Ruru Madrid does not believe in seven-year itch
Ruru Madrid: “Hindi ako naniniwala kasi, for me kasi, nakasulat na yan.”
Ruru Madrid on seven-year-itch belief about relationships now that he is about to cross this phase with girlfriend Bianca Umali (right): “Talagang kung kayo para isa’t isa, kayo talaga. And for me, basta malinaw sa aming dalawa yung suporta na ibinibigay namin at yung pagmamahal na binibigay namin sa isa’t isa, kahit sino pang pumigil, kahit na anumang tukso, pagsubok, kasi talagang dadaan at dadaan po yan.”Hindi naniniwala si Ruru Madrid sa seven-year itch.
Ang seven-year itch ay terminong ginagamit upang ilarawan ang panahon, sa ika-pitong taon, kung saan nagkakaroon ng pagbabago sa nararamdaman ng dalawang magkarelasyon.
May paniniwalang marami sa magkakarelasyon ang hindi nakakatawid sa yugtong ito.
Pero hindi naniniwala si Ruru rito.
Magpipitong taon na ang relasyon ng Kapuso actor sa girlfriend nitong si Bianca Umali sa July 2025.
Sabi ng MMFF 2024 best supporting actor, “Ako kasi, personally, hindi ako naniniwala kasi, for me kasi, nakasulat na yan.
“Talagang kung kayo para isa’t isa, kayo talaga.
“And for me, basta malinaw sa aming dalawa yung suporta na ibinibigay namin at yung pagmamahal na binibigay namin sa isa’t isa, kahit sino pang pumigil, kahit na anumang tukso, pagsubok, kasi talagang dadaan at dadaan po yan.
“Pero naniniwala ako na basta nagtutulungan kaming dalawa na mag-work yung relationship, lahat kakayanin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng columnist na si Allan Diones si Ruru sa grand media conference ng Lolong: Bayani ng Bayan nitong nakaraang Lunes, January 13, 2025.
Photo/s: Arniel Serato
RURU MADRID: “si Bianca nagpabago sa buhay ko talaga.”
Naka-recover na ba si Bianca sa pagiging emosyunal nito noong Gabi ng Parangal last December 28, 2024?
Hindi napigilan ng aktres na umiyak nang tawagin ang pangalan ni Ruru bilang best supporting actor winner para sa pagganap nito sa Green Bones.
Ayon sa Kapuso actor, “Hindi pa rin. Sobrang proud po siya.
“Sabi ko nga, hindi na ako makakahanap ng ganung klase ng tao, yung suporta na binibigay niya sa akin ngayon, simula noon actually.
“Sabi ko, si Bianca nagpabago sa buhay ko talaga.
“Kasi feeling ko, kung hindi dumating si Bianca sa buhay ko, hindi ko makakamit itong mga pangarap na ito.”
Hindi rin biro ang mga pinagdaanang pagsubok ng kanilang relasyon.
Dagdag ni Ruru, “Nagsimula kami na parang you and me against the world.
“Against sa amin lahat ng tao, na bina-bash kami, na parang nagkaagawan.
“Pero sabi ko nga, never kami pumatol, never kami nagsalita tungkol doon.
“Kasi alam ko na laging lalabas yung katotohanan at kung ano ba yung totoong nararamdaman namin sa isa’t isa.
“And nakakatuwa kasi ngayon nakikita na po ng mga tao, they’re all rooting for us na sana habang buhay na kami sa kabila ng mga…
“Siyempre nakakalungkot mang isipin, ang dami pong mga nagbe-break, especially sa mundo po na ginagalawan namin.
“It’s not easy na ilaban po namin yung relasyon kasi, I guess, for me yung relationship, it’s a choice.
“Not all the time mahal mo yung relationship, not all the time mahal niyo yung isa’t isa.
“So, dapat niyong piliin yung isa’t isa sa kabila ng mga problema at pagsubok sa araw-araw talaga.”
RURU MADRID: “choice din naming dalawa na huwag na muna…”
May plano na ba silang i-level up ang relasyon nila, like pag-aasawa or pagpapakasal?
Tugon ni Ruru, “Yes. Lagi naman po naming napapag-usapan yan.
“A, kung kailan, yun tayo medyo… hindi pa namin… kasi nga sa nangyayari sa amin ngayon, di ba nga, siyempre ang tagal po naming hinintay.
“Ang tagal hinintay ni Bianca yung Sang’gre, ang tagal kong hinintay itong Lolong at yung Green Bones.
“So, parang gusto namin ma-maximize ito and then eventually, hindi natin masabi bukas-makalawa, bigla namin maramdaman na baka ito na yung tamang pagkakataon, gagawin po talaga natin.”
Pero, hindi ba talaga sila nagli-live-in?
Mabilis na tugon ni Ruru, “Hindi, kasi malinaw po sa amin yung mga aral sa loob ng Iglesia [Ni Cristo] na talagang hindi pa namin puwedeng gawin.
“For me, parang choice din naming dalawa na huwag na muna kasi para at least ma-maximize din namin yung quality time na namin with my family or sa kanya, sa pamilya niya.
“Then, eventually, kung talagang kami doon na yung tamang pagkakataon.”
Mapapanood na ang Lolong: Bayani ng Bayan sa darating na January 20, 2025, pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.