Muling binalikan ng singer na si Gerald Santos ang masamang karanasan niya noong 2010.
Sa kanyang YouTube account ngayong Lunes, August 5, 2024, sinabi ni Gerald na ang paglaban nina Sandro Muhlach at ama nitong si Niño Muhlach ang naghikayat sa kanyang muling magsalita.
Nasa gitna ng kontrobersiya ngayon ang panganay na anak ni Niño matapos pumutok ang balitang biktima umano ito ng seksuwal na pang-aabuso.
Nasangkot din noon si Gerald sa sexual-harassment issue matapos niyang manalo sa Pinoy Pop Superstar (2006) Season 2, ang dating singing search ng Kapuso network.
GERALD SANTOS ON “MOVING ON”
Panimula ni Gerald sa kanyang YouTube video: “Hindi na po lingid sa inyong kaalaman, ito pong issue na lumabas kamakailan lamang po.
“At alam niyo po nung nabasa ko at nalaman ko itong issue na ito, e, talaga naman po ako ay nanlumo at sobrang nalungkot at nasaktan at bumalik po yung trauma sa akin dun sa personal experience ko rin na naranasan.
“At ito po ang issue about kay Mr. Sandro Muhlach, at tulad nga nung sinabi ko dun sa post ko ay ang puso ko po goes to the whole Muhlach family and kay Mr. Sandro Muhlach.
“At hindi po madali ang kanyang pinagdaanan. At napakahirap pong mag-stand up kapagka may nangyari sa inyong ganito.
“Ako, bilang isa rin sa mga nabiktima noon na ako rin ay baguhang artist ay sobrang nakikisimpatiya at alam ko ang nararamdaman ni Mr. Sandro Muhlach.”
Pinuna ni Gerald ang ilang netizens na nagkokomento ng “move on” sa mga insidenteng naranasan nila ni Sandro.
Pagpapatuloy niya: “Alam niyo po, kahit na social media age na ngayon, may mga nakikita pa rin akong nagko-comment na iilan na lang naman, kokonti na lang naman na, ‘Move on.’
“Ang ganyang mindset ng mga tao ang dahilan kung bakit po natatakot yung mga katulad ko, katulad ni Mr. Sandro, at yung iba pang mga biktima na magsalita.
“Yan ang ganyang mindset na ‘Move on na’, ‘Bakit ngayon lang?’ Ganun po ba kadali yun na i-reveal?
“Hindi niyo po personal na naramdaman at naranasan yung naranasan namin kaya ang dali sabihin na ‘move on.’
“And yan exactly noong time na yun, alam niyo noong nireklamo ko ito doon sa network, may mga executives kaming kinausap, ako at si Kuya Rommel [Ramillo], ang aking manager.
“Yan ang statements nila before na ‘move on.’ Even yung mga hindi executives na mga kakilala namin, parang yun yung mindset na mali. Mali po.
“And nowadays, somehow masaya po ako kasi may social media.
“Na may boses na ang lahat kapag may ginawa sa yo, may nangyari sa yo, puwede mo na i-express sa social media and you can get sympathy, you can get public’s attention para mabigyan niya ng pansin at bigyan ng aksiyon ng kung sino man ang involved na mga tao diyan sa mga kinauukulan, makakarating.
“Unlike noong time ko po, wala pong social media, mga cameras nun wala pa masyado, napakalabo kung meron man. Even yung mga CCTV, parang wala pa din nun or nagsisimula pa lang na mag-install yung mga establishments.
“Nung time na yun, ang iniisip ko na lang, mag-focus na lang ako sa aking craft.”
GERALD SANTOS ON WHY HE IS SPEAKING UP NOW
Ipinaliwanag din ni Gerald kung bakit nagsasalita siya ngayon.
Aniya: “Right now, it’s just really relevant at napapanahon para i-discuss po ito.
“So, huwag niyo pong sabihin na, ‘Bakit ngayon lang? Bakit ka ngayon nakiki…’ Because it’s relevant right now.
