Joey De Leon Nag Sorry Kay Miles Ocampo Dahil Sa Joke Nito Sa Actress
Ibinunyag ni Miles Ocampo na humingi na ng paumanhin sa kanya ang Eat Bulaga host na si Joey de Leon kasunod ng mga komento ng beteranang komedyante tungkol sa kanyang timbang.
Matatandaang noong nakaraang buwan ay nakatanggap ng pambabatikos si Joey De Leon sa social media matapos niyang biruin ang timbang ni Miles Ocampo habang nakakatanggap ito ng birthday greetings mula sa kanyang mga co-host sa Eat Bulaga.
“Wala akong masabi kundi Pataas! Pataas ‘yung edad eh,” pahayag noon ni Tito Sotto na tinutukoy ang edad ni Miles Ocampo na nadadagdagan sa pagdiriwang niya ng kanyang kaarawan.
Bigla namang sumingit si Joey De Leon ng ‘pataba’ ‘pataba’, nang natahimik ang lahat sa kanyang hirit ay doon na niya itinama na ‘pababa’ muli sa kanilang segment na ‘Pataas, Pababa’.
Sa isang media conference para sa kanyang nalalapit na solo lead, ang Teleserye na “Padyak Princess,” sinabi ni Miles Ocampo na ayos lang sa kanya ang biro ni Joey De Leon tungkol sa kanyang timbang dahil handa ang mga Dabarkads na i-absorb ang biro ng isa’t isa.
“Sa Dabarkads, bawal ang pikon do’n. Sanayan lang sa mga bawat banat at hirit ng isa’t isa… so walang problema po,” pagbabahagi ni Miles Ocampo.
“Actually si Boss Joey, naapektuhan din kasi nga, (sabi niya) ‘bakit galit ‘yung mga tao sa akin?’ eh segment naman po namin sa Eat Bulaga ‘yung ‘pataas, pababa,’” dagdag pa niya.
Isiniwalat din ni Miles Ocampo na isang araw matapos gawin ni Joey De Leon ang nasabing biro, ay personal itong humingi ng paumanhin sa kanya.
“Sabi ko kay Boss Joey, ‘okay na po ‘yun, sadyang ang mga tao talaga ngayon ay makabilis makahanap ng mali, kaya napupuna agad.’ Pero sabi ko, wala pong problema,” pahayag ni Miles Ocampo.
Matatandaan na sumailalim si Miles Ocampo sa operasyon sa kanyang Thyroid matapos ma-diagnose na may Papillary Thyroid Carcinoma.
Inalis ng mga doktor ang kanyang Thyroid, na nagresulta sa iba’t ibang epekto, kabilang ang pagtaas ng timbang.
Ang pagtanggal ng thyroid ni Miles Ocampo ay nagpabagal sa kanyang metabolismo, na humahantong sa pagtaas ng timbang.