Willie Revillame, ipinagdiwang ang 64th birthday sa Iloilo
Willie Revillame, inakusahan ng maagang pangangampanya.Willie Revillame on his wish for his 64th birthday: “Wala akong maisip. Wala akong preparasyon.Ngayong Lunes, Enero 27, 2025, ang ika-64 kaarawan ni Wil To Win host Willie Revillame.
Sa tanong ng Cabinet Files tungkol sa birthday wish niya, “Wala akong maisip. Wala akong preparasyon,” sagot ni Willie.
Pero isang bagay ang sigurado, kasama sa playlist ni Willie ang “When I’m Sixty Four,” ang kantang pinasikat ng Beatles noong 1967.
Walang panahon si Willie na paghandaan ang kanyang 64th birthday dahil sa magkakasunod na pagtatanghal ng Wil To Win sa Sinulog Festival ng Cebu City noong Enero 18, at Ati-Atihan Festival sa Kalibo, Aklan, noong Enero 19.
Nang sumunod na Linggo, Enero 26, lumipad si Willie sa Iloilo City para sa show ng Wil To Win sa La Paz Park, La Paz, Iloilo City.
Kasama ni Willie ang kanyang mga co-host na sina Almira Teng, Fatima Bisan, Camille Canlas, at ang sampung miyembro ng Go Girls Dancers.
Isang telecommunications company na sister company ng TV5 ang major sponsor ng pagtatanghal ng Wil To Win sa Cebu, Aklan, at Iloilo.
Taliwas ito sa inilabas na balita ng isang online site na nag-umpisa na ang pangangampanya ni Willie, na kumakandidatong senador sa halalan sa Mayo 12, 2025.
WILLIE REVILLAME’S BLIND FAN
Tulad ng mga pagtatanghal niya sa Cebu at Aklan, dinumog ng mga kababayan natin ang show ni Willie sa Iloilo.
Madamdamin ang eksena nila ng isang matandang babae na wala nang paningin, pero nakipagsiksikan sa mga tao para malapitan at mahipo ang kanyang hinahangaang TV host.
Kasama ng matandang babae ang apo niyang umaalalay sa kanya.
Willie Revillame meets an old blind woman and her granddaughter during his Wil To Win show in Kalibo, Aklan.Pinagkalooban ni Willie ng cellphone at pera ang bata para sa online classes nito.
Maliban dito, pinapasok din daw ni Willie ang mag-lola sa kanyang standby area, pinakain, at ipinahatid sa pag-uwi para ligtas makarating sa tahanan.
Sinabi ng matanda na natatandaan niya ang hitsura ni Willie dahil regular daw ang kanyang panonood sa mga programa ng TV host noong hindi pa siya nawawalan ng paningin.
FAILED BIRTHDAY ASALTO
Naging makabuluhan ang ika-64 kaarawan ni Willie dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga residente ng Iloilo.
Nasorpresa rin si Willie nang dumating sa hotel na tinutuluyan dahil binigyan siya ng cake at kinantahan ng “Happy Birthday” ng mga empleyado.
Ang hindi nagtagumpay ay ang birthday asalto ng production staff ng Wil To Win kay Willie.
Bago pa ito naganap, nahulaan na ng TV host ang mga eksaktong detalye ng sorpresang inihanda para sa kanya.
Itinuturing ni Willie na kakaiba ang kanyang ika-64 kaarawan dahil nagdiwang siya sa Iloilo at sa isang local festival sa kauna-unahang pagkakataon.
Ito rin ang huling kaarawan ni Willie bilang host ng Wil To Win bago ang pansamantalang pamamaalam niya sa programa sa Pebrero 10 dahil sa kanyang senatorial bid.