Former actor John Wayne Sace accused of shooting and killing his friend at a certain location in Pasig City, Monday night, October 28, 2024.
Arestado ang dating aktor na si John Wayne Sace dahil sa pamamaril at pagpatay umano sa kanyang kaibigan.
Nangyari ang insidente sa Barangay Sagad sa Pasig City eksaktong 7:30 P.M. noong Lunes, October 28, 2024.
Base ito sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA-7 afternoon newscast Balitanghali ngayong Martes, October 29, 2024.
Apat na tama ng pistol na kalibre .45 ang tumama sa biktima.
Makikita sa ulat na nakahandusay ang walang buhay na katawan ng biktima na nakasuot ng shorts at T-shirt sa may tapat ng gate.
Nadakip si John Wayne ng pulisya ilang oras lamang pagkatapos ng insidente.
Natagpuan ang dating aktor sa isang hotel na di nalalayo sa pinangyarihan ng insidente.
Iditena si John Wayne sa Pasig Police headquarters.
Dinala siya sa Eastern Police District para sa isang paraffin test ngayong araw, pero nakatakdang bumalik sa Pasig Police headquarters.
Hindi pa matukoy ang motibo sa diumano’y pamamaril ni John Wayne sa kaibigan.
Ang isang anggulong tinitingnan ay ang napag-alamang alitan ni John Wayne at ng kanyang kaibigan, base sa panayam ng pulisya sa dating aktor kagabi.
WHO IS JOHN WAYNE SACE
Si John Wayne ay nakilala bilang miyembro ng all-male dance group na Anime sa ASAP noong 2003.
Kagrupo niya roon sina Emman Abeleda, Rayver Cruz, Rodjun Cruz, at Sergio Garcia.
Nakatambal niya si Maja Salvador sa defunct Kapamilya primetime series na It Might Be You (2003-2004).
Kasama siya sa cast ng horror-fantasy TV show na Spirits (2004-2005).
Gumanap din siya bilang isa sa mga anak nina Vilma Santos at Christopher de Leon sa 2002 film na Dekada ’70.