Mura, laging lasing dahil panay toma
Tila ang pag-inom ng alak ang ginagawang panlunas ng komedyanteng si Allan Padua o mas kilala bilang “Mura” sa pinagdadaanan umano nitong depresyon.
Sa latest episode ng “Cristy Ferminute” noong Martes, Hunyo 25, inispluk ni showbiz columnist Cristy Fermin ang nasagap niya umanong tsika tungkol kay Mura.
“Ang dami-daming nagsasabi, nagkukuwento sa atin na ito raw si Mura ay laging naglalasing. Dahil inatake ng depresyon,” lahad ni Cristy.
“Kahit naman sino talaga, nasunugan ka na ng bahay, wala ka pang proyekto, ‘di ba? […] Kawawa naman,” dugtong pa niya.
“Unang-unang nagpadala sa kaniya ng tulong si Ai Ai Delas Alas. Si Ai Ai talaga pagdating sa mga kapuwa artista na nangangailangan siya ‘yong unang-unang sumasagot kasi alam niya kung paano magsimula sa ibaba,” ani Cristy.
Kaya hiling niya, sana raw ay magkaroon ulit ng proyekto si Mura sa mga darating pang panahon upang may pagkunan ito ng mga pangangailangan.
Matatandaang naiulat noong Mayo na nasunog umano ang bahay ni Mura at walang kahit anong gamit na naisalba.