Dream movie project ni Vice Ganda with Jaclyn Jose, hindi na matutupad pa ngayong yumao na ang premyadong aktres
PHOTOS: @abscbnnews on YouTube & @jaclynjose on Instagram
Hindi lang lungkot kundi may halo ring panghihinayang ang nararamdaman ng comedian-TV host na si Vice Ganda sa pagpanaw ni Jaclyn Jose.
Hindi na kasi matutupad pa ang pangarap niyang reunion movie nila—na nai-pitch na umano niya sa Star Cinema—ngayong yumao na ang batikang aktres.
Iyan ang ipinagtapat ni Vice sa recent interview niya with ABS-CBN reporter MJ Felipe.
“Iba ‘yong lungkot na naramdaman ko. Bukod sa s’yempre, wala na s’ya, meron kasi akong dream project din with her, na pinitch ko sa isa sa ano, sa Star Cinema,” lahad ni Vice.
Pangarap daw kasi niya na magka-pelikula na tipong indie movie kung saan pagsasamahan sana nila ni Jaclyn.
“Gusto ko ‘yong parang indie type na movie, pero comedy. Comedy na drama na serious na indie type na mag-nanay kami. Nagustuhan nila [Star Cinema]. ‘Maganda ‘yan,’ sabi nila, ‘for a change,'” pagbabahagi pa ng It’s Showtime host.
“Sabi ko, gusto ko ito for ano lang… Gusto kong magkaroon ng ganitong pelikula. E, hindi na siya matutuloy.”
Reunion movie sana nila ito kung nagkataon kasunod ng Fantastica na entry sa Metro Manila Film Festival noong 2018.
(Prior to that, naging sidekick ni Jaclyn si Vice sa 2008 Kapamilya fantasy series na Dyosa na pinagbidahan ni Anne Curtis.)
“Nakakapanghinayang kasi gusto ko talaga dalawa kaming bida. Hindi ‘yong… Di ba? Kasi doon sa Fantastica, nanay ko s’ya pero ang pinaka main characters, ako, si Dingdong [Dantes], si Richard Gutierrez. Support s’ya [si Jaclyn],” paliwanag pa ni Vice.
“‘Yon ang gusto kong project, dalawa kaming bida na magnanay na may kakaiba kaming dynamics. Kasi napanood ko ‘yong Kalel [15], gustong gusto ko ‘yong pagiging nanay n’ya du’n,” he went on.
“Sabi ko, gusto ko magkaroon ng ganyang nanay sa pelikula. ‘Yong nanay na minumura ako, ‘yong ganu’n.”
Amindo rin si Vice na talagang mabigat ang loob niya. Hindi pa man kasi nakaka-move on ang showbiz sa pagkawala ng late veteran actor na si Ronaldo Valdez last December, at ang malapit din sa kanyang si Deo Endrinal ng Dreamscape Entertainment na punanaw naman noong February 3, ay heto’t ang premyadong aktres na si Jaclyn Jose naman ang namaalam.
“Ayon, nakakalungkot kasi sunod-sunod din,” pagtatapos niya.
Pumanaw si Jaclyn Jose last March 2 sa edad na 60 dahil sa heart attack. Nai-cremate ang kanyang mga labi noong March 4.