Tina Paner and Daisy Romualdez

Former actress Daisy Romualdez (right) reveals feeling hurt that daughter Tina Paner (left) has not contacted her for two years already. “Kung wala ako, walang Tina Paner, di ba?”
PHOTO/S: @tinapaner71 on Instagram / Snooky Serna YouTube

Naging emosyunal ang dating aktres na si Daisy Romualdez nang amining masama ang loob niya sa anak na si Tina Paner.

Himutok ni Daisy, dalawang taon na siyang hindi tinatawagan ni Tina.

“Nagdadamdam ako kay Tina. Mga two years na hindi ako tinatawagan.

“Yung apo ko [anak ni Tina] malaki na, nag-aaral na ng Medicine, walang tawag sa akin. Nothing,” kuwento ni Daisy sa YouTube vlog ni Snooky Serna nitong November 8, 2024.

Pahabol ni Daisy, “Parang I don’t exist in this world. Kung wala ako, walang Tina Paner, di ba?”

Si Tina ay isang singer-actress na sumikat noong ’80s hanggang ‘90s. Kasabayan niya sina Manilyn Reynes at Sheryl Cruz.

Aktibo pa rin siya sa showbiz hanggang ngayon. Kasama siya sa cast ng Kapuso weekly youth-oriented series na Maka.

Ang dalawa pang anak ni Daisy ay ang aktres na si Danita Paner at isang non-showbiz son na si Karl.

Ayon kay Daisy, ang tanging tumitingin sa kanya ngayon ay si Danita.

“I live alone,” banggit ng dating Sampaguita Pictures contract star.

DAISY ROMUALDEZ LAMENTS ABOUT TINA PANER

Hindi na nagdetalye si Daisy ukol sa tampuhan nila ni Tina. Pero bakas sa mga pahayag nitong hinahanap niya ang pagmamahal ng anak.

Ibinigay pa niyang halimbawa ang ukol sa sigalot ng Olympics gold medalist gymnast na si Carlos Yulo at ina nitong si Angelica Yulo. Marahil ay nakaka-relate si Daisy sa kanilang sitwasyon.

Hindi raw sang-ayon si Daisy na natitiis ni Carlos ang kanyang ina.

“Nanay iyan, respetuhin mo,” pahayag ni Daisy.

Kasunod nito, naglabas ng saloobin ang dating aktres na ibinigay umano lahat para sa kanyang mga anak.

Sabi niya, “As a mother, I have loved my children. Lahat ng gusto nila binibigay ko…

“Ang hirap ng katayuan ng nanay, e. Maski na ayaw mo, oo na lang dahil gusto ng anak mo…

“Kung gusto nila susundin mo. Gusto nila, e. Suko ka na lang.”

Sabi pa ni Daisy ukol sa kanyang mga anak, “All my friends know papano ko pinalaki mga anak ko… paano ko minahal sila…

“Halos ayaw mo padapuan ng langaw. Lahat mahal ko iyan, pero in return what did I get?

“I was telling you about Tina, kaya masamang-masama ang loob ko sa kanya.”

Snooky Serna and Daisy Romualdez

Daisy Romualdez (right) opens up about her life to Snooky Serna in a YouTube interview. 
Photo/s: Snooky Serna YouTube channel

HIGH RESPECT FOR KATHRYN AND ALDEN

Kaugnay ng isyu, sinabi ni Daisy na hindi raw niya mapigilang hangaan sina Kathryn Bernardo at Alden Richards.

Bagamat hindi niya personal na kakilala ang dalawang sikat na artista, hanga raw siya sa mga ito dahil sa pagiging family-oriented.

Sabi ni Daisy, pinagpapala ang mga anak na nagmamahal sa mga magulang.

Pahayag niya, “Nakita mo naman kung anong outcome nila. Napakasikat nila. Kung sinong nagmamahal sa magulang talagang…”

Binanggit din ni Daisy si Boy Abunda na kilala ng marami sa pagiging mapagmahal sa pumanaw na ina.

“Kaya nakita mo naman, ang suwerte. Ang Diyos marunong tumingin kung sino ang nagmamahal sa magulang,” giit ni Daisy.

Kinunan din siya ng reaksiyon kung ano ang gagawin niya sakaling lumapit sa kanya si Tina.

Sagot ni Daisy, hindi nagtatagal ang sama ng kanyang loob kung susuyuin siya.

“Minsan galit na galit ako sa tao, pero pag nag-ano [nanuyo] naman sa akin, hindi ko rin matiis.

“Ganon naman ang ugali ko. Kaya naman di rin ako ganoon kasama,” may halo pang biro ng aktres na kilala dahil sa pagiging prangka.