Fans are curious Is the Nora Aunor-Vilma Santos rivalry still alive?

Nora Aunor reportedly coming home for comeback film

Is the Nora Aunor-Vilma Santos rivalry still alive?

Superstar Nora Aunor reportedly had talks with Star Cinema for a possible project. She is also rumored to be doing a digital film in the States titled Do Filipinos Cry in America? with Celso Ad. Castillo as director

Iba’t ibang reaksiyon ng fans ang nakarating sa PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa latest issues ng Superstar Nora Aunor. Kung tutuusin ay hindi na rin bago ang mga reaksiyon ng mga tagahangang patuloy na nagtatanggol kay Nora, kahit malaon na siyang naninirahan sa U.S.

Itinuturing pa rin siyang Superstar ng mga masugid na tagahanga’t tagapagtanggol niya sa local press o media. Kabi-kabila man ang naiuulat na “hindi kagandahan at kasaganahang takbo ng buhay” sa U.S. ay patuloy ring nababanggit ang matatagumpay na series of concert performances ni Ate Guy sa iba’t ibang U.S. key cities.

Ang ibang ulat naman, hindi rin kaiga-igaya dahil madalas nagkakaroon ng problema si Ate Guy sa mga producer ng shows doon, pati sa isang publicist/promoter na dating taga-local media.

COMEBACK FILM? Lately, marami ang ispekulasyon na magbabalik sa bansa si Nora upang gumawa umano ng pelikula.

Ang naririnig namin, mula sa kampong nagtataguyod sa aktres—mga taga-press na dating die-hard Noranians at mga fans na miyembro ng samahang GANAP at ng International Circle of Online Noranians (ICON)—matutuloy na umano ang paggawa ni Nora ng pelikula sa ilalim ng Star Cinema-ABS-CBN Productions, Inc.

Kung mayroon man umanong senyales ukol dito, ito’y ang nakaraang pagpunta sa U.S. ni Ms. Charo Santos-Concio—pangulo ng ABS-CBN at ng Star Cinema, ang movie production outfit ng network—nang manood siya ng Oscar Awards. Posible umanong nagkaroon din ng pagkakataong maka-meeting ni Charo si Nora.

Pero wala pang kumpirmasyon ukol dito. Pulos haka-haka lamang.

“Hindi Star Cinema ang Star Cinema kung wala silang na-produce na pelikulang bida si Nora Aunor. ‘Yan ang tiyak at totoo, kaya gusto ni Charo Santos na matuloy si Nora sa paggawa ng pelikula sa kumpanya nila,” wari’y tiyak sa sinasabi ang nakausap naming Noranian mula sa press at kabilang sa ICON.

Sa mga nababasa naming e-mail messages mula rin sa mga tagahangang US-based, nalaman naman namin ang tungkol sa pinaplanong gawing digital movie doon, na si Nora ang magbibida at ang magiging direktor niya’y ang premyado ring si Celso Ad. Castillo. Ang title ng pelikulang digital: Do Filipinos Cry In America?

Wala pang ibang detalye tungkol sa project. At wala pang kasunod na mga ulat.

Ang panimulang ulat lamang, ito’y proyektong naisaisip, bunsod ng pagkakapanalo ng Best Picture sa nakaraang Oscar Awards ng pelikulang Slumdog Millionaire na idinirek ni Danny Boyle, nanalo ring Best Director.

Kung sakali, ang Do Filipinos Cry In America? ni Celso Ad. Castillo—na ididirek sa unang pagkakataon, in a full-length role, si Nora Aunor—could be the “Pinoy movies’ answer” to Boyle’s Slumdog Millionaire.

 

Masasabing “ambitious prospect” ang naturan, pero hindi na ito iba sa pandinig at pagkakaalam ng mga Pinoy na nakakakilala sa direktor na matindi ang passion sa kanyang sining. O lalo’t malaon na rin nitong gustong maidirek sa feature film ang hinahangaan ding Superstar.

For the record, noong 1986, naidirek lamang ni Celso Kid (tawag sa kanya ng mga taga-industriya) si Ate Guy sa isang sequence ng pelikulang Payaso, na bida si German “Kuya Germs” Moreno. Tagapag-alaga ng mga batang lansangan si Nora sa nasabing sequence, kung saan inawit niya ang “Payaso” theme song, sakay ng karitong kahoy na gamit ng mga batang palaboy na namumulot ng mga basura

The said sequence created quite an impression (ipinalabas ‘yon bilang entry sa Metro Manila Film Festival). At hindi kataka-takang sa sitwasyon ni Nora ngayon, na nasa U.S. siya, isang pelikula ring tumatalakay sa realidad ng buhay-Pinoy ang maiisip gawin ni direk Celso.

