Nora Aunor Inaapi Noon, Walang Nagpapautang Kahit Bigas!


Sa kauna-unahang pagkakataon nagbahagi ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor hinggil sa hindi niya malilimutang alaala noong kabataan niya. 

Ibinahagi ni Nora Aunor sa presscon para sa pelikulang Pieta ang ilan sa kanyang mga naging karanasan noon. Isiniwalat ni Nora na dahil sa hirap ng buhay nila noon ay palaging sa kanya bumbagsak ang mga utos, kagaya na lamang ng pangungutang ng bigas dahil wala silang masaing.

“Na kapag…nu’ng minsang hirap na hirap na ako, halimbawa nangungutang ako ng bigas. Wala nang magpautang sa akin. Wala na kaming makain. Ala-una na, hindi pa kami nagsasaing. Wala pa kaming maisaing. So, yung mga kapatid ko na inutusan ng nanay ko, hindi rin gumagalaw. So, ako na ang gumalaw. So, lahat ng tindahan, yung mga bigasan, walang magpautang sa akin. So, ang inaano ko, yung pinakahuli naawa,” pagbabahagi ni Nora.

Doon naisip umano ni Nora na kapag siya naman ang magkaroon ay hinding-hindi niya ipaparanas sa mga lumapit sa kanya ang naranasan niya.

“So, du’n ko nasabi, sabi ko… dahil sa mga taong yun na pinahirapan din ako, sabi ko, ‘Balang araw, kapag ako nagkaroon, ipinapangako ko na hindi ko gagawin yung ginawa ninyo sa akin!’ Kaya siguro naman, sumobra lang ngayon. Sumobra lang. Kaya suma tutal, pulubi pa rin ako hanggang ngayon. Dahil konting…may mga lalapit, last money ko na… maaawa ako, ibibigay ko pa. Kinabukasan, ako ang maghahanap ng pera para pambili ng ganito, pambayad sa ganito. Iyon po ako. Ako po yun,” saad ni Nora.