Joel Lamangan on Mother Lily’s death: the end of an era
Joel: “Siya ang nakakaalam ng totoong gusto ng mga manonood na Pilipino.”
Award-winning director Joel Lamangan on Mother Lily Monteverde: “Kung pinag-uusapan kung ano ang pelikulang papatok sa takilya, you have to listen to her. She knows. Alam niya ang gusto ng mga manonood ng pelikulang Pilipino.”
Isa marahil sa most trusted director ng Regal Entertainment, Inc. ni Mother Lily Monteverde ay si Joel Lamangan.
Ayon kay Direk Joel, alam ni Mother Lily ang pasikut-sikot sa paggawa ng pelikulang Pilipino — kung ano ang gusto ng mga manonood at kailangan ng mga taga-industriya.
Pahayag ni Direk Joel sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ABS-CBN News, at GMA News crew kagabi, August 7, 2024, “Lalung-lalo na sa mga pangangailangan ng mga manggagawa sa pelikulang Pilipino.
“Mabait siya, madali siyang lapitan.
“At siya ang nakakaalam ng totoong gusto ng mga manonood na Pilipino.
“Maganda ang pulso niya sa gusto ng tao.
“Dahil movie fan siya, kaisa siya sa mga nanonood.
“Alam niya kung anong bagay, alam niya kung anong hindi bagay, alam niya kung ano ang totoo, alam niya kung anong dapat ipakita sa mga manonood na Pilipino.”
Pumanaw si Mother Lily sa edad na 84 nitong nakaraang August 4, 2024.
JOEL LAMANGAN ON MOTHER LILY’S CONTRIBUTION TO FILM INDUSTRY
Sa tagal ng pinagsamahan nina Direk Joel at Mother Lily, hindi maipagkakailang mami-miss niya ang film producer
Ayon kay Direk Joel, “Oo, mami-miss ko siya. Hindi naman magiging kumpleto ang daigdig ng pelikulang Pilipino, ngayong wala na siya.”
Naniniwala ba siyang “end of an era” ang pagpanaw ng isang masugid na tagapagtaguyod ng pelikulang Pilipino?
Tugon niya, “Oo, kasi malaki ang kontribusyon niya sa industriya ng pelikulang Pilipino.
“Sa dami ng ginagawa niyang pelikula, masasabi nating isang malaking era ang kanyang ni-represent.
“Ngayong nawala na siya, nawala na yung era. Isang malaking pagkawala ng yung era na yun sa ibang panahon, iba namang uri ng era ang lalabas.
Binanggit ni Direk Joel ang mga hindi malilimutang proyekto na ginawa niya para sa Regal.
Saad niya, “Ang Mano Po series, ilan ba yun, nakapakadami-dami.
“Meron pang Manay Po, series din yun.
“Meron pang Desperadas, series din yun.
“Marami akong ginawa. Lahat yun idea ni Mother. Galing lahat kay Mother, lalo na yung Mano Po, istorya niya yun.
“Istorya ng mga kilala niyang Chinese sa Pilipinas. Kaya sa kanya lahat galing ng idea na yun.”
JOEL LAMANGAN ON CLASHES WITH MOTHER LILY
Hindi rin maiwasang mausisa si Direk Joel kung may mga away rin ba sila ni Mother Lily.
Pag-amin niya, “Oo, malimit. Malimit kasi matigas ang ulo ko. Kinokontra ko siya na, minsan, mali naman pala ako, siya ang tama.
“Minsan, mali talaga siya. Pareho naman kaming stubborn, pero hindi niya accept-in na mali siya.
“Ako din, ganun, e, pero nagmamahalan kami, mahal niya ako.”
Giit pa niya, “Talagang assertive siya. Pag alam niya ang kanyang pinaniniwalaan, assertive siya.
“At ikaw, lalo na kung pinag-uusapan kung ano ang pelikulang papatok sa takilya, you have to listen to her.
“She knows. Alam niya ang gusto ng mga manonood ng pelikulang Pilipino.”
Sa huli, naniniwala ang direktor na nag-iisa lamang si Mother Lily sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Ayon sa direktor, “Ay, iisa lang siya. Iisa lang si Mother Lily.
“Iisa lang ang babaeng kagaya niya sa ating bayan, isa lang.
“Iisa lang si Mother Lily. Iisa lang ang babaeng kagaya niya sa ating bayan. Isa lang.”