For Marian Rivera, conveying the message of her movie “Balota” holds more significance than gaining box-office success: “Ang punto ko sa Balota, bawat isa sa atin, may malakas na boses at yung boses na yun, wag mong ipagkakait dahil importante ka.”
PHOTO/S: @marianrivera on Instagram
Excited na ang GMA-7 Prime Time Queen na si Marian Rivera dahil nalalapit na ang commercial release ng 2024 Cinemalaya film nito na Balota.
Sa darating na October 16, 2024, magkakaroon na ng nationwide release ang nasabing pelikula na idinirek ni Kip Oebanda.
Maraming netizens rin ang nakapansin na saktung-sakto ang release ng pelikula sa kaganapan ngayon lalo’t kakatapos lang ng certificate of candidacy (COC) filing ng mga tatakbo sa 2025 elections.
Natanong ng press si Marian dito noong nakaraang Biyernes, October 4, 2024, sa Luneta Park.
“Wala po akong alam diyan,” pahayag ni Marian tungkol sa release date ng kanyang pelikula.
Dagdag nito, “Basta sabi lang nila, actually, kasi after Cinemalaya… umalis kasi ako nitong nakaraan.
“So nung pagbalik ko, inayos nila na nandito ako bago namin i-launch uli on October 16. Nagkataon din siguro lahat ito ay nasusuwak sa isa’t isa.”
Matatandaang si Marian ay itinanghal na Best Actress sa pelikulang ito kung saan ginampanan niya ang karakter ni Teacher Emmy.
Ka-tie niya sa award na ito si Gabby Padilla para sa pelikulang Kono Basho.
Masaya si Marain dahil mas marami nang Pilipino ang may tyansang makapanood ng kanilang pelikula.
Umaasa rin ba itong magiging hit ang pelikula sa takilya?
Sagot ni Marian, “Masyadong marami na yata kung gusto mangyari sa buhay ko.
“Sa puntong ito, siguro maganda na mapanood ng mga tao ang Balota at ang mensaheng gusto namin ipahatid sa kanila.
“Siguro kung mag-hihit uli siya…. maraming manonood, mag-sold out yung ticket, that’s a bonus na lang.
“Sa lahat na na-achieve ko dito sa Balota, sa lahat ng experience ko sa Balota super happy na ako.
“Pero of course, ini-invite ko pa rin ang lahat na manood ng Balota sa, October 16 na yan.”
Mas importante para kay Marian ang may mapulot na lesson ang bawat Pilipino makakapanood ng Balota.
Aniya, “Bawat isang tao, unique tayo, may makukuha’t may makukuha ka at meron kang gustong i-apply sa sarili mo.
“Pero ako lang, ang punto ko sa Balota, bawat isa sa atin, may malakas na boses at yung boses na yun, wag mong ipagkakait dahil importante ka.”
MARIAN RIVERA: BALOTA CHALLENGE
Samantala, trending na sa rin TikTok ang video ni Marian, kung saan ni-recreate nito ang kanyang “Teacher Emmy look” mula sa Balota.
Nakakaantig ang video dahil unti-unti lumalabas ang mga sugat na natamo ni “Teacher Emmy.”
Marami ding mga fans at followers ni Marian ang napahanga dahil suwabe ang transitions ng video na nito.
Dahil sa video, marami ang na-excite para sa Balota, kabilang na si Ivana Alawi, at ang content creators na sina Esnyr at Sassa Gurl, na kasama rin ni Marian sa pelikula.
Photo/s: screengrab from TikTok
Photo/s: screengrab from TikTok