Baron Geisler details how alcohol and drugs almost destroyed his life: “Wala ako sa tama kasi laging may tama.”
“Kung anong kinakain ng aso, yun din kinakain ko. Kumakain ng tira-tira.”
Baron Geisler on how detainment in 2018 led to his transformation: “Dahil tira lang ng pulis yung kinakain ko. Pareho lang kami ng kinakain. Kung anong kinakain ng aso, yun din kinakain ko. So para siyang talagang prodigal son. Kumakain ng tira-tira…When I was left alone, nagmumuni-muni… Parang nasa impiyerno ako.”
Aminado si Baron Geisler, 39, na halos masira ang buhay niya dahil sa kanyang addiction sa alcohol at drugs noon.
Notorious ang reputasyon ng aktor bilang “bad boy” o “pasaway” dahil sa iba-ibang kontrobersiyang kinasangkutan niya sa loob at labas ng showbiz.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), tinanong kay Baron kung nadiskubre ba niya ang ugat ng kanyang “rebellious behavior.”
“Yes, na-trace ko. It’s all of the above. It’s also me having all these character defects, a really bad mindset, wrong set of friends.
“But na-realize ko, I cannot blame my family. I cannot blame anyone because ako may kagustuhan nun, e. Naging masaya ako sa ganung klaseng pamumuhay.
“Pero ang ending, nagsisi ako nang sobra.”
Sa makailang-beses na nademanda siya o kaya ay napasabak sa mga gulo, hindi raw kaagad tumimo sa isip at puso ni Baron ang magbago.
“Kailangan ko pagdaanan lahat ng bagay na ‘yan para ma-realize ko, ‘Ay, mali pala.’
“Akala ko sila ang mali. Hindi naman normal pag-iisip ko nun dahil lagi ako loaded—alcohol, drugs,” prangkang kuwento ni Baron.
Diin niya, “Disillusioned ako sa lahat ng bagay sa mundo. Wala ako sa tama kasi laging may tama. Hahaha!”
Palagi raw may baon si Baron na canned beers sa kanyang backpack na dala niya kahit saan siya magpunta.
Ito ang dahilan kung bakit minsan ay pumapasok siya sa trabaho nang lasing.
Naproseso ni Baron, sa tulong na rin ng mga dinaanan niyang rehabilitation programs at counselling, na malalim ang sugat na dala ng tinawag niyang “addiction mindset.”
Kaugnay ito ng kanyang pag-amin na noong bata siya ay hindi niya naintindihan ang mga pagkakataong napapagalitan siya ng kanyang ina.
Umabot daw sa punto na tingin niya ay “monster” ang kanyang ina.
Sabi ni Baron: “Ang hirap sagutin ‘yan. Oo, disciplinarian si Mommy. Si Daddy naman napaka-passive…
“Oo, siguro dahil meron akong alcoholic and addict mind and behavioral problems even before pa ako nag-showbiz.
“Maaaring predisposed ito. Namana ko sa DNA ng tatay ko, or sa mother side. Yung addiction ganyan, e.
“Siguro addiction is a chronic brain disease. It’s a mental illness.”
Tingin ni Baron ay bata pa lang ay naging sobrang self-centered niya.
“So, kaya, parang yung nagkaroon ako ng rebellious behavior dahil meron akong ‘king baby attitude.’ I want it my way all the time.
“Pag hindi, aalis ako. Magwo-walkout ako.
“And nadala ko yun hanggang sa pag-aartista.”