Nagsasagutan ngayon sa social media ang aktres na si Melissa Mendez at ang lalaking nakaaway niya sa eroplano noong 2015.
Nangyayari ang sagutan ngayong araw, November 10, 2024, sa Facebook page ni Rey Pamaran, ang businessman na sinampal ng aktres sa isang flight siyam na taon na ang nakararaan.
Matagal nang patay ang isyu ngunit naungkat nang talakayin ito ni Melissa sa isang panayam sa YouTube ngayong buwan.
Hindi nagustuhan ni Rey ang panayam at dito na nagsimula mula ang alitan nila ni Melissa.
“Your recent interview just opened an old wound. This happened 9 years ago and yet, you still managed to bring it back to life with lies,” saad ni Rey sa kanyang Facebook post ngayong Linggo ng hapon.
Malaking balita noong 2015 ang nangyaring away nina Rey at Melissa sa eroplano. Umabot pa nga ito sa husgado.
Nangyari ang insidente noong March 20 sa isang eroplano ng Cebu Pacific na lumilipad papunta sa Pagadian sa Zamboanga del Sur.
Ang modelong si Andrew Wolff, na kasama ni Rey sa biyahe, ang unang nagbulgar ng isyu sa kanyang Instagram account, kung saan siya nag-upload ng video ng insidente.
Kuwento ni Andrew, inagaw umano ni Melissa ang kanilang reserved seats sa eroplano. Umalis lamang ito nang pakiusapan ng flight crew.
At kahit pumunta na sa tamang upuan si Melissa ay patuloy umano nitong pinagmumura sina Andrew at Rey. Halata raw na nakainom ang aktres.
Dahil bawal sa eroplano ang ganitong asal, binigyan si Melissa ng warning ng flight crew.
Ngunit hindi natinag ang aktres at pisikal na sinaktan umano si Rey at ang ilan sa mga flight attendant.