Nora Aunor, Senator Imee Marcos recall stampede scene in 1982 movie Himala
Joel Lamangan served as the crowd director in Himala.
Nora Aunor on her performance in Himala: “Hindi [raw] ako umarte. Wala akong dialogue na mahirap kung anuman. So, yun ang sinabi nila kaya hindi ako nanalo. After two years na ganoon ang usap-usapan, biglang nakita nila na yung ginawa ko pala, e, importante, dun sa Himala.
Ang Himala (1982) ang isa sa mga itinuturing na “greatest Filipino film of all time.”
Pinagkalooban ito ng Viewers Choice Award for Best Asia-Pacific Film of All Time ng CNN International at Asia Pacific Screen Awards noong 2008.
Ang Himala ay naging kalahok sa 8th Metro Manila Film Festival (MMFF) na isinagawa mula December 25, 1982 hanggang January 3, 1983.
Pinagbidahan ito ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor, idinirek ng yumaong National Artist for Film na si Ishmael Bernal, at isinulat ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee.
Ang Experimental Cinema of the Philippines (ECP), na pinamumunuan noon ni Senator Imee Marcos, ang producer ng pelikula.
Tumanggap ng siyam na parangal ang Himala sa Gabi ng Parangal ng 8th MMFF: best picture, best director (Ishmael Bernal), best actress (Nora Aunor), best supporting actor (Spanky Manikan), best supporting actress (Gigi Dueñas), best art direction (Raquel Villavicencio), best editing (Ike Jarlego Jr. at Ben Pelayo), best cinematography (Sergio Lobo), at best sound engineering (Rolly Ruta).
Noong 2022, ginunita ang 40th anniversary ng Himala.
Sa panayam ni Boy Abunda kay Nora sa Fast Talk with Boy Abunda noong Lunes, February 20, 2023, nagkuwento ang Superstar tungkol sa kanyang mga karanasan nang gawin niya ang nabanggit na pelikula.
Ayon kay Nora, hindi maganda ang mga reaksiyon noong una sa Himala.
“Ang sabi nila sa akin, wala daw akong ginawa kundi ang magdidipa kaya hindi ako nanalo noon sa Metro Manila Film Festival,” sabi ni Nora, na tila nakalimutan na siya ang itinanghal na best actress sa 8th MMFF para sa karakter na ginampanan niya sa Himala.
“Hindi [raw] ako umarte. Wala akong dialogue na mahirap kung anuman. So, yun ang sinabi nila kaya hindi ako nanalo.
“After two years na ganoon ang usap-usapan, biglang nakita nila na yung ginawa ko pala, e, importante, dun sa Himala.”
May kuwento rin si Nora tungkol sa kanyang walang kamatayang linya sa Himala: “Walang himala Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao! Nasa puso nating lahat. Tayo ang gumagawa ng himala! Tayo ang gumagawa ng mga sumpa at ng mga Diyos!”
Lahad ni Nora, “Bago kinunan yon, ang sabi sa akin ni Direk Ishmael, ‘Guy, eto tutuhugin ko ang eksena.
“Tuhog po yon kasi mula noong dumami ang mga tao hanggang sa… tinuhog lahat ang dialogue na yon.
“Limang kamera po yon, ang ginamit nila, hanggang [sa eksena] na nag-stampede ang mga tao, isang take lang po yon.”
Tumugma ang salaysay ni Nora sa mga pahayag ni Senator Imee Marcos nang humarap ito sa mga miyembro ng entertainment writers sa intimate interview sa kanya para sa Martyr or Murderer nitong Martes ng umaga, February 21.
Nang tanungin tungkol sa mga pelikulang nagbigay sa kanya ng konsumisyon noong siya pa ang director general ng Experimental Cinema of the Philippines, ang Himala at Oro, Plata, Mata (1982) ang mga binanggit ng senadora.
Lahad niya, “Sumakit ang ulo ko sa Himala dahil, at that point, si Ate Guy was bound by all kinds of conflicting contractual obligations. Nahilo kami noon, maraming kaso para makuha siya noon.
“Pagkatapos, yun nga, namomroblema kami kung paano magsu-shoot.
“Kaya napadpad sa Ilocos Norte kung saan walang takas, walang gimmick.
“Kaya wala pang alas-otso ng umaga, ready to shoot na siya.”
JOEL LAMANGAN AS HIMALA CROWD DIRECTOR
Ang multi-awarded director na si Joel Lamangan, na mahigpit na kritiko ngayon ng mga Marcos, ng Martyr or Murderer at ng direktor na si Darryl Yap ang crowd director noon ng Himala.
Gumanap din siyang pari sa pelikula.
Nora Aunor and Joel Lamangan in a scene from Himala
Sa isang panayam kay Senator Imee noong December 27, 2022, nagkuwento siya tungkol sa pagtulong na ginawa umano niya kay Direk Joel para makalaya ito mula sa pagkakakulong.
Lahad niya, “I spirited him away of the jail. Joel became the crowd director for Himala.
“Galit na galit sa akin yung mga taga-jail kasi nga tumawag ako. Bakit ko raw palalayain si Joel?
“Sabi ko, kailangan ko kasi ng director. At saka yan ang request ni Ishmael Bernal, siya ang crowd director.”
Inulit ni Senator Imee ang kuwento nang magsalita siya sa pakikipag-usap sa kanya ng entertainment writers sa presscon ng Martyr or Murderer tungkol sa mga pelikulang nagpasakit noon sa ulo niya.
“Yung Himala, I remember, I called, ironically, Joel Lamangan and I sent a message to Ishmael Bernal na, ‘You have to do the last scene take one kasi wala na ho tayong budget.’
“Yung malaking crowd control shot, 2,000 ang extras noon, e, wala na kaming ipapakain kaya take one. Let’s go pack up, it’s over. I have no more money,” sabi ng senador na kapareho ng kuwento ni Nora na take one lang nang kunan ang pinakamalaking eksena sa Himala.
Pagpapatuloy ni Senator Imee, “Namroblema rin ako sa Oro, Plata, Mata dahil at that point in time, siya yung pinakamahal na pelikula na ginawa sa Pilipinas,.
“Hirap na hirap akong mag-justify sa iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno at pati na rin sa mga culturati dahil sabi nila, ‘Hindi yan maganda. Hindi kikita, mahina ang costume.’
“And given that it was a first-time movie director [Peque Gallaga], pinakamahal pa. Peque never directed a film previous to that.
“At that time, P17 million was a fortune.”
Ang Oro, Plata, Mata ay humakot ng awards sa Gawad Urian noong 1983, kabilang na ang best picture at best director.
Si Imee Marcos ang director general ng Experimental Cinema of the Philippines, ang producer ng Himala at si Charo Santos-Concio ang executive producer ng pelikula na pinangunahan ni Nora Aunor.
Makalipas ang apat na dekada buhat nang ipalabas ang Himala sa mga sinehan, nagtagpo sina Imee, Charo, at Nora sa 70th FAMAS noong July 2022.