“Kung ito ba basta ko lang ito ilalabas, mag-post ako nung walang ganitong issue, papansinin niyo ba?
“Papansinin ba ng tao? No!
“So, this is the perfect time dahil ito ay napapanahon para sabihin ko ito at mag-raise ng awareness, magbigay ng awareness sa lahat na mag-ingat po.
“At para itong mga abusadong mga nakaupo sa kapangyarihan, yung mga mapagsamantala, matakot na rin po sila na aware na, kahit itong mga bagito, aware na sila, alam na nila yung gagawin nila.
“At sa mga managements naman or sa network, I hope ay dito sa mga pahayag namin na mga nabiktima ng ganitong klaseng pang-aabuso, sana gumawa din sila ng mga rules and ng batas sa kanilang company para maprotektahan itong mga baguhang mga artists especially.
“Dahil sila talaga yung prone sa ganitong klaseng gawain. Dahil nga kapag newbie ka, siyempre sunod ka lang sa agos, wala ka pang alam.
“And itong mga executives, mga may kapangyarihan sa kahit saan company, talagang sinasamantala nila yung kanilang power over you.”
Mahigit isang dekada na ang nakalipas bago nagsalita si Gerald tungkol sa naranasan niyang sexual harassment sa kamay ng isang musical director na konektado sa sinalihan niyang singing contest sa GMA-7.
GERALD SANTOS ON HIS STRUGGLES AFTER THE INCIDENT
Dahil sa nangyari kay Gerald, nahirapan daw siyang igapang ang kanyang karera matapos “maalis” sa network kung saan siya nagwagi bilang singing champion.
Photo/s: Courtesy: Gerald Santos on YouTube
Lahad niya: “Alam niyo, nung lumabas po itong balita about kay Mr. Sandro Muhlach, nagbalik po sa akin yung sakit din po na, yung hirap po ba namin nung after na maalis ako sa network.
“Yung hirap namin na mag-hustle, mag-haggle sa lahat ng possible kong puwedeng maging shows, sa possible kong lahat na puwedeng maging trabaho.
“Kasi nung time na yun, TV lang po ang buhay ng artista or ng singer. Kung wala ka sa TV that time ay good as wala kang career.
“Nagbalik lamang po sa akin yung struggles din, yung hirap na just to keep my career afloat.
“And I really commend si Kuya Rommel, ang aking manager, who stood beside me dun sa mga panahon na yun na walang-wala talaga.
“Siya yung gumawa ng paraan para ma-keep afloat yung aking career.
“Pero grabe po yung pag binabalikan ko, as in grabe po yung struggles. Napaka-demoralizing, yun po yung aking naramdaman noon.
“Pero we kept going, hindi po kami naging bitter about it, hindi po kami naging crybaby.
“Kahit i-review niyo po lahat ng mga interviews ko at that time, I wasn’t talking about this. I’m not talking about them, I’m not talking about this issue.
“I was just talking about my projects, kung may concerts ako noon, kung may album ako lalabas, yun lamang po yung pinag-uusapan namin.
“Yun po ang aking inintindi, yun po ang aking tinrabaho, yun po ang tinrabaho namin na imbes na mag-focus kami sa negative, mas malugmok kami na ako po ay walang career sa TV.
“And nag-focus na lamang po ako sa development ng aking talent, ng aking sarili, para marating ko pa rin po yung gusto kong marating.”
GERALD SANTOS ON PICKING HIMSELF UP
Taong 2018 nang lumipat si Gerald sa TV5.
Naging bahagi rin siya sa U.K. Tour ng Miss Saigon na iprinodyus ni Cameron Mackintosh noong 2017-2019.
Dagdag pa niya, “And eventually nga po, ayun, napapunta po ako sa teatro, nag-musical theater ako.
“And dumating po yung biggest break ng aking career na masasabi ko dahil ito po ay international.
“Nakapasok po ako bilang si Thuy, I played the role of Thuy in Miss Saigon UK, an international tour for Cameron Mackintosh Productions.
“At doon ko po talaga nasabi na, ‘God is good, God is good po.’
“Hindi Niya po ako pinabayaan, hindi Niya kami pinabayaan, aking pamilya, si Kuya Rommel.
“At bago po dumating yung Miss Saigon, actually, ako po ay talagang pasuko na. Susuko na po talaga ako, wala na.
“Parang, ‘Okay,’ kasi six years of struggles po yun, 2016 po kasi nagpunta ang Cameron Mackintosh Productions dito para mag-stage ng auditions.
“So, naalis po ako sa network 2010, six years of struggle.
“So, parang sa akin, enough na yun na pagtatrabaho, paghahanap ng trabaho. Kung paano ako magiging relevant pa din sa industriya.
“Pero just at the right moment, at the right time ay dumating po yung Miss Saigon. And masasabi ko po ay, bukod po doon sa reality singing competition, ito po yung mas malaking break ko pong nakamtan.”
At noong nakaraang taon, 2023, pasok din si Gerald sa Miss Saigon na itinanghal sa Denmark.
“At after po niyan, nung mag-pandemic, nagampanan ko po uli sa yung role ni Thuy sa Miss Saigon Denmark naman po,” saad niya.
Ipinagpapasalamat daw ni Gerald na nanatili siya industiya kahit walang network na sumusuporta sa kanyang career.
Pahayag ng singer: “Kaya ako po ay thankful pa din na despite na ako po ay walang network y nakaya ko po na makapag-stay sa industriya.
“Yun po yung aking naging prinsipyo po at that time, kaya hindi po ako pumayag doon sa gustong mangyari nitong taong gumawa ng hindi maganda sa akin.
“Dahil ako po ay naniniwala sa aking kakayanan, naniniwala po ako sa aking talento, even at that early age.
“So sana, yun po yung tandaan, yun po yung maipapayo ko sa mga newbie na kung kayo ay may paniniwala sa inyong mga talento, sa inyong mga sarili, hindi niyo po kailangan na gawin yan, na kumapit kayo sa patalim or anything.
“Kung kayo ay talentado, kung kayo ay may karisma, you can make it.
“And right now, you have all the platforms, you have social media, marami na kayong puwedeng pag-showcase-an ng inyong talento.
“Kaya hindi niyo po kailangang dumaan sa ganyan, dahil napaka-traumatic and masisira po talaga ang inyong pagkatao, yung self-worth niyo ay mawawala.
“But not to judge them, not to judge yung mga ganong mga nagdaan sa ganun, dahil hindi natin alam yung mga pinagdaanan nila.
“Siguro yung iba sa kanila ay nawalan na lang talaga ng choice. My heart goes to you guys.”
GERALD SANTOS STILL HARBORS ILL FEELINGS
Kahit lagpas isang dekada na ang nakalilipas, masasabing may galit pa ring nararamdaman si Gerald sa kanyang puso laban sa hindi pa rin niya pinangalanang tao.
Sabi niya: “Actually mga kababayan, nung ako po ay makapasok bilang si Thuy sa Miss Saigon, nakarating sa akin sa isang close friend, na singer din, na kino-congratulate kami, kasi itong friend ko ay nakapasok din.
“Ang sabi nitong taong ito ay ‘congratulations’ pa din daw sa akin, kahit napakasakit daw nung ginawa ko sa kanya.
“Ang masasabi ko lang sa yo, ang kapal ng mukha mo para sabihin yan!
“Alam mo, sana pagka magkaharap ulit tayo, look me straight in my eyes at i-deny mo yung mga pinaggagawa mo sa akin, i-deny mo na ito ay hindi nangyari.
“I wish you good, Diyos na lang ang bahala sa yo, sana mapatawad ka ng Diyos sa iyong mga ginawa sa akin. Or kung may iba pang biktima, sana mapatawad ka.
“Pinapasa-Diyos na kita.”
Ayon pa kay Gerald: “Ito pong taong ito na mataas ang katungkulan ngayon dito sa network na kaibigan nitong taong gumawa ng hindi maganda sa akin, ay sobrang galit na galit pa din po siya sa akin up to now.
