It’s Showtime, under negotiation pa ang renewal sa GMA Network
Mga tiga-TiktoClock, wala umanong alam sa pagpapalit ng timeslot.
Ilang taga-TiktoClock ang kinulit ng PEP Troika tungkol sa isyung ang programa raw nila ang papalit sa timeslot ng It’s Showtime sa GMA-7.
Matagal nang may ganitong hanash, pero itinatanggi ito ng ilang napagtanungan ko mula sa TiktoClock.
Ngayon lang uli nabuhay ang isyu dahil matatapos na ang kontrata ng It’s Showtime sa GMA-7 ngayong December 2024.
Ilan sa mga napagtanungan namin ay sinabing wala silang alam. Kung totoo man daw yun, sana ay pinaghahanda na sila ngayon kung ano ang mga gagawin sa paglipat nila ng timeslot.
May ilang sinagot kaming mas mabuting ang mga boss na lang ang tanungin namin, dahil wala raw silang ideya kung ano ang plano sa kanilang programa.
ATTY. ANNETTE GOZON-VALDES ON IT’S SHOWTIME
Kaya minessage namin via Viber si Atty. Annette Gozon-Valdes, ang senior vice-president ng GMA-7 na nasa Singapore ngayon, para linawin ang isyung ito.
Sagot niya sa PEP Troika, “We are in the process of negotiations now for the renewal of Showtime.”
Sinundan namin ng tanong kung ang ibig sabihin ba nito ay mas malaki ang posibilidad na mananatili pa rin sa GMA-7 ang noontime show nina Vice Ganda?
“I do not know who released this info since we are still currently negotiating nga for Showtime’s renewal,” text niya uli sa PEP Troika.
Sa totoo lang, ang ibang mga taga-TiktoClock ay sinasabi sa aming mas gusto nila ang kasalukuyan nilang timeslot.
Ayaw raw nilang ma-pressure nang bonggang-bongga sakaling ililipat sila at ito na ang magiging noontime show ng Kapuso network.
Ang dami pang kuwentong naglilitawan tungkol sa pagtatapos ng kontrata ng It’s Showtime sa GMA-7.
May nagsasabing malaki pa umano ang pagkakautang ng It’s Showtime sa GMA-7. Pero wala kaming nakuhang sagot tungkol dito.
Meron ding nagsasabing may negotiation daw ang TAPE, Inc. sa GMA-7 na ibalik sa kanila ang noontime timeslot. Pero ayaw itong sagutin ng president at CEO ng TAPE, Inc. na si Ms. Malou Choa-Fagar.
Sabi naman ng ilang taga-TAPE, wala silang alam na may ganoong negosasyon sa GMA-7. Pero sana totoo raw yun.
Anuman ang totoo, mukhang false alarm ang naunang kumalat na balita tungkol sa pag-alis ng It’s Showtime dahil may nego ngang nangyayari, ayon kay Ms. Annette.
Kaya stay tuned na lang… Mas OK na lang na status quo at masigla ang TV sa ngayon!
May kasabihan, “Why fix something that is not broken?”
Waging-wagi ang unang pelikulang nagsanib-puwersa ang ABS-CBN at GMA, itong Hello, Love, Again na bida sina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Inaasahan nating magdyo-joint venture muli ang Kapamilya network at Kapuso station for another KathDen project.
Winner naman ang TV ratings ng It’s Showtime, ganun din ang TiktoClock, sa kani-kanyang timeslot.
Hintay-hintay tayo kung ano ang kahihinatnan ng negosasyon sa pagitan ng GMA at Team Showtime.
BATANG QUIAPO HANGGANG DECEMBER NA LANG?
May bali-balita ring hanggang Disyembre na lang daw ang FPJ’s Batang Quiapo, at ito raw ang TV show na may financial problem.
“Not true! Malaki ang kinikita ng Batang Quiapo! Magtatagal pa ang show!” sabi ni Direk Joel Lamangan nang makatsikahan ko sa premiere night ng pelikulang Huwag Mo ‘Kong Iwan nitong Nobyembre 21, 2024, Huwebes ng gabi, sa Gateway Cineplex 18, Cubao, Quezon City.