Kathryn Bernardo on vaping video: “It won’t make me less of a person.”

Kathryn Bernardo

Sinagot na ni Kathryn Bernardo ang isyu tungkol sa viral video kunsaan namataan siyang gumagamit ng vape.

Hulyo 2023 nang kumalat ang stolen shot na iyon kay Kathryn.

Makikita sa video na gumamit ng vape si Kathryn habang nakaupo sa bench ng isang building.

Sinasabing kuha ito habang break time sa shooting ng A Very Good Girl, ang pelikulang pinagbibidahan nina Kathryn at Dolly De Leon.

May mga negatibong reaksiyon ang iba, pero marami rin ang nagtanggol na hindi na dapat gawing isyu ito.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nahingan ng reaksiyon ang aktres tungkol sa kumalat na video.

“Una, sad ako na may kumalat na video about it, kasi parang inano na yung privacy ko.

“But then, it happened. So, okay lang kung nangyari na,” saad ni Kathryn.

Hindi naman niya idinetalye kung bahagi iyon ng kanyang role sa pelikula o sadyang nagbi-vape siya sa tunay na buhay.

Katuwiran ni Kathryn: “Kung ginagawa ko yun, or kung di ko ginagawa, o ginagawa ko lang yun sa movie, hindi naman dini-define nun ang pagkatao ko.

“It won’t make me less of a person.

“Depende na lang yun sa mga tao. Abangan niyo na lang din yung movie.”

Apela pa ni Kathryn, “And sana it will never happen again kasi kailangan din namin sometimes yung privacy and personal space namin.”

Nakapanayam ng PEP.ph si Kathryn sa presscon ng A Very Good Girl, na ginanap sa Studio 8 ng ABS-CBN, kagabi, August 23, 2023.

Una nang naiulat ang komento ni Dolly, na bahagi ng pelikula, ang paggamit ni Kathryn ng vape.

Sinabi rin ni Dolly, sa panayam ni Cristy Fermin noong August 1, na hindi isyu sakali mang nagbi-vape si Kathryn sa tunay na buhay dahil nasa hustong edad na ito.

“DI PORKET ARTISTA PERFECT”

Aminado si Kathryn na isa siya sa mga kabataang artistang hinahangaan dahil sa magandang ehemplo niya sa kanyang mga tagahanga.

Pero paglilinaw rin ng Kapamilya actress, hindi raw ibig sabihin nito ay wala siyang kahinaan.

“Growing up hanggang ngayon, aware ako na maraming nakatingin sa iyo,” saad ni Kathryn sa program proper ng mediacon.

“You have to be good, you have to do this and that. Kasi yung mga bata, gagayahin nila kung ano ang nakikita nila sa iyo.

“But then, every time may presscon and they ask me this, I always answer na di porke’t artista, perfect.

“Di porke’t sinabi na role model, wala kaming imperfections, we can’t commit mistakes and we can’t learn from our mistakes.

“That’s what I keep telling them na, yes, puwedeng i-idolize ka… Parang ako, may iniidolo ako and all. Bakit ko siya iniidolo?

“Because I see myself on her or because nakikita ko na tao din siya na nagkakamali siya, napapagod siya, nagagalit siya, and that’s okay.

“Siguro walang masyadong pressure sa akin because even the fans I always tell them na, ‘Wag niyo akong i-idol dahil perfect ako, dahil di talaga promise.”

ON BEING TRUE TO HERSELF

Ipinunto rin ni Kathryn na sa likod ng kanyang pag-aartista ay mayroon din siyang personal na buhay.

“Yung sa role na ito ni Philo, siguro na rebellious, na bold character, bago siya sa akin.

“But in a way siguro, yan ang reason kung bakit mayroon akong small circle of friends and my family, because of the end of the day, pinapa-enjoy nila sa akin yung life in general.”

Paliwanag pa ng aktres: “Yes, I work hard, but I have to enjoy my life, too, so pinapayagan nila akong umalis, pinapayagan nila akong magtrabaho.

“But at the end of the day, heto ang gagawin ko after para may maibigay pa ako, hindi ako maubos.

“Yun ang naging routine ko parati.”

Hindi raw niya kailangang magpanggap para sa ibang tao.

“Ayoko na nape-pressure ako to be good because I have to be good. I want to be good kasi ito ang pagkatao ko.

“And being good doesn’t mean na di na ako magsasalita sa kung ano ang sinasabi ng lahat ng tao sa akin.

“Kung matatanggap ka ng tao sa pagiging ganun, thank you. At kung hindi, okay lang.

“Ayokong pilitin dahil heto ako, nandun na ako sa ganitong stage ng buhay ko.”