“Kaya ako po ay basically parang banned po dito sa network, hindi po talaga ako magkaroon ng guestings ng kahit anong show, hindi po ako talaga makapasok sa network because of this person.
“Basta ako, I wish you the best pa din po. I will pray for you na magkaroon po kayo ng kapatawaran sa inyo pong puso.”
GERALD SANTOS’s advice to newbies
Bilang pagtatapos, hinikayat ni Gerald ang mga baguhang nakaaranas ng pang-aabuso na huwag matakot magsalita at magsumbong.
Saad niya: “So, yan po yung nangyari po sa akin. Ako po ay napag-initan, na-persecute.
“Kahit na may pang-aabuso pong nangyari ay ako po ang natanggal, ako po ang nawala ng trabaho.
“And sa mga artists naman, sa mga newbie or sa mga magulang ng mga newbie, mga aspiring actors or performers, artists, ang maipapayo ko sa inyo ay kung magkakaroon ng ganitong mga advances sa inyo, may mga uncomfortable kayo, i-report niyo po agad.
“Sabihin niyo agad or magsumbong agad kayo sa magulang niyo, dahil hindi na po ito katulad ng panahon dati na wala tayong boses.
“Ngayon, we have social media. We have the power of the people. We have the power of public opinion.
“Na kapag hindi ka pinakinggan doon sa loob, if you express it on social media, if you let it out in public now, you can gain yung attention ng mga tao. And itong mga tao, magbibigay ng power sa yo para pakinggan ka.
“So, huwag na huwag kayong matatakot ngayon na magsalita. Yan po ang huwag niyong gagawin.”
Dagdag niya: “Kung kayo po ay uncomfortable, kung mayroong mga hindi ginagawang tama sa inyo, magsalita po agad kayo, mapa-lalaki man o mapa-babae
“Sa lahat ng mga biktima, lumabas po kayo, lumabas po tayong lahat, mag-come out tayo.
“Sabihin natin yung mga naranasan natin to raise awareness and bigyan ng takot itong mga nasa kapangyarihan, ng mga nakaupo.
“Matakot sila na ngayon, kapagka may ginawa silang hindi maganda, magsasalita tayo.
“Yun po yung gusto kong i-advocate, kaya po ako gumagawa ng videos ngayon.
“Ito po yung gusto kong ma-achieve kahit papano na kapag tayo po ay magsasalita ngayon, ito pong mga mapang-abuso na nagpaplano o may pinaplano pa lang, ay matatakot na po sila.
“Kasi alam nila na mananagot po sila ngayon kapag may ginawa silang hindi maganda.
“Kaya ito po ay napaka-relevant ngayon. Ito pong tamang panahon para tayo po ay magsalita at lumabas.
“Para sabihin yung ating mga karanasan at turuan ng leksiyon itong mga taong ito.”
May mensahe rin si Gerald para kay Sandro.
Aniya, “Yun lamang po, again ako po ay nakikisimpatiya sa buong Muhlach family and kay Mr. Sandro Muhlach.
“Sana’y makamit mo ang hustisya na iyong deserve, Sandro, at I will pray for you.
“I will pray for the whole family and I will pray sa lahat ng mga victims ng ganitong klaseng pangmomolestiya, pang-abuso, mga harassments.
“Yun lamang po, maraming-maraming salamat mga kababayan.
“Sana po itong kuwento ko at itong videos na ginawa ko ay magsilbing aral po sa lahat.
“Sa lahat po ng biktima, yung lahat po ng mga narinig natin before, magsilbing aral po sa ating lahat ito.
“At ito po ay matuldukan na, ito po ay matigil na dahil hindi po ito tama.”
Sa kasalukuyan ay wala pang resulta ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng sexual harassment na inihain ni Sandro laban sa dalawang GMA-7 independent contractors.
Bukas ang PEP.ph (Philippine Entetainment Portal) sa panig ng mga sangkot sa isyung ito at maaaring pinatatamaan ni Gerald.