Sandro Muhlach sexual harassment complaint, didinggin sa Senado
Nakarating na sa Senado ang sexual harassment complaint ng Sparkle artist na si Sandro Muhlach laban sa GMA-7 “independent contractors” na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz.
Nakatakdang idaos ang pagdinig sa reklamo ni Sandro sa ganap na alas-onse ng umaga sa Miyerkules, Agosto 7, 2024.
Si Senator Robin Padilla, chairman ng Senate Public Information and Mass Media Committee, ang mamamahala at mangunguna sa senate inquiry tungkol sa reklamong sexual harassment ni Sandro.
Imbitado rin sa senate inquiry ang executives ng GMA Network at Sparkle GMA Artists Center, ang legal representative na si Atty. Angelo Diokno, at ang GMA Labor Relations manager na si Atty. Fidel Asuncion.
Inimbitahan din ang mga tauhan ng National Bureau Investigation dahil dito nagsampa ng reklamo si Sandro.
Ang reklamong sexual harassment ni Sandro laban kina Nones at Cruz ang pinakamalaking balitang pinag-usapan noong nakaraang linggo, pero pansamantala itong natabunan ng tagumpay ni Filipino gymnast Carlos Yulo sa Paris Olympics.
Inaasahang muling iinit ang isyu tungkol sa kaso ni Sandro dahil sa imbestigasyong gagawin ng Senate Public Information and Mass Media Committee.
Layunin ng senate inquiry na malaman ang katotohanan sa kontrobersiyal na insidenteng nangyari sa isang hotel sa Pasay City noong Hulyo 21, 2024, ilang oras matapos ang annual GMA Gala na ginanap sa Marriott Hotel noong Hulyo 20, 2024