NORA-VILMA RIVALRY. Sa isang banda, napagtagumpayan na ni Celso Ad. Castillo ang mga pelikulang pinagbidahan naman ni Vilma Santos back in the late ’70s, tulad ng Burlesk Queen (1977) at Pagputi ng Uwak, Pag-Itim ng Tagak (1978), na naparangalang Best Picture sa Gawad Urian at FAMAS.

Para sa Burlesk Queen, si Vilma Santos ang Best Actress awardee, among other awards (kabilang din ang kay Direk Celso) sa 1977 Metro Manila Film Festival.

Ang mga fans, marubdob pa rin ang damdamin pagdating sa age-old rivalry nina Vilma Santos at Nora Aunor (o Nora Aunor vs Vilma Santos)

Huwag lang magkaroon ng isyu sa kanya-kanyang idolong aktres, huwag lang magkaroon ng kuwestiyon sa kasalukuyang concerns ng mga ito, super-react agad sila.

Tulad kamakailan, nang maibalitang si Gov. Vilma Santos-Recto ang recipient sa taong 2009 ng pagkilalang Ulirang Artista Lifetime Achievement Award, na ipagkakaloob ng Philippine Movie Press Club (PMPC), sa okasyon ng ika-25 Star Awards for Movies—na gaganapin sa May 28, 2009, at the Henry Lee Irwin Theater, Ateneo de Manila University, in Q.C.—nagbunga ito ng reaksiyon at maaanghang na komento.

Kinuwestiyon ng mga Noranian ang hindi pagbanggit sa kasaysayan, na ang Ulirang Artista Award ng PMPC (para sa taunang Star Awards for Movies, simula noong 1986) ay parangal na ipinagkakaloob ng Nora Aunor Foundation, Inc. sa mga natatanging alagad ng sining.

“Si Nora Aunor, at ang foundation niya ang nagpasimula ng pagbibigay ng award! Hindi man lang ito binanggit [ng writer ng news article]!” matinding saad ng Noranian tabloid writer.

May iba namang nagkaroon ng pagkukumpara kina Nora at Vilma, na ‘ika’y deserving si Gov. Vi of the award dahil isa nga siyang “ulirang artista,” na hindi ganito si Nora.

“Paanong tatanggap si Nora ng Ulirang Artista kung siya ang nagbibigay sa ilang taon nito sa Star Awards?” katwiran din ng manunulat na Noranian.

May taga-PMPC naman na nagsasabing, “Kung si Nora man ang napiling recipient, bilang Ulirang Artista awardee [na may nagpapalagay na hindi pa rin napapanahon], mas mainam siguro kung nasa bansa na natin siya para personal na tanggapin ang parangal.”

SPECIAL RECOGNITION. Sa taong ito, hindi rin naman malulungkot ang mga Noranian. Kung si Vilma ang Ulirang Artista awardee, si Nora naman ay kabilang sa special at prestihiyosong pagkilala o parangal sa 1982 classic film na Himala—idinirek ni Ishmael Bernal mula sa screenplay ni Ricky Lee—na bibigyang-pagkilala ng PMPC sa darating na 25th Star Awards for Movies.

Nanalong Best Film of All Time sa isinagawang Viewers’ Choice sa online survey ng CNN-APSA (Asia-Pacific Screen Awards) ang naturang Bernal-Aunor classic produced by Experimental Cinema of the Philippines, with Charo Santos-Concio, as executive producer and former ECP Director-General Imee Marcos as producer.

Ito’y unprecedented sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino, makalipas ang dalawampu’t anim na taon mula nang unang ma-release, bilang most awarded entry sa 1982 Metro Manila Film Festival.

Tulad ng Ulirang Artista Lifetime Achievement Awardpara kay Vilma Santos, hindi mapapasubalian ang tagumpay ni Nora Aunor, bilang natatanging aktres, sa pelikulang Himala.

Sa natatanging citation, ganito ang pagkilalang nais ng PMPC’s 25th Star Awards For Movies 2009 na igawad kay Nora at sa Himala:

 

“On the occasion of the 25th Star Awards for Movies 2009, the Philippine Movie Press Club (PMPC) is proud of the singular accolade given to a Filipino classic film…

“THE GLOBAL ACHIEVEMENT IN CINEMATIC EXCELLENCE AND INTERNATIONAL RECOGNITION is hereby awarded to the 1982 masterpiece, HIMALA (MIRACLE), winner of the 2008 CABLE NEWS NETWORK (CNN)-ASIA-PACIFIC SCREEN AWARDS (APSA)-VIEWERS’ CHOICE, AS BEST FILM OF ALL TIME.”

Related Posts

Our Privacy policy

https://morenews247.com - © 2025 News