kami alam din naman ang lugar namin sa kanya, sa puso niya. So, minsan nga, yon nga, kapag may mga nabibitawang salita, or yung mga matagal nang itinatagong damdamin. But family is still family and at the end of the day, wala namang hindi naaayos, eh,” saad pa niya.
“Minsan kasi kami ng Mommy, may mga bagay na hindi na rin kami… Kumbaga, understood na lang na lahat naman sa aming mga anak, ganun siya, eh. So may mga bagay na hindi na kailangang ipaliwanag,” dagdag pa ng aktres.
Ayon pa kay Lotlot, naintindihan din daw ito ni Matet, at sa isyung ito, alam daw nilang magkakapatid na sila pa ring pamilya ang magkakasama sa huli.
“Si Matet naman, alam niya naman na kaming magkapatid, lagi naman kaming… Will always be, kumbaga, kung ano man ang trials, at the end of the day, pamilya pa rin kami,” huling sabi ni Lotlot.