Matet de Leon, nakaranas ng diskriminasyon dahil sa pagkakaroon ng bipolar disorder
Naglabas ng saloobin ang veteran actress na si Matet de Leon sa kanyang social media account kaugnay sa kanyang personal na karanasan sa pagiging person with disability (PWD).
Pag-amin ng aktres, mayroon siyang bipolar disorder at madalas siyang nakukwestiyon at napapahiya sa tuwing pumipila siya sa priority o PWD lane.
Naglalakas loob lang naman aniya siyang pumila sa linya “kung saan siya dapat”, sa tuwing wala namang senior o may visible na disability siyang kasunod.
Ayon pa kay Matet, mahirap ang kalagayan nilang may mental health issues na hindi nakikita ng iba. Nasanay kasi aniya ang karamihan na kapag sinabing may mental illness ay tumutulo ang laway at nagsasalita nang mag-isa.
Kaya naman payo ng aktres sa publiko na siguraduhing mag-ingat sa lahat ng bibitawang salita o gagawing aksyon sa kapwa, dahil hindi madali ang malagay sa sitwasyon ng may mga kapansanan. –sa panulat ni Jam Tarrayo