Isang mahigpit na virtual hugs ang ipinaabot ng mag-asawang Rodjun Cruz at Dianne Medina kay Rayver Cruz.
Ito ay matapos lumabas ang balitang hiwalay na ang long-time couple na sina Rayver at Janine Gutierrez.
Si Rayver ay nakababatang kapatid ni Rodjun.
Lunes, November 15, kinumpirma ng reliable source ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na isang buwan nang break sina Rayver at Janine.
Ayon pa sa source, walang third party na sangkot sa hiwalayan. Sadyang nawalan daw ng oras ang couple sa isa’t isa.
Si Janine ay bida sa ongoing teleserye na Marry Me, Marry You ng Kapamilya Channel, habang si Rayver ay co-host sa reality talent search na The Clash ng GMA-7.
Tikom pa ang bibig sa ngayon sina Rayver at Janine sa isyu.
Kapansin-pansin namang burado na sa Instagram account ni Rayver ang karamihan sa couple pictures nila ni Janine.
Ang natira na lang ay ang ipinost ni Rayver na solo picture ni Janine nang manalo itong Gawad Urian Best Actress noong November 2020.
Hindi rin binura ni Rayver ang litrato nila ni Janine na kuha sa birthday ng Kapuso actor-host noong July 2019.
Sa Instagram feed ni Janine ay makikita pa rin ang ilang litrato nila ni Rayver.
Parehong 32 years old sina Rayver at Janine.
BOOSTING RAYVER AMID BREAKUP WITH JANINE?
Walang direktang tinukoy sina Rodjun at Dianne kung ano ang nag-udyok ng kanilang posts para kay Rayver.
Pero mahihinuhang pinalalakas nila ang loob ni Rayver base sa mga salitang binitiwan nila.
Una na rito ang Instagram post ni Dianne na may kalakip na litrato ni Rayver na kuha sa kasal nina Dianne at Rodjun noong 2019.
Sa loob ng 14 years na relasyon nina Dianne at Rodjun ay kapatid na rin ang turing ni Dianne kay Rayver.
Sabi ni Dianne sa caption, “I love you @rayvercruz always and forever.”
RODJUN TELLS RAYVER: “GOT YOUR BACK ALWAYS!”
Sinegundahan iyon ni Rodjun.
Sa pamamagitan ng Instagram Story, nag-post si Rodjun ng video ni Rayver na nagsasayaw.
Kalakip ng mensahe ni Rodjun ang salitang “My King” pati emojis na crown, heart, at prayer.
Halos ganoon din ang post ni Rodjun sa Tiktok.
Dagdag na mensahe lang ni Rodjun para kay Rayver: “Got your back always! proud of you my brother @rayvercruz.
“Madaming nagmamamahal sayo at Sobra kang blessed dahil napakabuti mo. #Cruzbrotherspresent.”
Todo ang suporta ng mag-asawa kay Rayver dahil makikitang nag-video call pa ang mga ito.
Kung anuman ang pinag-usapan ng tatlo, ang tanging malinaw ay solid sila bilang pamilya.