Ivana Alawi Inakalang Magtatapos Na Ang Kanyang Buhay; Nagpaalam Na Sa Kanyang Ina


Ibinahagi ng aktres at social media influencer na si Ivana Alawi ang kanyang personal na karanasan tungkol sa isang malubhang kalagayan ng kalusugan na dulot ng Polycystic Ovary Syndrome (PCOS), na nagresulta sa kanyang pagkakaospital at halos kamatayan. Sa kanyang YouTube vlog, inilahad ni Ivana ang masalimuot na mga pangyayari na nagdulot sa kanya ng matinding sakit at takot sa buhay. 

Ayon kay Ivana, nagsimula ang kanyang malubhang kalusugan nang magka-problema siya sa kanyang mga ovaries at maagapan ito bilang isang sintomas ng PCOS. Isinalaysay niya na nagkaroon siya ng komplikasyon sa kanyang tiyan, kung saan napuno ito ng likido na nagdulot ng matinding paghirap sa kanya.

Sa kwento ni Ivana, nagdesisyon siyang magtungo sa ospital nang hindi na niya kayang tiisin ang nararamdamang sakit. Ayon sa kanya, kung hindi siya nagpadala sa ospital, posibleng hindi na siya nakaligtas sa kalagayan. Habang nasa ospital, napansin niya na patuloy na tumataas ang fluid sa kanyang tiyan, na nagbigay sa kanya ng hitsurang parang limang buwan na buntis. Sa paglipas ng mga araw, lalong lumala ang kanyang kondisyon at nagsimula siyang makaranas ng matinding sakit at hirap sa paghinga.

“Tapos ‘yung sakit, hindi na ako makahinga. Konting lakad ko lang parang hihimatayin ako, nanlalamig na ‘yung buong body ko tapos tumutirik daw ‘yung eyes kong ganun,” kwento ni Ivana.

Bilang bahagi ng kanyang paggamot, kinailangan siyang ipasok sa ospital at dumaan sa mga seryosong medikal na proseso. Isinagawa ng mga doktor ang isang operasyon kung saan pinasok ang isang tube upang alisin ang likidong dumami sa kanyang tiyan.

Sinubukan nilang tanggalin ang dalawang litro ng likido, ngunit sa una ay isang litro lamang ang nakuha. Patuloy pa rin ang proseso ng drainage tuwing walong oras upang mapagaan ang kanyang kalagayan. Ayon sa kanya, ang sobrang dami ng likido ay nagbigay ng pressure sa kanyang mga baga, kaya’t nahirapan siyang huminga at naramdaman niyang para siyang nalunod.

Ang kondisyon ni Ivana ay nagdulot ng iba pang komplikasyon sa kanyang katawan. Sa loob ng tatlong araw na siya ay naka-confine, hindi siya nakatayo at hindi nakapag-ihi. Maging ang kanyang puso ay nagkaroon ng mabilis na tibok, at nahirapan din siya sa pagtunaw ng pagkain.

Ang kanyang katawan ay tila “naiipit” na, kaya’t nagkaroon siya ng mga doktor mula sa iba’t ibang espesyalisasyon—mga doktor sa puso, baga, gastroenterology, at nephrology na regular na dumadalaw sa kanya upang masubaybayan ang kanyang kalagayan.

Kahit na hindi pa tuluyang nakabawi si Ivana mula sa kanyang karamdaman, positibo siya at patuloy na nagpapagaling. Ayon sa kanya, “I’m still recovering, hindi pa 100% okay.”

Nagpasalamat din siya sa mga tao na nagdasal para sa kanya at sa mga nagpadala ng kanilang suporta sa kanya sa social media.

“Gusto kong mag-thank you sa lahat ng work ko na pumayag na mag-reschedule and also, sa lahat ng nag-message at nag-pray for me. Thank you so much, guys,”  ani Ivana, na labis ang pasasalamat sa mga patuloy na sumusuporta sa kanyang kalusugan at paggaling.

Sa kabila ng kanyang pinagdaanan, hindi pa rin nawawala ang kanyang positibong pananaw sa buhay. Patuloy siyang nagpapakita ng lakas at determinasyon, umaasang ang kanyang pagbangon mula sa matinding pagsubok ay magbibigay inspirasyon sa iba.