Camille Prats, aminadong hindi madali ang magtaguyod ng sariling pamilya
Inihayag ni Camille Prats ang pasasalamat sa kaniyang mga magulang, na nagpakita ng halimbawa kung paano itaguyod ang isang pamilya.
Kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng Independence Day sa Hunyo 12, natanong si Camille sa “Mars Pa More,” tungkol sa mga bagay na hindi naging madali sa kaniya mula nang maging “independent” siya sa mga magulang.
“Na-realize ko na hindi pala madali ang pag-aasikaso ng pamilya at ng bahay,” sabi ni Camille.
Ngayong isa na ring magulang, naging hamon para kay Camille ang pagsabayin ang trabaho at ang pag-aasikaso ng pangangailangan ng kaniyang pamilya.
“Ngayon habang nagtatrabaho ka, naggo-grocery ka. Habang nagtatrabaho ka bumibili ka ng regalo kasi ‘yung anak mo a-attend ng birthday party. And all these things kailangan mong gawin. So I really appreciate my mom and my parents kasi they make it look so easy while I was growing up,” sabi ni ‘Mars’ Camille.
And now that ako ‘yung nasa posisyon na ‘yon, na-realize ko na hindi pala madali,” saad pa ni Camille.
Nagpakasal si Camille sa ikalawa niyang asawa na si VJ Yambao noong 2017, at isinilang ang anak nilang si Nala noon ding taon na iyon. Isinilang naman niya ang ikatlo niyang anak na si Nolan noong 2019.
Mayroon din siyang binatilyong anak na si Nathaniel, na anak niya sa namayapang unang asawa na si Anthony Linsangan.-