Ion Perez deeply hurt when he was not allowed to propose to Vice Ganda on It’s Showtime
Vice Ganda on Ion Perez’s botched plan to propose on It’s Showtime back in early 2020: “Masamang-masama yung loob niya. Di ko nga alam kung bakit masama yung loob niya. Nag-iiyak lang siya. Yun pala nagpaalam siya mag-propose sa Showtime, pero di siya pinayagan. Kaya sobrang sakit.”
Sa unang pagkakataon, inamin nina Vice Ganda, 45, at Ion Perez, 31, na na-engage sila noon pang February 21, 2020.
Naganap iyon sa bahay ni Vice kasama ang piling mga kaibigan.
Sa live episode ng It’s Showtime ngayong Martes, February 16, 2022, isiniwalat ni Ion na plinano niya nang husto ang kanyang marriage proposal kay Vice.
Kakuntsaba niya ang dalawang co-hosts na sina Jugs Jugueta at Teddy Corpuz sa pag-iisip kung paano sosorpresahin si Vice.
Kuwento ni Ion: “Yung ano, dun sa pagbili ko ng singsing, hindi ko alam kung saan ako pupunta.
“Balak pa namin magdi-disguise kami, pupunta kami ng mall.
“So, talagang naano ako kay Kuya Jugs, sa kanya ako unang nag-open. Tapos sabi niya, ‘Kuya Teddy mo kausapin natin.’
“Nagkukulong kami sa banyo, nagmi-meeting kami, para lang wala makakita sa aming tatlo na pag-isipan na may gagawin kami.”
Sabi pa ni Ion, “Kuya Jugs, Kuya Teddy maraming salamat.”
Ang original plan ni Ion ay mag-propose siya kay Vice sa mismong studio ng It’s Showtime, pero hindi raw siya pinayagan.
Balik-tanaw ni Teddy, “Kung alam niyo lang yung lang yung pain nung nakita namin dati si Ion pinagbawalan…
“Ta’s nakita ko si Ion nakahiga dun… ‘Uy, anong problema?’ ‘Hindi pumayag.’ Excited kaming tatlo, e.”
Sang-ayon ni Jugs, “Nakakasa na, e!”
Patuloy ni Teddy, “Gusto niya nga, dito talaga sa Showtime mag-propose. Ta’s nakahiga siya dun sa kwarto… Ta’s nakita namin yung pain. Kaya forever Team Loyal kaming tatlo.”
Hindi malinaw kung bakit di pumayag ang It’s Showtime management na sa studio mag-propose si Ion.
Kaya nagpasya si Ion na sa bahay na lang ni Vice siya mag-propose.
THE SIMPLE BUT UNFORGETTABLE PROPOSAL
Sa puntong ito, ikinuwento ni Vice na sobrang nasorpresa siya nang mag-propose si Ion noong February 2020.
Ni hindi raw siya nakaayos nang bigla siyang lapitan ni Ion, lumuhod sa harap niya, at nag-alay ng singsing.
Lahad ni Vice: “Kasi nung ikinuwento niya sa akin, nung nag-propose siya that night, sabi ko pa sa kanya, pinag-uusapan namin, ‘Para ka kasing timang, nag-propose ka wala akong salawal, wala akong buhok!’
“So, isa yun sa mga dahilan kung ba’t ayoko ilabas yung video.
“Humahagulgol siya, nakaluhod. Ta’s pilit ko binababa yung sweatshirt ko kasi maiksi, makikita yung panty ko.
“Kasi nasa poolside ako nung pumunta siya. Ta’s wala akong buhok. Yung me time ko sa bahay.”
Dito raw nalaman ni Vice ang naunsiyaming plano ni Ion.
“Ta’s sabi ko, ‘Bat tiniming mo ano?’ Wala na daw… wala na siyang… Masamang- masama yung loob niya.
“Di ko nga alam kung bakit masama yung loob niya. Nag-iiyak lang siya.
“Yun pala, nagpaalam siya mag-propose sa Showtime, pero di siya pinayagan.
“Kaya sobrang sakit. Ang nakakaalam lang ng experience niya sina Jugs at Teddy.”
KEEPING THEIR ENGAGEMENT UNDER WRAPS
Wala raw pinagsabihan sina Vice at Ion tungkol sa kanilang engagement liban sa piling-piling mga kaibigan.
Kaya karamihan din sa It’s Showtime hosts pati big bosses ng ABS-CBN ay walang alam dito.
