Biro ni Vice Ganda kay Ogie Alcasid, ‘The very unpredictable physical comedy of Ogie Alcasid.’

Hindi lang kilig at nakakaintrigang istorya ang handog ng patok na segment na “EXpecially For You” nitong Lunes (August 11). Puno rin ng good vibes at tawanan ang It’s Showtime studio dahil sa kulitan ng mga host at mga tampok na guest sa programa.

Isa sa mga kinaaliwan ng netizens ang pagsayaw ng Filipino singer at songwriter na si Ogie Alcasid. Napasabak kasi ito sa ballroom dancing nang sinabihan siya ng mga host na samahan ang tampok na searcher at dating ballroom dancer na si Weng.

“Hahanapin pa ba natin ng ka-partner, magaling sumayaw ito (si Ogie),” sabi ni Kim Chiu.

“Bagay na bagay sa kanya ‘yung, ‘I rembember yesterday,'” pabirong kinanta naman ni Vice Ganda.

Nang nagsimula na ang musika para sa kanilang Tango dance, ipinamalas kaagad nina Ogie at Weng ang kanilang ballroom dance moves. Marami ang humanga sa dalawa, lalo na ang Pinoy singer. Sa kanyang mga pagpitik ng katawan at swabeng pag-ikot habang sumasayaw, nasasabayan ni Ogie si Weng na tila marunong talaga sa ballroom dancing.

Ngunit biglang nagulat at natawa ang lahat nang matumba patalikod si Ogie habang magpapalit sana sila ng pwesto.

“Kuya Ogie! Okay ka lang?” pasigaw na tinanong ng guest host na si Bella Padilla.

Nang magulat sa kanyang pagtumba, biglang siyang tumayo at napatingin na lang sa paligid. Inalalayan naman siya ni Kim at ni searcher Weng habang nagpipigil ng tawa.

Marami naman ang mas natuwa sa biglang hirit ng Unkabogable Star, “Ang taray ng papisikal komedy.”

“Mister P ng Pilipinas,” dagdag ni Bella.

“Yeah, the very unpredictable physical comedy of Ogie Alcasid,” biro ulit ni Vice.

Habang nagtatawanan ang lahat, marami rin ang naloka sa biglang komento ng Chinita Princess.

“Hindi pa niya nagagawa iyon sa Bubble Gang,” sabi ni Kim.

Natawa ang madlang Kapuso ulit nang sinabi ni Ogie, “Natutunan ko iyan kay Lassy.”

Subaybayan ang It’s Showtime, Lunes hanggang Sabado,12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.

Samantala, balikan ang nakakatawang moment ni Ogie Alcasid dito: