Roderick Paulate on Vice Ganda: “Balita ko pa, kaya ako natutuwa kay Vice, gusto na niyang magseryoso, yung magagandang istorya, which is good for him kasi ganun ang artista. Ako rin naman patawa nang patawa, pero after a while sinabi ko na, ‘Di ako puwedeng ganito forever.'”
PHOTO/S: GMA Facebook / @praybeytbenjamin Instagram
Isa sa maituturing na mahusay na komedyante sa industriya, tinanong si Roderick Paulate kung nilu-look forward niyang makasama sa isang proyekto si Vice Ganda, na isa sa pinakasikat na comedian sa ngayon.
“My god, oo naman, siya na yun,” sagot ni Roderick sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Bukod sa inaabangang witty remarks ni Vice sa daily noontime show na It’s Showtime, ilang pelikula na rin niya ang certified hits sa box office.
Isa pang ikinatutuwa ni Roderick ay ang desisyon ni Vice na gumawa ng seryosong tema ng pelikula, gaya ng 2024 Metro Manila Film Festival entry na And The Breadwinner Is…
“Ako rin naman patawa nang patawa, pero after a while sinabi ko na, ‘Di ako puwedeng ganito forever.’
“Gagawa pa rin ako ng mga pelikulang gusto ko na talaga namang makikita ang talent ko bilang artista.”
Hiningan din ng PEP ng reaksyon si Roderick kung bakit sa palagay niya ay kinagat at tinangkilik si Vice at pumatok ito sa masang Filipino.
“I think it’s really destiny,” ani Roderick.
“I think he’s destined to be successful and you cannot argue with success, di ba?”
May sinabi pa si Roderick na tingin niya ay magandang katangian ni Vice, na nagsisilbing “lucky charm” nito.
“Alam mo isa pang hinangaan ko sa kanya, na di ko nasabi sa kanya, pareho kaming mapagmahal sa magulang lalo na sa mga nanay namin.
“Iba kasi pag minahal mo ang nanay mo, e. You will be blessed.”
Si Vice ang tinanghal na nangungunang artistang pinarangalan sa PEP Most Influential 2024.
Hinirang siyang “ICON” ng PEP Editorial Team hindi lang dahil sa ambag niya sa pelikula, telebisyon, kundi pati sa impluwensiya niya bilang endorser.
Kasama rin dito ang impluwensiya niya sa business world, cause-oriented community, at pati sa kanyang personal opinion sa mga trending issue.
RODERICK PAULATE’S AWARD FROM PMPC
Samantala, si Roderick ang tumanggap ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award sa 39th Star Awards for Movies, na ginanap sa Winford Resort and Casino Manila noong November 24, 2024.
Binibigay ang award sa mga artistang nagbigay ng malaking ambag sa industriya, dahil sa mga pelikula niyang tumabo sa takilya at tumatak sa mga manonood noong ’90s.
Sa loob ng 60 taon sa industriya ni Roderick, nagsimula siya bilang child actor kung saan nanalo siya bilang Best Child Actor sa mga pelikulang Kasalanan Kaya at Anghel Na Walang Langit.
Hanggang sa pumalaot siya sa gay roles sa mga pelikulang Charot, Inday, Inday Sa Balitaw, Jack En Poy, Binibining Tsuperman, Kumander Gringa, at Petrang Kabayo.
Roderick Paulate’s Bala at Lipstick has 2.5M views on Regal Entertainment’s YouTube Channel
Napanood din siya sa TV shows gaya ng Oki Doki Doc, Mana Mana, at Abangan Ang Susunod Na Kabanata bago pa siya pumalaot sa pulitika.
Nung isang taon ay ginawa niya ang pelikulang In His Mother’s Eyes na pinagsamahan nila ni Maricel Soriano at LA Santos.
Nagpasalamat ang komedyante sa karangalang naipagkaloob sa kanya ng Star Awards For Movies, na inoorganisa ng Philippine Movie Press Club (PMPC).
Pahayag niya: “Honestly, di ko expected. Parang feeling ko, time na ba talaga? Pero salamat at nangyari ngayon kasi ayoko naman na mangyari ito kung kailan di na ako nakakalakad.”
“Sa mga baguhan naman na sumusuporta sa akin, salamat malaking karangalan ito.
“Mahal ko kayo kasi di kayo nawala sa buhay ko.”
RODERICK’S MOVIES STILL WATCHED TODAY
Tinanong din namin ang komedyante kung ano ang maikukunsidera niyang highlights ng kanyang career sa loob ng nagdaang 60 taon.
“Marami akong highlights,” sagot niya.
“Sa totoo lang, yung mga nagawa kong, sabihin na nating humility aside, yung mga box office sa industriya, at the same time luma na, pero pinapanood pa rin sa Youtube.
“Yun yung mga pelikula na nagbigay talaga ng highlight sa buhay ko.
“I feel so grateful kasi sinuportahan talaga ng tao.”