Sumakabilang-buhay ang dating aktres na si Angela Perez, nitong Miyerkules ng gabi, March 29, 2023.
Siya ay 55.
Kinumpirma ng kanyang anak na si Issa Lim sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ang pagpanaw ni Angela dahil sa stroke.
Madamdaming mensahe ni Issa para sa yumaong ina: “Ikaw ang pinakamahal ko sa buhay, naging spoiled ako sa yo at ikaw lang nakakaintindi sa akin kapag may mga problema ako at kung bakit wala ako sa mood, at ikaw pa yung nagtatanggol sa akin pag may umaaway sa akin at kinakampihan mo ko lagi.
“Lagi tayong magkakasama, hindi pa naman ako sanay na hindi kita katabi o kayakap pag wala ka at mahal na mahal kita sobra Ma.
“Pinakamasakit sa akin na mawalan ako ng nanay at nawala pa ang mahal ko sa buhay. Nanginginig ako sa kakaiyak ko at nalulungkot pa rin ako nang sobra hanggang ngayon.
“I love you so much, Ma.”
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Isa sa mga huling nakausap ni Angela bago siya binawian ng buhay ay ang kapatid niyang si Cathy Mora, dati ring aktres na U.S.-based na ngayon.
Pabalik na ng Pilipinas si Cathy para makita sa huling sandali ang kanyang kapatid na naging instrumento sa pagpasok niya noon sa showbiz.
Ito ang nagdadalamhating mensahe ni Cathy para sa pumanaw na kapatid na ibinahagi niya sa Facebook: “I am so heartbroken. You left too soon. You know how much I love you. I am at a loss for words…………
“Thank you so much for everything, my beautiful sister. I will never forget you.
“Mahal na mahal na mahal kita, Ate ko. Angela Perez”
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Si Angela ay isinilang noong June 18, 1967.
Isa si Angela sa mga baguhang artista noong dekada ’80 na nagtataglay ng maganda at maamong mukha.
Rowena Mora ang tunay na pangalan ni Angela.
Angela ang screen name na ibinigay sa kanya dahil sa pagkakahawig niya sa Italian actress na si Pier Angeli.
Sa edad na 16, ipinakilala siya sa pelikulang Laruan ng Falcon Films (sister movie company ng Viva Films) noong 1983.
Co-star ni Angela si Carmi Martin sa Laruan na tungkol sa exploitation ng mga beauty pageant contestant ang kuwento, mula sa panulat ni Joey Javier Reyes at direksiyon ni Emmanuel Borlaza.
Nakatulong noon sa pelikula nina Carmi at Angela ang theme song na “Laruan” din ang pamagat, inawit ni Jam Morales at komposisyon ng mahusay na songwriter na si George Canseco.
Mahigit sa dalawampu ang bilang ng mga pelikulang ginawa ni Angela noong aktibo pa siya sa showbiz.
“She was an excellent actress in my box-office hit and critically-acclaimed Alexandra,” pagsasalarawan ng direktor ng Alexandra na si Elwood Perez kay Angela.
ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓
Kabilang pa sa mga tinampukang pelikula ni Angela ay Basag ang Pula (1984), Take Home Girls (1984), Hayop Sa Sarap (1984), Makakating Hayop (1984), Manoy Hindi Ka Na Makakaisa (1985), Isa Lang Ang Dapat Mabuhay (1986), Sgt. Villapando: AWOL (1986), at Paligayahin Mo Ako (1986).
Sina Azenith Briones, Melissa Mendez, Edgar Mande, Myra Manibog, Andrew Muhlach, at Nadia Montenegro ang ilan sa mga nagpahatid ng pakikiramay kay Issa dahil sa pagkawala ni Angela.