Actress Xyriel Manabat slams basher on Instagram: “Di ba pwedeng manahimik.”
PHOTO/S: Courtesy: Instagram
Diretsahang binara ng aktres na si Xyriel Manabat ang basher na pumuna sa kanyang malaking hinaharap.
Sa Instagram nitong nakaraang October 10, 2024, nag-upload si Xyriel ng dalawang larawan niya.
Nakasuot si Xyriel ng plunging neckline kaya tumambad ang bahagi ng malaki niyang hinaharap.
Sabi niya sa caption, “Less than 5ft to be exact but still slayin’ (kissing emoji)”
Nagkomento rito ang ilang celebrities kasama na si Anne Curtis at Enchong Dee:
XYRIEL MANABAT: “parang ang stupid magcomment e”
Maraming netizens din ang nagandahan at naseksihan kay Xyriel.
Pero isang netizen ang nakaagaw-pansin sa atensiyon ni Xyriel.
Suhestiyon ng netizen, baka raw puwedeng bawasan ang hinaharap ng aktres dahil tila ang bigat nitong dalhin.
Buong komento nito, “Di ba pwedeng bawasan, parang ang bigat dalhin”
Binara naman kaagad siya ni Xyriel.
Aniya, “di ba pwedeng manahimik, parang ang stupid magcomment e”
Pero paliwanag ng netizen, na-miss daw niya si Momay, ang makulit na batang multo na ginampanan ni Xyriel noong child actress pa ito sa ABS-CBN drama series na Momay taong 2010; at si Anna Manalastas, ang karakter ni Xyriel sa teleseryeng 100 Days To Heaven noong 2011.
Komento ng netizen, “Miss ko na kc si Momay, she’s gone na. I still watch Momay sa ALLTV. Friday episode was about jj fighting to get the Funland back, and Hilary accusing jj of harassment. I also miss Anna Manalastas. (crying emoji) Kuha mo? Tanggapin na lng siguro na wala yung cheerful little girl with her full set of baby teeth.”
XYRIEL ON HOW SHE HANDLEs BASHERS
Noon pa man ay sinasabi na ni Xyriel na hindi hadlang ang kanyang kakulangan sa height at pagkakaroon ng malaking dibdib para gawin ang mga gusto niya.
Sabi niya sa panayam ni Ogie Diaz sa YouTube channel ng huli noong June 20, 2023, “Para po kasi sa akin, I’m so much more than my appearance. Hindi lang ako yung silhouette or body type ko.”
Sa katunayan, mas naaapektuhan daw siya sa hindi makatarungang trato sa kanya ng iba dahil sa kanyang katawan.
“Hindi ko po iniyakan yung height at dibdib ko. Pero siguro po yung pagiging unfair ng tao sa akin just because of my body type.”
Ito rin daw ang rason kung bakit hindi siya napapagod sumagot sa mga taong kumukutya at bumabastos sa kanya.
Paliwanag si Xyriel, “Ayoko ho kasi na pinapatahimik ako kapag tama ako. Ayoko po na hindi ko napaglalaban yung sarili ko kapag alam ko na hindi ako mali.
“Kapag alam ko po na may karapatan akong masalita, ilalaban ko.
“Ayoko po yung iba na dyina-justify, nino-normalize, pinagtatanggol nila yung maling utak ng pagiging bastos, pagbo-body shame, ayoko po nun.
“Yun po ang kinaiiyakan ko.”
Dagdag pa niya, “Kasi iniisip ko, ‘Matino naman akong tao, bakit ganun sila?’
“Hindi ko naman deserve ito, gusto ko lang namang mag-express ng suot ko, bakit ako yung mag-a-adjust, e, wala naman akong mali?
“Hindi naman po aksidente yung pagmamanyak o pangbabastos nila kasi nako-control yung utak.
“Yung body type ko, yung katawan ko, normal po siya.”