Dr. Willie Ong withdraws from 2025 senatorial race
Dr. Willie Ong: “I will continue to support good governance…”
Cancer-stricken Doc Willie Ong is withdrawing his senatorial bid for the 2025 midterm elections.
PHOTO/S: Doc. Willie Ong on Facebook
Umatras na si Dr. Willie Ong sa pagtakbo bilang senador sa midterm elections na idaraos sa May 2025.
Ngayong Huwebes, February 13, 2025, opisyal na inanunsiyo ni Doc Willie sa publiko ang pag-atras niya sa kanyang kandidatura.
Ito’y dahil nais daw mag-focus ng kilalang cardiologist, internist, at health advocate sa kanyang kalusugan.
Post sa Facebook ni Doc Willie, “I am officially withdrawing my candidacy for the 2025 elections.
“So I can focus more on taking care of my health.”
Bagamat umatras sa pagtakbo bilang senador, susuportahan pa rin daw ni Doc Willie ang mga kandidatong may hangaring maganda sa ating bayan at taong-bayan.
Nagpasalamat din siya sa lahat ng patuloy na sumusuporta at nagdarasal sa kanyang paggaling.
Saad ni Doc Willie: “I sincerely thank all the people who supported me and prayed for me. I will continue to support good governance and the candidates who espouse the same ideals as mine.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
“Our advocacy to help the poor Filipinos continues even in my private capacity.
“Thank you for your understanding. God bless you all.”
Photo/s: Screengrab @Facebook
DR. WILLIE ONG FILES CANDIDACY amid cancer diagnosis
September 2024 nang isapubliko ni Doc Willie ang pagnanais niyang kumandidato para sa public office, sa kabila ng kinakaharap na hamon sa kanyang kalusugan, ang abdominal cancer.
September 14, ginulat ni Doc Willie ang publiko nang ipaalam niyang mayroon siyang abdominal cancer o sarcoma at kasalukuyang sumasailalim sa chemotherapy.
Ayon sa World Health Organization, ang sarcoma ay isang pambihirang uri ng cancer na nabubuo sa connective tissues ng katawan ng isang pasyente, kabilang ang mga kalamnan, buto, tendon, at cartilage.
Pagbabahagi ni Doc Willie, tinatayang nasa 16x13x12 centimeter na sarcoma na ang nakita sa kanyang abdomen.
Ayon sa findings, nakatago ang tumor sa likod ng kanyang puso at sa harap ng kanyang spine kaya pinangangambahan itong lumala kapag hindi naagapan.
October 2, opisyal na nag-file ng kandidatura si Doc Willie.
Photo/s: Facebook
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Hindi ito ang unang beses na tumakbo para sa public office si Doc Willie.
Kumandidato siya bilang bise-presidente ng Pilipinas, ka-tandem si former Manila mayor Isko Moreno, noong May 2022, pero hindi pinalad na magwagi.
Ang stress na idinulot ng kanyang pagkandidato noong 2022 ang itinuturo ni Doc Willie na dahilan ng pagkakaroon niya ngayon ng cancer.
Kaliwa’t kanang batikos daw kasi ang kanyang natanggap nang tumakbo siya noong bise-presidente ng bansa na nag-trigger sa kanyang kalusugan.