Ayon kay Vice, “Nung nag-propose siya, sobra akong takot na takot. As in lahat ng videos ng mga kaibigan ko, pinabura ko talaga.
“Ta’s umiiyak siya, ‘Bakit ayaw mo sabihin sa kanila?’ Kahit kila Tita Cory itinago ko.'”
Ang tinutukoy ni Vice na “Tita Cory” ay si Cory Vidanes, chief operating officer for broadcast ng ABS-CBN.
Patuloy ni Vice kung bakit di niya isinapubliko ang proposal video, “Sabi ko, sobra akong takot na babuyin lang ng tao itong isang bagay na napakaganda para sa akin.”
ON GETTING MARRIED IN LAS VEGAS
Ayon kay Ion, mula nang ma-engage sila ay ilang beses niyang niyaya si Vice na idaos na ang kanilang wedding celebration sa Pilipinas.
Pero hindi raw natutuloy dahil sa pandemya.
Sa Las Vegas naisip ni Vice na ikasal, at kahit silang dalawa lamang ay nadama raw nila ang pagmamahal at commitment sa isa’t isa.
Ikinasal sila noong October 19, 2021, o anim na araw bago ang kanilang second anniversary.
Naiiyak na kuwento ni Ion, “Lagi ko kasi sinasabi sa kanya, ‘Tara na. Wala raw pala dito pala talaga.’
“Kaya nung nasa Las Vegas kami, nung inaya niya ako, di ako nagdalawang-isip, di ako nag-alangan.
“Sabi ko, ‘Tara na… para matapos na ‘to.’
“Kasi, sa buong buhay niya, wala pa ako sa showbiz, nakikita ko, napapanood ko na lahat na lang ng kaibigan niya ikinakasal, ta’s siya maghahatid.
“Parang, siya naman yung parang… gusto niya talaga maranasan yun.”
Hindi maituloy ni Ion ang iba pa niyang nais sabihin, pero makikitang puno siya ng emosyon habang naluluha.
Pagdating kay Vice ay sadyang mababaw ang luha ni Ion.
Kumpirma ni Vice, “Hindi kasi masalita ito, di siya masalita. Yung pag-e-express niya ng damdamdin, hindi sa salita. Hindi siya magaling sa ganun.
“Kaya mababasa mo lang sa mata niya, sa kilos niya…”
Puno ng pagmamahal na sinabi naman ni Ion kay Vice, “Ganito pala yung pakiramdam na pinili mo yung taong mahal na mahal mo.
“Pipilliin kita nang paulit-ulit, sabi ko nga sa ‘yo. Mahal kita.”
congratulatory MESSAGES FROM it’s showtime CO-HOSTS
Hindi man natuloy ang proposal ni Ion sa It’s Showtime noong 2020, ngayong 2022 ay nagkaroon sila ng pagkakataon ni Vice ikuwento ang tungkol sa kanilang Las Vegas wedding.
Pati ang kanilang It’s Showtime hosts ay nagbigay ng congratulatory speeches para sa newlywed couple.
Saksi raw ang It’s Showtime co-hosts na sina Karylle, Vhong Navarro, at Amy Perez kung paano nabuo at napagtibay ang pagmamahalan nina Vice at Ion.
Sabi ni Karylle, noong una ay talagang sinuri niya ang sinseridad ni Ion kay Vice.
At sa paglipas ng panahon, nakita raw ni Karylle na mga tingin pa lang ni Ion kay Vice ay makikita ang tindi ng pagmamahal nito.
Ipinagmalaki pa ni Karylle na sa likod ng camera mas makikita ang pag-ibig sa dalawa na iba at lambing at pag-aalaga sa isa’t isa.
Nagbigay rin ng mensahe ang ibang co-hosts nila na sina Kim Chiu, Jugs, Teddy, Ogie Diaz, at Jackie Gonzaga.
Bilang alaga ni Vice, umiyak pa si Jackie dahil alam daw niya kung gaano katagal naghintay ang TV host-comedian ng taong makakatuwang niya.
Lahat sila ay nagsabi na sa dami ng taong pinapasaya ni Vice ay “deserve” nitong magkaroon ng “forever love.”
Siniguro naman ni Vice na paglipas ng pandemya ay magkakaroon sila ni Ion ng big wedding dito sa Pilipinas para maimbitahan ang mga taong nagmamahal sa kanila.