‘It’s Showtime’ hosts, nanindigan sa karapatan ni Axel at Christine

‘It’s Showtime’ hosts, nanindigan sa karapatan ni Axel at Christine

It's Showtime' hosts, nanindigan sa karapatan ni Axel at Christine |  ABS-CBN News

 

MAYNILA  — Binigyang paglilinaw ng “It’s Showtime” hosts sa pangunguna ni Vice Ganda nitong Martes ang mainit na diskusyon ngayon ng netizens sa social media sa naging reaksyon nila sa naging isang episode ng “EXPecially For You” noong nagdaang Biyernes, Mayo 31.

Matatandaan sa naging episode noong Biyernes, sumalang si Christine kasama ang kaniyang ex-boyfriend na si Derick kung saan searcher si Axel na umano’y nagnakaw ng halik sa searchee na si Christine sa huling bahagi ng segment.

 

 

Depensa ni Vice, iba ang nakita ng kanilang mga mata sa loob ng studio sa nakita ng mga manunuod sa telebisyon na naging dahilan para manindigan siya para kay Christine.

“Ang aming pong reaksyon kung bakit namin siya na call-out ay base sa nakita ng aming mga mata na reaksyon rin ni Christine na ikinilos ni Axel,” pambungad ni Vice bago magtapos ang Kapamilya noontime show. “Dahil po roon ay nagkaroon po ng usapin kung tama ba o mali o kung ito ba ay sobra o na diskrimina ba si Axel dahil sa sinasabi ng mga tao na sa kaniyang itsura kung bakit hindi nararapat ang kaniyang ginawa.”

Ayon sa Kapamilya host, alam niya na naging mainit na diskusyon ito sa social media kasunod ng pag-depensa ni Christine ng kaniyang saloobin sa kaniyang TikTok account na umani ng pamumutakti ng samu’t saring komento sa social media.

“Kamakailan lang nag post si Christine ‘yung searcher na hindi raw siya o na-mis interpret daw namin ‘yung kaniyang reaksyon sa ginawa ni Axel na hindi raw siya na off at base roon sa statement na hindi raw siya na off, I felt like kung hindi ka naman pala na off, mali naman pala ‘yung reaksyon namin so dapat hindi namin na call-out si Axel kasi nga ulit, ang aming ginawang reaksyon ang pag-call out namin ay base sa reaksyon, base sa nakita namin,” paliwanag ni Vice.

 

“So I said, I will say an apology,” saad pa ng host na aniya, maiging pinag-isipan kung nararapat nga bang humingi ng paumanhin sa kaniyang naging reaksyon.

“Ngunit, bago ko po gawin dito sa ‘Showtime,’ nag-usap usap po kami dito sa ‘Showtime’ ng aming staff, management, unit head, kaming mga producers at kaming mga host at pinag-aralan po namin ang nangyari kasama na po ang mga pscyhologist ng ‘Showtime’ at nakikipag-coordinate sa lahat ng searchers at searchees namin sa ‘EXpecially For You’ at nakausap muli si Axel at Christine, at dahil po doon, gusto ko pong sabihin na binawi ko ‘yung tini-weet ko na I will say an apology because I don’t need to apologize for what I did,” paninidigan ng host.

“Ito po ang aking paniniwala at paniniwala rin po namin na hindi namin kailangan mag-apologize because what we did was right,” patuloy pa ni Vice.

Bago aniya ang kanilang statement at desisyon na maglabas ng kanilang saloobin sa pangyayari, nilinaw ni Vice na dumaan sa masusing proseso at pag-aaral ang kanilang mga sinasabi sa tulong na rin ng mga eksperto na kasama ng “It’s Showtime.”

“Nakausap siya ng staff, ng aming producers at ng psychologist at talaga namang na-off siya at talaga namang mayroon siyang naramdaman na hindi siya komportable sa ginawa nung searchee. Mayroon siyang dahilan kung bakit niya ‘yung sinabi sa TikTok na hindi na ho namin isi-share, nirerespeto po namin ang dahilan ni Christine kung bakit niya sinabi ‘yun na hindi siya na off where in reality, na off talaga siya,” saad ni Vice.

Hindi man inihayag ang naging rason ng paghahayag ni Christine ng kaniyang saloobin sa social media, nirerespeto aniya ng Kapamilya noontime show ang karapatan ng bawat isa sa.

“At since na-off si Christine, naniniwala ako na hindi mali na na-call out namin si Axel dahil karapatan ng isang babae na tumangi o umalma kung sa pakiwari niya ay hindi siya komportable sa ikikilos ng sino man sa harapan niya,” paliwanag ng host.

Paninidigan pa ni Vice, pinapangalagaan ng programa ang karapatan ng bawat isa na lalahok at sasali sa kanilang programa.

“Karapatan po ng babae ang tumanggi at umalma at ‘yun po ang nakita namin nung araw na ‘yon, may pag-alma si Christine, kaya na-call out namin,”  ani Vice, “dahil obligasyon po namin.”

“At bilang main host ng segment na ‘yun, it was my duty to call that action out. Dahil kung hindi ko rin ginawa ‘yun, ako ang mako-call out kung bakit namin hinahayaan. Ginawa po nami ‘yun para protektahan po ang aming guest rin na hindi matapakan ang kaniyang boundary bilang isang babae noong puntong ‘yun,” patuloy pa niya.

Paglilinaw pa ng host, nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan nila ni Christine at Axel at naging malinaw sa bawat isa ang mga pangyayari.

“Ako, personal kong nakausap si Axel. Nauunawaan niya po ang nangyari at kinapupulutan niya po ng aral at ‘yun ang maganda po kay Axel. Si Christine, nauunawaan po namin siya and again may dahilan po siya kung bakit hindi niya nasabi sa TikTok na na okay siya.”

Sa huling bahagi ng kanilang pahayag, nanawagan si Vice at ang mga host ng “It’s Showtime” na tigilan na ang pagbabato ng negatibong pahayag laban kay Axel at Christine sa social media.

“Again ang gusto kong ipaki-usap sana na aming lahat na ang gusto naming ipakausap nawa po ay ihinto ninyo ang pang-babash kay Axel at Christine,” saad ni Vice.

“Let’s stop shaming Christine na sinasabing napaka-arte mo hindi ka naman maganda. Karapatan po ni Christine po iyon, at si Axel bilang tao ay karapatan niya ring matuto at bilang tao. Bigyan natin siya ng pagkakaton na matuto, let’s stop bashing them. Kung gusto niyo po akong i-bash okay lang sa akin, kung sinasabi niyong kasalanan ko ‘to okay lang. Pero nakiki-usap po kami na kung maari ay huwag na pong i-bash si Axel at si Christine.”

Sa huli, sinigurado ni Vice na kapakanan pa rin ni Christine at Axel ang mahalag sa kabila ng mainit na diskusyong ito.

“Axel at Christine, andirito kami, sasamahan namin kayong mag-proseso at gagabayan namin kayo, hanggang sa tuluyan natin itong malampasan at kapulutan ng aral,” pahayag pa ni Vice.