Photos: @johnporterjr / @ms.lotlotdeleon
Nakatanggap ng mga panunumbat at panlalait ang actress na si Lotlot de Leon mula sa netizens bunga ng hindi niya pagsama sa pagdalaw ng de Leon siblings sa inang si Nora Aunor noong January 8.
Magkasunod kasi na dumalaw ang kapatid ni Lotlot na si Ian de Leon sa kanilang ina na ipinost ni John Rendez sa kanyang Instagram account.
Ito ay sa kabila ng pagkakaroon nila ng alitan noong December 2020 na may kinalaman sa kagustuhan ng Superstar na i-vlog ang kanilang reunion na mag-ina noon na hindi sinang-ayunan ni Ian.
Ang unang pagdalaw ni Ian, na tanda ng pakikipag-reconcile sa ina, ay bago magpalit ang taon. At ang ikalawa ay noong January 8 kung kailan kasama na niya ang iba pa nilang kapatid na sina Matet, Kiko at Kenneth, kasama ang kani-kanilang mga asawa at mga anak.
Sa naturang family reunion, naging kapansin-pansin na wala ang panganay niyang anak na si Lotlot, gayundin ang pamilya nito.
Dahil dito, nagkaroon na ng iba’t-ibang opinyon ang mga netizens. Merong kahit na wala namang sinasabi pang dahilan ang aktres kung bakit hindi siya nakasama, ay nagsabing suportado at nauunawaan nila anumang dahilan meron si Lotlot sa hindi nito pagpunta.
Pero, meron ding mga negatibo at mapang-husga agad ang naging reaksyon. Para sa kanila, kahit ano pa man ang tampuhan o isyu nilang mag-ina, ay si Lotlot daw—bilang anak—ang dapat magpakumbaba.
Sa recent Instagram post ni Lotlot, kunsaan nag-post siya ng picture niya na may caption na “Hakuna Matata,” siya pinutakti ng mga komentong may iba-ibang sentiments pero karamihan ay positibo para sa aktres.
Pero isa nga sa mga commenters ang sinagot ni Lotlot. Ito ay ang netizen na may IG handler na @bonanamich na bagama’t tagahanga raw ni Lotlot ay nag-threaten na ia-unfollow na siya dahil umano “matigas ang puso” ng aktres at di umano nito gusto ang ugali ng nanay ni Janine Gutierrez.
Ang comment nito kay Lotlot:
Ang CD na posibleng tinutukoy ng netizen ay ang actor at ama ni Lotlot at mga kapatid na si Christopher de Leon na malapit naman talaga sa aktres.
Bagama’t tila pabiro ay hindi napigilan ni Lotlot na sagutin ang nasabing commenter. Aniya pa ay baka raw nakulangan pa ito sa ginawang panghuhusga sa kanya kaya’t welcome umanong magdagdag pa ito.
Sey ni Lotlot: “@bonanamich2018, ay! Ang puso mo hinay hinay po…Pero teka baka kulang pa po sasabihin nyo? Wala na po ba kayong idadagdag sa panghuhusga nyo? Okay… noted po! Noted na noted po!”
Agad namang kinuyog ng mga tagapag-tanggol ni Lotlot ang nasabing commenter at sinabihang tila naka-kain ito ng ampalaya at wala naman itong alam sa tunay na nagaganap sa pamilya kaya’t manahinik nalang. Tila sumunod naman ang commenter dahil hindi na ito muling kumibo pa as of press time.
Samantala, ang “Hakuna matata” sa caption ni Lotlot ay isang African phrase na nakilala dahil sa naging catch phrase ito sa animation movie na The Lion King. “No worries” o “No problem” ang meaning nito sa English.