francine diaz silay movie

Francine Diaz on accepting projects: “Siyempre, bukod po sa gusto nating mag-entertain at ipakita rin yung kung anong merong talents po kami, gusto rin po namin yung meron silang matutunan sa mga pinapanood po nila.”
PHOTO/S: @francinesdiaz on Instagram

Malapit sa puso ni Francine Diaz ang role na kanyang ginagampanan sa advovacy film na Silay, na pinagbibidahan nila ni Malou de Guzman.

Gaya ng kanyang karakter sa pelikula, malapit din si Francine sa kanyang lola sa tunay na buhay.

Ang Silay ay kuwento ng isang lola na pinagsasabay ang pagtitinda at pagtatapos sa pag-aaral.

Sa red-carpet premiere ang Silay sa Trinoma Mall Cinema 7 noong Okrubre 27, 2024, natanong si Francine kung ano ang reaksyon niya matapos mapanood ang kanilang pelikula.

Saad ng Kapamilya young actress, “Hindi ko po mahanap yung tamang salita. Ako po, bukod sa masaya akong napanood niyo na po ito… kasi matagal na rin po namin itong natapos, e.

“Iba po yung pakiramdam na makita rin ng ibang tao yung mga pinaghirapan namin.

“At hindi lang siya basta, e, kasi gusto lang naming umarte, kasi gusto lang naming mag-produce ng movie. Isa siyang, kumbaga, inspiration and a life lesson for everyone.

“Iyon po talaga yung gusto namin na tumatak sa mga tao na makakapanood ng Silay.

“At sana po, gaya ng sinabi ng character ko, yung edukasyon sana ipagpatuloy nila iyon kasi iyon ang hindi makukuha sa kanila kahit kailan.

“Ako po, as a student myself and as someone na nasa industriyang ito, masasabi ko rin naman po na mahirap talagang pagsabayin yung trabaho at pag-aaral.

“Katulad ni Nana Silay [Malou] sa pelikula namin na pinagsasabay niya yung pagtitinda at pag-aaral, sana kumuha din tayo din fun tip na huwag masyadong seryosohin ang buhay. Magsaya din kahit konti, mag-spa with your friends, so iyon po.

“Iyon ang reaksiyon ko na sana maging malapit din sa puso ng mga manonood yung pelikula namin na ito.”

silay poster

CINE DIAZ ON HER REAL-LIFE GRANDMOTHER

Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Francine kung gaano kalapit ang karakter niya bilang si Leslie sa pelikulang Silay sa tunay niyang pagkatao.

Malapit din ba siya sa lola niya sa tunay na buhay?

“Andito po yung lola ko,” sabay-turo ng young actress sa lola niya na nasa audience at nanood din ng kanilang pelikula.

Pagpapatuloy ni Francine, “Actually po, yung character ko sa Silay, pareho lang din naman po actually sa totoong buhay.

“Ang pinagkaiba lang si Leslie kasi sobrang ano talaga siya, e, caring talaga, sobrang lambing niya.

“Iba yung way ng paglambing ko sa lola ko. Madalas inaasar ko siya, kasi nangangagat siya, nangangagat yung lola ko pag hindi napagbigyan!” at tumawa si Francine.

“Hindi. Pero ganun po kaya rin po nung nabigay po sa akin yung kuwento, wala pong pag-aalinlangan. Tinanggap din po namin kasi, actually po, isa rin sa mga reasons ko kasi para din kay lola.

“Huy!” ang tumatawa sabay-tingin ni Francine sa kanyang lola, “mababaw ang luha.”

Dagdag ni Francine, “Pero ganun ko po masasabi na ganun kalapit si Leslie sa akin sa totoong buhay.

“And kahit po dati kasi pag may mga auditions ako, kasama ko rin si Lola. So, iyon po.”NO LIMIT IN LEARNING

Ano pa ang nagtulak kay Francine na tanggapin ang Silay kahit na ang title role ay si Malou?

Saad ni Francine, “Para sa akin naman po, ang nagma-matter talaga kapagka tumatanggap ng mga proyektong naio-offer sa akin, iyong lesson na makukuha rin ng mga audience.

“Siyempre, bukod po sa gusto nating mag-entertain at ipakita rin yung kung anong merong talents po kami, gusto rin po namin yung meron silang matutunan sa mga pinapanood po nila.

“Tsaka lalo po maganda po yung kuwento, nag-i-inspire siya na mag-aral nang mabuti, hindi hadlang ang edad basta matututo tayo.

“Parang there’s no limit in learning. Iyon po.”

Ang Silay ay mula sa MACE Ascending Entertainment Productions ni Rachelle Umandap at sa direksiyon ni Greg Colasito.

Nasa cast din ng Silay sina Ramon Christopher, Yul Servo, Rob Sy, Long Mejia, Krista Miller, Joni Mcnab, Jervin Mendoza, Rain Perez, Emilio Garcia, at introducing naman sina Merab Soriano, Russel Umandap, Pao Umandap, at Jopher Martin.

Ipalalabas ang Silay sa mga eskuwelahan.

Samantala, magkasama man sila sa Silay ay magkakatunggali sina Francine at Malou sa 50th Metro Manila Film Festival.

Bida si Francine, with Seth Fedelin, sa Regal Entertainment Inc. entry na My Future You, samantalang kasama si Malou sa And The Breadwinner Is… ni Vice Ganda.