Vice Ganda on Kim Chiu, Coco Martin malicious memes: “Ang daming poot ng mga tao.”

Vice Ganda on bashers: “Kahit anong pakiusap mo, ‘nak ng p*ta, hindi makikinig sa ‘yo iyan.”

Lubhang ikinalungkot daw ni Vice Ganda ang katakut-takot na panlalait kina Kim Chiu at Coco Martin dahil lang sa nanindigan ang mga ito.

Pahayag ni Vice, “Nalungkot ako para sa mga kaibigan ko na nami-misinterpret.

“Nalulungkot ako para kay Coco, nalulungkot ako para kay Kim Chiu.

“Kasi, parang hindi nila deserve na pagsalitaan…”

Siyam na araw na ang lumipas mula nang lumantad sina Kim at Coco para umapelang sana ay mabalik sa ere ang ABS-CBN broadcast operations.

Pero hanggang sa kasalukuyan ay viral pa rin sa social media ang mga malisyosong patutsada kina Kim at Coco.

Si Coco ay ginawan ng memes kunsaan pinaglaruan ang kanyang lisp, at pinagmukhang katawa-tawa ang quotes niya tungkol sa pagmamalasakit sa home network.

Kalat din sa social media ang memes kay Kim na ginawan ng iba’t ibang bersyon ng jingle ang paghahalintulad niya sa pagpapasara sa ABS-CBN sa “Batas ng Classroom.”

Apektado raw si Vice dahil nakakabagabag na puno ng galit sa paligid.

“I will not deny the fact na itong mga nakalipas na araw, may mga araw na naiiyak ako.

“Nalulungkot ako dahil parang ang daming poot ng mga tao, parang hindi magkaintindihan ang mga tao.

“Ang daming galit sa isa’t isa, ayaw magkaunawaan.”

ON ABS-CBN SHUTDOWN

Hindi rin daw maiwasan na mag-alala siya sa lagay ng ABS-CBN.

Nagsimulang umaksyon ang Kongreso para mabigyan ng provisional franchise ang ABS-CBN, na ang bisa ay hanggang sa October 31.

Pero hinihintay pang maisabatas ito.

Wala pa rin kasiguraduhan kung maipapasa sa Kongreso ang 25-year franchise ng ABS-CBN.

Patuloy ni Vice, “Hindi ako okey na walang ABS-CBN.

“Hindi ako okey na walang TV Patrol. Hindi ako okey na walang It’s Showtime, hindi ako okey sa mga nangyayari.

“At dahil naramdaman ko na ang daming galit sa paligid, nalungkot ako, so naiyak ako.”

Ibinahagi ito ni Vice noong Sabado ng gabi, May 16, sa kanyang Facebook Live na umabot ng halos dalawang oras.